MAHALAGANG salik ang kaligtasan sa pagsusulong at pagtatamasa ng kalusugan at kaginhawahan ng mga grupo at indibidwal. Nagbibigay rin ito ng kapanatagan ng damdamin sa bawat isa. Bilang elemento ng kaunlaran, tinitiyak dapat ang kaligtasan sa lahat ng lugar (spatial) at pagkakataon (temporal). Bukod sa tahanan at komunidad, dapat ding maging ligtas na espasyo ang mga paaralan at pamantasan para sa mga kabataan at kawani dahil malaking porsyento ng kanilang oras ay inilalagi rito. Ang mga sumusunod na tala ay ilang mga panuntunan at paalala kaugnay ng campus safety. Mayroong mga bahagi sa talang ito ang may kinalaman sa mga kinauukulan at may mga aspekto namang tumutukoy sa mga mag-aaral.
- Tiyakin na may sapat na liwanag ang mga lugar upang maiwasan ang anumang aksidente at paglabag sa batas.
- Maglagay ng maayos na bentilasyon upang makapagsirkula nang tama ang hangin sa loob ng silid o gusali.
- Lagyan ng mga kaukulang babala at paalala ang mga maaaring pagmulan ng panganib o kapahamakan.
- Ipaskil ang mga emergency at hotline number ng mga kaukulang ahensiya at opisina na may kinalaman sa campus safety at peace and order.
- Magsagawa ng earthquake at fire drills na tinatambalan ng kaukulang sampaksaan (symposium) at/o palihan (workshop) upang mas maunawaan at maging epektibo.
- Tiyaking ligtas ang mga silid-aralan, bulwagan, lobby, hallway, parking lot, entrance gate at iba pa.
- Panatilihing may sapat na kawaning pangkalusugan at suplay ng mga gamot at kagamitan sa campus clinic.
- Maging mapangmatyag at maingat upang huwag mabiktima ng theft at burglary sa kampus at/o dormitoryo.
- Mag-ingat sa mga matatalas na kanto ng mga istruktura at kagamitan upang hindi maging sanhi ng aberya at aksidente.
- Tiyaking may tamang taas, lapad at lawak ang mga espayo upang makaiwas sa pinsala kagaya ng pilay, bali, balda, sugat at iba pa.
- Tiyakin ding tama ang sukat ng hakbangan ng mga hagdan.
- Ugaliing inspeksyonin ang mga kable at kuntador ng kuryente.
- Pag-ingatan ang linya ng mga kuryente at tiyaking huwag ma-overuse ang mga saksakan ng elektronikong kagamitan.
- Panatilihing tuyo ang mga sahig upang maiwasan ang pagkadulas, pagkadapa at pagkakuryente.
- Ipatupad ang sustainable procurement upang matiyak na ligtas ang mga kagamitan sa pagtuturo at suplay ng opisina.
- Tangkilikin ang mga sustainable technology, sustainable equipment at sustainable furniture para mapangalagaan ang kapaligiran, kaligtasan at kaginhawahan.
- Gumamit din ng mga sustainable teaching material at maging mga sustainable toy para sa mga batang mag-aaral.
- Ipaloob sa kurikulum ang campus safety at ang iba’t iba nitong dimensyon kagaya ng building safety, fire safety, laboratory safety, psychological safety, digital safety at iba pa.
- Isama sa oryentasyon ng mga bagong mag-aaral ang ukol sa campus safety.
- Isulong ang healthy canteen advocacy upang maging ligtas at masustansiya ang mga pagkain at inumin.
- Tiyaking malinis at hindi kontaminado ang suplay ng tubig.
- Palaganapin ang WASH (o water, sanitation and hygiene) sa lahat ng sektor.
- Panatilihin ang kalinisan at kaligtasan ng mga palikuran.
- Tiyaking maalam ukol sa laboratory safety at ugaliing naipapatupad/nasusunod ito.
- Pangalagaan ang mga koleksyong libro sa silid-aklatan upang hindi amagin o pagmulan ng sunog.
- Palaganapin ang maayos at likas-kayang solid waste management.
- Ipatupad ang iba’t iba pero magkakaugnay na tugon sa solid waste management kagaya ng reuse, reduce, recycle, repair, refurbish, repurpose, recover, refill, replenish, refuse, rethink at iba pa.
- Ipatupad din ang maayos at likas-kayang electronic waste management (e-waste).
- Tabasin ang mga masusukal na damo at talahib upang hindi pamugaran ng mga insekto at ahas.
- Maging maingat din sa mga gumagalang hayop.
- Bumuo ng first aid team at maglaan ng mga kaukulang first aid station sa bawat gusali.
- Bumuo ng disaster risk resilience and management (DRRM) team bukod sa health and safety team.
- Magtalaga ng campus safety point person kada opisina.
- Tiyaking may maayos na sistema ng crowd management lalo na tuwing may inaasahang malaking programa at dagsa ng tao.
- Panatilihing safe space ang silid-aralan at ang buong kampus.
- Protektahan ang mental health at psychological safety ng mga mag-aaral at kawani.
- Palakasin ang gender transformative policies upang maging ligtas sa anumang kasarian ang paaralan at pamantasan.
- Magsagawa ng regular na campus safety audit at tiyaking multisektoral ang bumubuo sa audit team.
- Gawing kultura at kalakaran ang pagtiyak sa campus at occupational safety sa mga paaralan at pamantasan.
- Iwasang gawing “ningas cogon” lamang (short-term) ang campus safety. Sa halip ay gawin itong “ningas bao” (long-term) upang maging likas-kaya at pangmatagalan.
- Iwasang maging pabalat-bunga lamang ang campus safety na isinasagawa at pinaiigting lamang tuwing panahon ng accreditation at quality assurance.
- Umiwas sa mga maanumalyang kontraktor upang hindi makompromiso ang kalidad ng konstruksyon at renobasyon ng mga gusali at istruktura.
- Gumamit din ng sustainable construction supplies at sustainable paint sa pagtatayo at pagpipinta ng gusali at silid.
- Maging responsable rin sa pagpapatupad ng sustainable disposal ng mga construction waste kagaya ng mga tambak ng lupa o bato at retaso ng kahoy o bakal.
- Tiyaking may sapat na lilim at kontrolado ang temperatura sa mga silid-aralan at opisina upang maiwasan ang heat stroke.
- Tiyakin din na hindi nakapipinsala ang mga gawain ng paaralan at pamantasan sa mga karatig na komunidad.
- Ugaliing ipasailalim sa tuloy-tuloy na pagsasanay ang mga pamunuan, kawani at mag-aaral ukol sa campus safety.
- Ipaloob sa unang bahagi ng bawat palatuntunan na isinasagawa onsite ang safety protocol na dapat sundin kung sakaling malagay sa isang emergency situation.
- Tiyaking maproteksyonan ang data privacy ng mga mag-aaral at kawani at sikaping mapangalagaan din sila mula sa cyberbullying.
Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang campus safety ay tumutukoy sa kaligtasan para sa lahat kabilang ang mga mag-aaral, kawani, pamunuan at maging ng mga bisita. Sa partikular, hindi magiging produktibo at panatag ang pagtuturo at pagkatuto kung mayroon mga alalahanin at banta sa kaligtasan. Dapat ding tandaan na ang campus safety ay pananagutan nating lahat at saklaw nito ang ating mga sarili, kamag-aral, pamunuan ng paaralan, komunidad at pamahalaan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

