29.3 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Tatlong malaking kamalian ni Pangulong Marcos

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa dalawang bahagi

SA pagsapit ng isa pang State of the Nation Address (Sona) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24, labasan na ang mga komentaryo sa pamamalakad ng bansa.

Patuloy ang paglago ng ekonomiya at pagbaba ng unemployment, ang porsiyento ng manggagawang hindi makakita ng trabaho; gayon din ang inflation, ang bilis ng pagmahal ng bilihin.

Samantala, malakas pa rin ang suporta ng mga pinuno at partidong politiko sa Pangulo, pati karamihan sa media. Kaya naman, positibo ang maraming ulat tungkol sa pamahalaan niya.

Pero may sablay rin, at ito ang tutukuyin natin ngayon at sa araw ng Sona. Maiba naman sa kalakaran ng madla.


Ang problema sa agrikultura

Unang kamaliang nakikita natin ang patuloy na panunungkulan ni Pangulong Marcos mismo bilang Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka (Department of Agriculture), sa halip na magtalaga ng hepe ng DA, kalihim man or pansamantalang tagapangalaga (OIC). Mahigit isang taon na ito.

Alam naman natin ang pagsipa ng presyo ng pagkain, kabilang ang asukal at sibuyas. Bagaman hindi ito maisisisi sa Pangulo at DA lamang, hindi rin maitatatwang mas masusi sanang napamahalaan ang produksiyon, pangagalakal at distribusyon ng makakain kung may pirmihang pinuno ang ahensiya, sa halip ng Presidenteng napakaraming pinagkakaabalahan.

Kung may nakatutok na kalihim o tagapangalaga ng DA, di-hamak na mapag-aalaman at maaaksiyunan niya kaagad ang biglaang talon ng presyo at kapos na bilihin sa merkado — di-gaya ng Pangulong nakatanaw sa buong bansa at kinailangan pang mangibang-bansa 13 beses sa una niyang taon.

- Advertisement -

Ang higit pang problema mula sa pagmahal ng pagkain: ito ang pinakamalaking bahagi ng consumer price index (CPI), ang panukat ng inflation rate o pagtaas ng presyo. Inflation rate naman ang may malaking timbang sa dalawa pang numerong napakahalaga sa paglago ng ekonomiya, negosyo at trabaho: ang interest rate or interes sa pautang ng bangko, at ang palitan ng piso at dolyar o exchange rate.

Pagtaas ang inflation, gayon din ang interes, samantalang humihina ang piso. At pag-akyat ng inflation, interes at palitan ng piso at dolyar, pabigat ito sa ekonomiya, negosyo at mamimili.

May nagsasabing mas natutukan ni Pangulong Marcos ang agrikultura bilang Kalihim ng DA. Pero puwede pa ring nagawa niya iyon kahit may ibang tagapamuno ang Kagawaran ng Pagsasaka. Maaari pa rin niyang pinulong ang ahensiya gaya ng ginagawa niya ngayon at itinakda ng mga programa at patakaran.

Ang diperensiya, may hepe ang DA na nakamatyag at agad makakikilos sa oras na may aberyang dapat aksiyunan at may awtoridad para gawin ang nararapat, lalo na ang mga utos ni Marcos. Sa gayon, naibaba sana ang inflation at kasama nito, ang interes at palitan ng piso at dolyar, upang sumigla ang kabuhayan at mapigil ang inflation,

Harinawa, magtalaga na ang Pangulo ng kalihim o tagapangalaga ng DA sa lalong madaling panahon.

‘Kasuka-sukang away-politika’

- Advertisement -

Pangalawang kamalian ng kampo ni Presidente Marcos ang intriga laban kay Kongresista ng Pampanga at dating pangulong Gloria Arroyo. Noong Mayo, ibinaba ang posisyon niya sa Kamara de Representante sa deputy speaker mula senior deputy speaker. “Nasa kapangyarihan iyon ng Kamara,” sabi ng mambabatas noon.

Subalit ang paratang ng mga kalaban niya, nagbalak diumano ang dating pangulo na palitan si Speaker Martin Romualdez bilang pinuno ng Kamara. May kongresista raw na nagsabi kay Kong. Arroyo na suportado siya ni Unang Ginang Marie Louise “Liza” Araneta Marcos, kabiyak ng Pangulo.

Walang katotohanan sa lahat ng iyon. Walang kongresistang nagsabi nito kay Arroyo, at kung mayroon man, agad uusisain ni Arroyo sa Pangulo at sa Unang Ginang kung totoo ang tsismis. Sa tatlong dekada niya sa politika, sampu ng pagiging anak ng dating pangulong Diosdado Macapagal, hindi basta maloloko ang dating presidente.

Pakana laban kay Arroyo ang nangyari, hindi kay Romualdez. At hindi lamang laban sa dating pangulo, kundi laban sa Pangalawang Pangulo rin. Kaya naman nag-alma si Bise-Presidente (VP sa Ingles) Sara Duterte matapos ibaba ang puwesto ni Arroyo, isa sa mga pangunahing tagasuporta at tagapayo ng VP.

Kumalas si Inday Sara sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang partido niya sa halalang 2022. Siya ang tagapamuno o chairman ng Lakas, si Romualdez ang presidente, at si Arroyo ang tagapamunong pandangal o chairman emeritus. Nagbitiw siya dahil sa tinagurian niyang “kasuka-sukang away-politika.” Pihadong tinutukoy niya ang intriga laban kay Arroyo.

Bakit ito pinahintulutan ni Pangulong Marcos? Napakalakas ng alyansya nila ni Pangalawang Pangulong Duterte, at malamang kaya nitong isulong ang malalaking reporma at batas, maging pag-amyenda ng Konstitusyon. At walang makalalaban sa koalisyon nila sa halalan.

Ngayon, maaari itong mahati, at tumindi ang tunggalian sa politika at pagkontra sa mga plano ng gobyerno. Sa halip na magkaisa para sa kaunlaran ng bayan, magigirian na naman ang mga pulitiko para sa eleksiyon ng 2025 at 2028. Dating magkakampi na naging tandem sana sa halalan, magkatunggali na sina VP Duterte at Speaker Romualdez.

Sa Hulyo 24 pag-usapan natin bakit nangyari ito.

 

- Advertisement -
Previous article
Next article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -