26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Pananalakay ng Tsina isang guni-guni lamang

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

ALAM natin kung ano ang guni-guni. Isang pangitaing di totoo. Haka-haka. Kathang isip. Sa kasalukuyang palasak na gamit sa propesyon ng panulat, fake news.

Guni-guni na hinarang ng dalawang barko ng China Coast Guard at armada ng pitong barko ng mga milisyanng Tsino ang BRP Malabrigo at BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard (PCG)  habang papunta sa pagsuplay ng pagkain sa mga tropang gumagwardya sa nabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Di totoo na lumaktaw ang mga barkong Pinoy sa mga hangganan ng dapat nilang kalagyan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Haka-haka na tinugis ng CCG ang PCG pagkaraang maideliber ng huli ang suplay na pagkain. Kathang isip na palala nang palala ang tension sa South China Sea dulot ng walang hintong pambubully ng China sa Pilipinas. At fake news gaya ng pagyayabang ng isang komentarista sa telebisyon na handang makipagbrasuhan ang Pilipinas sa China anumang oras.

Ang lahat ng nabanggit ay putok na putok kapwa sa social media at mainstream media. Tila putahe na napakasarap hindi lamang tikman kundi laklakin.

Pero matanong nga natin. Ano bang masarap sa giyera? Bakit tuwing kibot ng China sa South China Sea, ipinagkakahulugan  ito na pananalakay sa Pilipinas? At ang sangkaterbang mga amuyong ng Amerika ay abot-langit ang pang-uudyok sa balana na mag-alsa-armas at lumaban sa China.


Akala mo naman may maipantatapat tayo sa Dong Feng 21, na ilang segundo lamang ang kailangan upang burahin sa mapa ang Pilipinas. Kung Amerika nga takot dito, tayo pa kaya. Sa isang pagdinig sa senado ng Estados Unidos, inamin ng matataas na opisyal pandigma ng Amerika na wala pa silang hawak upang pigilin ang pag-atake ng hypersonic missile, na ganun ang Dong Feng 21 ng China.

Sa ipinangalandakang insidente ng panghaharang ng mga barko ng China Coast Guard sa supply mission ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal, malayo sa katotohanan ang mga pinagsasabi ng mga alipures ng Kano.

Sa isang report sa Philippine Star, inamin ng spokesperson ng Philippine Coast Guard na si Rear Admiral Armand Badilo na  hindi nila alam na iyun ay nangyari. Napakaimposible na ang ganun kaselan na insidente ay hindi alam ng sentrong upisina.”Wala kaming impormasyon,” wika ni Rear Admiral Balido.

Paano nga kasi, ayon na rin sa pag-amin ng ulat ng Philippine Star, hindi tunay na pangyayari ang pinagbatayan ng ulat kundi isang serye ng tweet ng isang pinangalanang Raymond Powell, diumano’y dating opisyal ng United States Air Force. Nakatalaga ito ngayon sa Gordian Knot Center for National Security Operation. Batay sa mga larawang kuha ng satellite, nakita ni Powell ang kani-kaniyang posisyon ng  mga barko ng CCG at PCG, at kanyang ipinagpalagay na maaaring harangan ng CCG ang PCG.

- Advertisement -

Ang tanong nangyari ba ang harangan?

Naisagawa ang food resupply mission. Ibig sabihin, walang harangang naganap. Ipinagpalagay ni Powell na ang pagtugis ng CCG sa PCG ay nangyari matapos ang misyun. At ito ang pinik-ap ng mga Amboys sa Philippine media at buong init na pinalaganap bilang pananalakay na naman ng China.

Paulit-ulit na ratsada ng mga balita ng pananalakay ng Tsina. Walang katapusang kasinungalingan na ang ultimong bunga ay paasimin ang mapagkaibigang relasyon ng China at Pilipinas.

Noong nakaraang taon, isa ako sa pinagkalooban ng Award for Promotion of Philippine-China Understanding (APPCU). Ang gabing iyun sa Dusit Thanie Hotel ang pinakamakahulugang sandali ng aking buhay. Sa naging palitan ng paniniyak ng pagkakaibigan ng mga lider ng China at Pilipinas na naroroon (Ambassador Huang Xilian at papaupo pa lamang na Pangulong-halal Ferdinand “Bongbong’ R. Marcos Jr.), damdam ko ako ay kabahagi.

Di kaginsa-ginsa’y heto’t magdidigma na pala ang dalawang bansa. Ibig bang sabihin, ang lahat ng pagpupunyagi sa panulat na siyang tangi kong kredensyal sa award na aking tinanggap ay nauwi sa wala.

Hindi dapat na ganito ang mangyari. Lahat ng pagsisikap ay dapat gawin ko sa aking abang kakayanan upang ang parangal na aking tinanggap ay manatiling buhay magpakailanman.

- Advertisement -

Manaka-naka, may mga sandaling tumatamis ang ugnayang Tsino-Pilipino. Tulad ng pagdalaw sa Pilipinas ng trainer ship ng China na Chi Jing Kwang na dumaong sa South Harbor noong Hunyo 14, 2023. Galing ang barko sa pag-ikot sa mga bansang Asean at tumigil sa Pilipinas bilang panghuling hinto bago umuwi.

Totoong pista ang naging pagsalubong sa Chi Jing Kwang. Tumugtog ang banda ng Philippine Navy ng medley ng mga katutubong himig bilang masayang pagtanggap sa bisita. Mismong si Chinese Ambassador Huang Xilian ang nanguna sa pagsalubong sa mga panauhing tropang Chino. Mula Miyerkoles hanggang Sabado ng linggong iyun, buong saya na ginugol ng mga panauhin at tropang pinoy ang panahon sa mga mapagkaibigan at masayang laro. Ganap na kabaligtaran ito ng nangyari  sa naunang pagbisita naman ng mga tropang Amerikano na pawang larong pandigmaan ang naganap gamit ang mga totoong bala.

Personal na sororesa sa akin ang pagdalaw ng Chi Jing Kwang. Nangyari ito habang mainit ang usapin laban sa pagsang-ayon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa karagdagang apat na base para sa mga kagamitang pandigma at mga tropang Amerikano. Galit nang tinuligsa ng China ang desisyon ni Bongbong. Kitang-kita na ang mga karagdagang base –  Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana at La-lo Airport sa La-lo, kapwa nasa Cagayan;  Kampo Kapitan Melchor De la Cruz sa Isabela; at isa sa Palawan – ay nakapuntirya na sa China.

Naging pakiramdam ko na makuntento na sa pahayag ni Bongbong.

“Ano ang ikatatakot nila (China)? Kung hindi naman sila (China) aatake, hindi naman gagamitin ang mga base.”

Ipinagpapalagay dito na kung magkakagiyera sa South China Sea, China ang magpapasimula.

Pero, heto nga’t naririto ang mapagkaibigang dalaw ng Chi Jing Kwang. Di ba ito nagpapahiwatig na ang pinangangambahang pananalakay ng China ay di magaganap?

Ang totoong problema rito ay, naririyan nga lagi ang Estados Unidos. Laging nanggugulo. Nanunukso. Nang-aasar. Nambubuyo.

Tulad ng pagpapaputok ng balitang panghaharang ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard na isang guni-guni lamang.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -