USAP-USAPAN ngayon online ang viral video ng premyadong aktres na si Lea Salonga kung paano nito pinakitunguhan ang fans na humiling magpa- picture sa kanya sa katatapos lang na Broadway play nito na “Here Lies Love” sa New York City.
Ang 2-minutong video clip ay ipinost sa Facebook ni Cristopher Retokelly Carpila noong Hulyo 15 na may panimulang caption na, “GUSTO KO LANG PO IPOST. Bahala na po kayong humusga.”
Makikita sa video na pumasok ang mga fans sa dressing room ng aktres at nagtanong, “Hi Ms. Lea, can we take pictures with you?” Ibinalik naman ni Lea ang tanong kung sino ang mga ito dahil hindi niya ito kilala, sumagot sila na, “we are just a fan, please.” Kaya’t sinabihan ng aktres ang mga ito na hindi sila puwedeng makapasok backstage lalo na kung hindi sila nakalista bilang bisita.
Sinubukan ni Lea na ituro sa mga ito kung saan ang daan palabas, “You’ll have to go to the door,” pagdiin pa nito na halatang nadismaya at nagsabing, “I’m sorry because if I allow this now, then other people are gonna take advantage of this,” dagdag pa ni Lea.
Hindi pa natapos doon, nagpumilit pa rin ang naturang fans at nagbanggit pa ng pangalan at sinabing kaibigan sila ng isa sa mga co-producer ng musical. Gayunpaman, pinagsabihan ng aktres ang fans na dapat ay maghintay sila sa labas ng pinto. Matapos na patayin ang ilaw sa kanyang kwarto ay si Lea na mismo ang naghatid sa mga ito palabas ng kwarto.
Humingi naman ng dispensa ang naturang fan at patuloy na pinuri ang aktres habang naglalakad sila patungong exit, kung saan nagkaroon ng tsansa ang mga ito na makapagpa-litrato kay Lea Salonga.
Ayon sa mahabang post ng fan na si Carpila, ipinost niya ang video dahil masaya siyang malapitan ang aktres. Aniya, malala ang nangyari sa una matapos di umano silang pagtabuyan ng mga staff sa harap ng maraming tao (Filipino at Amerikano). Hindi daw nito na-videohan ang unang kaganapan sa baba ng enteblado dahil habol lang nila ang makapagpa-litrato kay Lea.
Sabi pa nito sa Facebook, ” Para kay Ate LEA, If ever naman po na mali kami at wala sa guest list , the Fact na andun na kami para lang magpapicture .. pumila at nagbayad ng mahal para sa Show, siguro naman po bilang Kapwa PILIPINO at mga FANS eh mabigyan ng kahit konting RESPETO AT KAHIT HINDI NA YAKAPIN OR I BESO ay mapagbigyan na kahit sandaling Magpa PICTURE ( mabilis lang naman yun).”
Bumanat pa ito na, bagama’t proud siya kay Lea Salonga dahil sa hatid nitong karangalan sa bansa, hindi raw talaga sya super FAN ng aktres at sabit lang siya doon dahil ang mga kasama niya talaga ang fans ng aktres.
Samantala, pinanigan naman ng netizens ang Tony at Laurence Olivier awardee na aktres at sa desisyon nitong tumanggi sa pagpapalitrato sa loob ng kanyang dressing room. Kung saan qinoute ni Lea ang ang sariling tweet nito noong Mayo na naglalaman ng mensahe mula sa kanyang ina na: NEVER ACCEPT FOOD FROM STRANGERS, aniya “Just a reminder… I have boundaries. Do not cross them. Thank you.”
Sinagot din niya ang tweet ng ilang netizens na nagsabing masyadong entitled ang ilan sa mga Filipino fans, ayon kay Lea, “Oh, I neglected to mention that he and his companions rushed me on the dance floor after the show. Security had to surround me at that point because they got scared.”
Hindi rin naiwasan magpahaging ni Lea matapos i-tweet ng user na si @alexiejemdlc_ na: “Sadyang may mga mangmang lang talagang fans na porket napanood ka sa America, akala mo kung sino na’ng umasta,” kung saan sinagot ito ng singer na, “Meron pa akong kuwento tungkol sa mga ganoong klaseng tao. Pag medyo nawalan na ako ng tama, isusulat ko dito.”
Matapos ma-soldout sa The Public Theater, National Theatre, at Seattle Rep, matutunghayan na sa Broadway ang Here Lies Love, kung saan gumaganap si Lea bilang Aurora Aquino, ina ng yumaong dating Senador na si Benigno “Ninoy” Aquino 3rd. Ito rin ang unang pagkakataon ni Lea na mag-produce ng musical show, kasama rin nito bilang mga producer ang Filipino-American stand-up comedian na si Jo Koy at singer na si H.E.R.
Ang Here Lies Love ay isang all-Filipino cast musical show patungkol sa dating First Lady na si Imelda Marcos at ang paglalakbay nito matapos ang kamangha-manghang pag-akyat sa kapangyarihan kasunod ng pagbagsak nito sa kamay ng Philippine People Power Revolution na idinaan sa sayawan.