ITUTULOY ko na itong ideya na pagpukos sa pagkain bilang pangunahing programa ng gobyerno. Totoong napakaradikal na pagbabago ang kakailanganin upang ito ay maisakatuparan.
Unang-una, maliwanag na lahat ng aspeto ng produksyon ng pagkain ay kailangan alisin sa kamay ng pribadong sektor at gawing tungkulin ng pamahalaan. Mula sa produksyon ng mga pangunahing cereal na mais at palay hanggang sa mga ugat na pagkain tulad ng matamis na kamote at kamoteng kahoy, ube, gabi, uraro, at lahat ng mga gulay na pananim. Ang paglilinang sa mga karagatan at mga katubigang nakukulong ng lupa ay saklaw pa rin ng pagsasabansa. Ibig lang sabihin, maaalis na sa malalaking mamumuhunan ang naglalakihang palaisdaan at mapapasakamay na rin ng pamahalaan.
Sa katunayan, ultimong ang buong industriya ng livestock — manok, baboy, baka’t kalabaw — ay mapapailalim na lahat sa pangangasiwa ng pamahalaan. Kung kaya sa isang iglap, ang dambuhalang problema ng pagkain ng 100 milyong Pilipino ay ganap nang lutas.
Noong 2006, nagkaroon ng isang pag-aaral sa gastos ng pamumuhay sa Pilipinas. Lumitaw na ang tinatayang 15 milyong pamilyang Pilipino ay gumagastos ng di kukulangin sa 5 trilyong piso para sa kanilang ikabubuhay tuwing taon.
Ngayon, magkano ang inaprubahang budget ng pamahalaan para sa taong 2023?
5 trilyon!
Limang trilyon para sa mga gastusing malayo sa bituka ng mga Pilipino. Sa sweldo na lamang ng matataas na opisyal ng Banko Sentral ng Pilipinas ay milyones na lahat. Kwentahin mo pa ang samut-saring mga burukrata ng gobyernong sa kaduluduluhan ang pinagsisilbihan ay ang mga bulsa ng mga pribadong kapitalista, ano ang resulta?
Gutom ng 99% ng 100 milyong Pilipino.
Ito ang nakalulungkot na larawan ng buhay sa Pilipinas. Kung bakit tila bahagya nang madalirot ng pangunahing media na ang pinagkakaabalahan ay mga pang-ilang sa utak na mga kabulastugan tulad ng Eat Bulaga. Habang sinusulat ko ito, ano ang bumubulaga sa aking pangitain kundi ang paghahambog ng bagong palabas ng TVJ sa TV5 na sandamukal na mga mang-aanunsyo — kabusugan ng mga dati nang bundat.
Hindi ba napakasakit sa tenga na pakinggan ang palakpakan ng balanang manonood sa palabas — walang kamalay-malay na ang kanilang pinapalakpakan ay ang sarili nilang kamalasan?
Sa aking kinalalagyan habang sinusulat ko ito, naglipana sa aking paningin ang samut-saring masa, bitbit o sunong ang iba’t-ibang uri ng paninda — talbos ng kamote, pechay, gabi, mga kakanin, mga twalyita’t basahan, walis tambo’t walis tingting, mga plastic na hanger at iba pang gamit pambahay, lahat inilalako upang pagkakitaan ng konting pambili ng konting kanin at ulam na pandugtong buhay. Isama mo na roon ang mga manghahalukay sa mga basurahan ng mga kalakal na isusugod sa mga junk shop para sa kanilang konting tanghalian.
Sinu-sino ba ang mga nilalang na ito kundi mga kamag-anakan ng mga taong nagbubunyi sa kapalaran ng TVJ?
Hayy, Pilipino!
Papaano nga ba binabalikat ni Bongbong ang problema sa pagkain ng Pinoy?
Naging palaisipan lamang para sa akin kung bakit pinili niyang personal na hawakan ang Kagawaran ng Agrikultura. Ang pag sambulat ng kontrobersya sa asukal ay kagyat na nagpakita sa akin ng maaaring personal niyang motibong kontrolin ang kalakalan sa asukal. Sinundan pa ito ng ganun ding kontrobersya sa sibuyas.
Ganun ba kalakas pagpakayamanan ang pagkain para personal itong pagkainteresan ng presidente?
Sa kabilang dako, hindi maiwasang maalaala ko na sa martial law ng tatay ni Bongbong, isa sa naging matingkad na naisakatuparan ay ang Masagana 99. Mula sa dating mababang bilang ng ani kada ektarya ng palayan, naitaas ito sa 99 cavan kada ektarya.
Ano ang alalahaning kahalintulad ng Masagana 99 ng kanyang tatay na nagtulak sa kanya upang personal na hawakan ang Kagawaran ng Agrikultura?
Sabi nga sa English, “Hoping against hope ako na ito mismo ang sarili kong alalahanin na ang pagkain ng taumbayan ang prayoridad ng pamahalaan.”
Kung ito ang totoo, kasing aga pa ng ngayon, ipahahayag ko na, si Bongbong ang pinakadakilang naging pangulo ng Pilipinas.
Katulad ng natukoy ko na sa mga panimulang diskusyon ng paksang ito, ang pagbibigay prayoridad sa pagkain bilang tungkulin ng pamahalaan ay magbubunga ng mga radikal na pagbabago, na ngayon ay sinisimulan kong linawing kontra sa mayamang katayuan sa buhay ni Bonbong.
Sa produksyon na lang ng palay halimbawa. Kung ito ay kanyang isasabansa, mangangailangan ito ng pagbabago sa relasyon ng pag-aari ng mga sakahan. Bilang kabilang sa kokonting angkan na nagmamay-ari ng malalaking lupain, di ba para lang dumampot ng bato si Bongbong at ipinukpok sa kanyang ulo?
Ang pagsasabansa sa industriya ng pagkain ay paglalagay kay Bongbong sa pamimili: Bansa o sarili?

