28.7 C
Manila
Sabado, Mayo 10, 2025

500 preso nailipat na mula NBP tungo sa Iwahig Prison

- Advertisement -
- Advertisement -

BILANG bahagi ng Philippine Development Plan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nailipat na ang may 500 lalaki at babaeng bilanggo mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City at Correctional Institution of Women sa Mandaluyong City patungo sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan noong Miyerkules, Hunyo 28.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang, Jr., layunin ng plano ng pamahalaan na gawing rehiyonal ang pagkakakulong ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan o People Deprived of Liberty (PDL) upang mapabilis ang kanilang rehabilitasyon at mapadali ang pagpapabuti ng mga pasilidad ng bilangguan.

Ang mga bilanggo ay dumating sa Puerto Princesa lulan ng M/V St. Francis Xavier bilang mga regular na pasahero bagama’t nakahiwalay sa karamihan at matamang binabantayan ng may 200 tauhan ng BuCor.

Kabilang sa mga inilipat ng preso ang mga residente ng Palawan at iba pa na hindi orihinal na taga-Palawan ngunit piniling pumunta doon.

Pagkababa sa pantalan, ang 450 lalaking bilanggo ay isinakay sa 13 inarkilang mga bus patungo sa Inagawan Sub-Colony at ang 50 mga babaeng bilanggo naman ay dinala sa hiwalay na pasilidad na matatagpuan sa Barangay Sta. Lucia.

Katulong ng BuCor personnel ang ilang tauhan ng 3rd Marine Brigade at Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force sa pagbabantay habang naglalakbay patungo sa bagong bilangguan.

Ang mga preso ay hinainan ng espesyal na pagkain ibang-iba sa mga pagkaing ibinibigay sa kanila bilang PDL.

Sinabi ni IPPF Superintendent Gary Garcia, ang nakatalagang mangasiwa sa paglilipat sa mga bagong kulungan, na maayos at ligtas ang mga bilanggo pati na ang publiko sa gagawing paglipat.

“Lahat sila ay sasailalim sa health check-up upang matukoy ang anumang mga sakit na nakuha sa kanilang paglalakbay. Ang mga babaeng preso ay sasailalim din sa parehong pamamaraan, kabilang ang pregnancy test upang matiyak ang naaangkop na pangangalaga para sa mga nagbubuntis, kung mayroon man,” ani Garcia.

Idinagdag ni Catapang na ang ilan sa mga inilipat na preso ay irere-classify mula sa “medium at maximum security level” hanggang sa “minimum security level” bilang malapit na nilang matapos ang kanilang mga sentensiya.

Ang pagtatayo ng IPPF, na kadalasang tinatawag na “prison without bars,” ay nagsimula noong 1904 nang 61 detenido mula sa Bilibid Prison ang iniutos na ilipat doon ng rehimeng Amerikano.

Bukod sa 500 preso, may 2,000 pang iba ang ililipat mula NBP patungo sa IPPF, 2,500 bilanggo sa Leyte Regional Prison at kaparehong bilang din sa Davao Prison and Penal Farm.

Ayon pa kay Catapang, ang Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ay gagawing pasilidad para sa mga hinatulan sa nagawang karumal-dumal na krimen.

Sa datos ng BuCor, aabot sa 51,134 preso ang nakakulong sa pitong prisons and penal farms sa buong bansa.

Sa panayam kay Catapang sa dzBB noong Abril 15, sinabi nito na sa taong 2028 ay sarado na ang NBP. Ang pagsasara ay bahagi ng programa ng BuCor na gawing commercial center ang may 357-ektaryang lugar tulad ng sa Bonifacio Global City sa Taguig at tatawaging BuCor Global City kung saan maglalagay rin ng isang food terminal.

Samantala, inorganisa ng BuCors’ Directorate for External Relations sa pamumuno ni CT/Supt Noel Marquez, DVM at ang 5th Culminating Program F.Y. 2023 hanggang

Umabot sa 423 preso ang pinalaya noong Hunyo 27, 2023 sa ginanap na ika-limang Culminating Program F.Yl 2023 sa NBP National Headquarters sa pamumuno ng Directorate for External Relations at External Affairs Section ng lahat ng Operating Prison and Penal Farms (OPPF) sa bansa.

Sa kabuuang bilang ng mga nakalabas na PDL, ang 195 preso ay mula sa New Bilibid Prison (NBP), 55 sa Leyte Regional Prison (LRP), 29 sa San Ramon Prison at Penal Farm (SRPPF), labing-11 sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF), 23 sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF), 33 sa Correctional Institution for Women (CIW), at 77 sa Davao Prison and Penal Farm.

Karamihan sa mga pinalayang PDL ay inilalabas dahil sa pag-expire ng maximum na sentensiya na may Good Conduct Time and Allowance (GCTA) at parole.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -