30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Basa. Bayan. Bukas.

PUWERA USOG PO!

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY araw na nakatakda para ipagdiwang ang mga lokal na aklat pambata. Ang ikatlong Martes ng Hulyo ng bawat taon ay itinakda para maging Pambansang Araw ng Aklat Pambata o National Children’s Book Day (NCBD). Gaya nang nabanggit ko sa nagdaang kolum, may kaugnayan ang pagdiriwang na ito sa araw na nalathala ang retelling ni Dr. Jose Rizal ng kuwentong ‘The Monkey and The Tortoise’ sa Trubner’s Oriental Record, isang dyornal sa London para sa mga sulating mula sa Timog-Silangang Asya. Kaya’t sa kung ano mang petsa mapatapat ang ikatlong Martes ng bawat taon, yun ang magiging araw ng pagdiriwang.

Ang poster ng tema ng pagdiriwang ng 40th National Children’s Book Day

Ngayong taong ito, sa Hulyo 18 gaganapin ang National Children’s Book Day. Ito ang ika-40 taong pagdiriwang ng NCBD. Itinatag ang PBBY noong 1983 sa pangunguna ng mga founding members na sina National Artist Lucresia Kasilag (musician), National Artist Virgilio Almario (makata), National Artist Larry Alcala (cartoonist), Rene O. Villanueva (manunulat), Alfrredo Navarro Salanga (kritiko),  Dr Nina Lim-Yuson (educator), Socorro Ramos (bookseller), Gloria Rodriguez (publisher), Dr. Serafin Quiason (ng National Library), Carol Afan (researcher), at Angelica Cabanero (librarian).

Napapanahon ang napiling tema ng NCBD sa taong ito: ang “Basa. Bayan. Bukas.” Kailangang magbasa tayo ng mga aklat upang mapatatag natin ang ating bansa at magkaroon tayo ng magandang bukas. Ang aklat at pagbabasa ay di lamang upang magdulot ng aliw (o maglibang) sa atin kundi dapat ding isiping mahalagang kasangkapan ito sa nation-building.

Ang may akda na si Dr. Luis Gatmaitan kasama ang isang batang mahilig magbasa

Kabi-kabila ang magaganap na aktibidad sa araw na ito. Baka nga hindi isang araw lamang kundi buong linggo (o buong buwan) ang maging pagdiriwang lalo pa’t aktibo ang mga sektor na involved sa panitikang pambata. May mga storytelling sessions, may forum, author school visits, bookselling, at iba pa. Sa pagbubukas ng NCBD sa Hulyo 18, gaganapin ito sa Tanghalang Ignacio Gimenez ng Cultural Center of the Philippines. Dito rin igagawad ang mga parangal para sa mga nagwagi sa taunang paligsahan sa pagsusulat at pagguhit ng aklat pambata.

May mga pagkilalang ibinibigay ang PBBY sa mga manunulat at ilustrador ng aklat pambata taon-taon. Ngayong 2023, ang nagwagi bilang Grand Prize ng PBBY-Salanga Prize ay ang UP Baguio professor na si Arnold Tristan Buenaflor para sa kanyang akdang ‘Koronang Santan.’ Ang naturang akda naman ang naging basehan ng PBBY-Alcala Illustrators Prize na napanalunan ng guro at children’s book illustrator na si Al Estrella. Ang tumanggap ng Honorable mention sa ilustrasyon ay sina Arn Vian Delos Reyes at Gervin Angelo Andres. Ang iba pang mga akdang tatanggap ng 2023 PBBY-Salanga Prize bilang Honorable Mention ay ang sumusunod: Hindi ako Mayumi! (ni Joshene Pearl Bersales), Ang Nawawalang Bunga (ni Rommel Pamaos); Lilipad-lipad ang Paruparong Dagat (ni John Romeo Venturero); Nakikisilong (ni Eljay Deldoc); Ang Araw ng mga Ina ni Tala (ni Chrystel Therese Darbin); at Ang Dating Magkakaibigan sa Baryo Bantas  (ni Jake Fraga).


Bukod sa Salanga Prize at Alcala Prize, nagbibigay din ang PBBY ng award para sa isang larangan na di gaanong napagtutuunan ng pansin: ang PBBY Wordless Book Prize.  Noong 2018, nagwagi sa kauna-unahang PBBY Wordless Book Prize ang akdang ‘Pagkatapos ng Unos’ ni Harry Monzon. Tungkol ito sa nangyaring baha dulot ng Bagyong Ondoy kung saan nalubog sa tubig ang malaking bahagi ng Marikina at karatig na lugar. Kamakailan ay kinilala ng White Ravens Award, na iginagawad ng International Youth Library sa Munich, Germany, ang librong ito.

Ang bumubuo ng PBBY: (Nakaupo mula sa kaliwa) Frances Ong, Dr. Ani Rosa Almario, Paula Cabochan-Reyes, Dr. Nina Lim-Yuson, Zarah Gagatiga. (Nakatayo mula sa kaliwa) Dr. Luis Gatmaitan, Rey Bufi, Dr. Victor Villanueva, Dr. Dina Ocampo, Beverly Siy, Ruben ‘Totet’ De Jesus (+), at Jose Tomasito Fernando.

Naki-partner din ang PBBY sa National Book Development Board (NBDB) para sa paggawad ng National Children’s Book Awards (NCBA) na ginagawa tuwing ikalawang taon. Dito ay pumipili ang PBBY at NBDB ng mga outstanding na picture storybooks, chapter books, board books at iba pang graphic literature na nailathala ng iba’t ibang publishers nang nagdaang dalawang taon. May kategorya ito para sa ‘Best Reads’ at ‘Kid’s Choice Awards.’

Bawat taon ay may pinipiling paksa ang PBBY sa naturang selebrasyon; lahat ay nakaangkla sa kahalagahan ng pagbabasa. Heto ang naaalala kong mga naging paksa namin nang mga nagdaang taon: Ang Pagbabasa’y Puhunan sa Pag-unlad; Kay sarap Magbasa sa Kandungan ni Mama; Basa Tayo, ‘Tay; Ang Barkada Kong Libro; Aklat ko, Mahal ko; Magbasa at Magkaunawaan; Tahanan ng Katotohanan, Aklatan!; Laro Tayo sa Loob ng Libro; at marami pang iba. May kasama ring posters ang mga paksang ito na karaniwang gawa ng mga children’s book illustrators na kabahagi ng ‘Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang INK),’ ang organisasyon ng mga ilustrador na may espesyalisasyon at tuon sa pagguhit ng panitikang pambata.

Ano-ano nga ba ang puwedeng gawin natin upang ipagdiwang ang National Children’s Book Day? Magbasa mismo ng aklat pambata, mag-storytelling o magbasa ng kuwento sa mga bata, magregalo ng aklat pambata, bumili ng aklat pambata, mag-donate ng aklat-pambata, dumalaw sa isang library, at baka may maisip pa kayong mas maganda upang maitampok ang kahalagahan ng aklat-pambata at pagbabasa.

- Advertisement -

Ang ahensyang nasa likod ng pagdiriwang na ito ay ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY), isang private, non-stock, non-profit organization, na binubuo ng mga taong kinatawan ng iba’t ibang sektor na may kinalaman sa aklat pambata. Heto ang kasalukuyang komposisyon ng board: Publishers (Frances Ong), illustrators (Liza Flores na pumalit kay Ruben ‘Totet’ De Jesus), researchers (Dina Ocampo), storytellers (Rey Bufi), booksellers (Paula Cabochan-Reyes, ang kasalukuyang Pangulo ng PBBY), educators (Victor Villanueva para sa basic education  at Ramon Sunico para sa tertiary level), mass media (Emily Abrera), reading advocates (Twinkle Caro-Sicat), librarians (Zarah Gagatiga), book reviewers (KB Meniado), at mga authors (ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan).

May kinatawan din sa PBBY ang tatlong permanenteng institutional members na bahagi ng board: ang National Library of the Philippines (Jose Tomasito Fernando), ang Museo Pambata (Nina Lim-Yuson), at ang Cultural Center of the Philippines (Beverly Siy). Ang tumatayong secretary-general ng PBBY ay ang educator at Adarna House publisher na si Ani Rosa Almario (anak ng Pambansang Alagad sa Sining na si Virgilio Almario, na isa sa founding members ng PBBY). Mukhang naipamana nga ni G. Almario sa kanyang anak na si Ani ang pangangalaga sa espesyal na organisasyong ito.

Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang misyon ng PBBY na tulungang yumabong ang Panitikang Pambata sa Pilipinas: “Every child a reader, every reader a lover of books.”

Saksi ang PBBY sa mayamang ani ng aklat pambata taon-taon.Happy 40th National Children’s Book Day!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -