PINAGTIBAY ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matatag na relasyon ng Pilipinas at Vietnam at hinikayat ang mga negosyanteng Vietnamese na mamuhunan sa bansa sa ginanap na Vietnam Philippines Business Forum sa Maynila nitong Lunes.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang matibay na ugnayan ng Pilipinas at Vietnam ay may malalim na kasaysayan na nagsimula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., nang pormal na maitatag ang diplomatikong relasyon ng dalawang bansa noong 1976.
“This year carries a special significance. The Philippines and Vietnam are celebrating a Golden Jubilee—fifty years of diplomatic relations,” ayon kay Pangulong Marcos.
“The ties between our countries were formally established during the presidency of my father, President Ferdinand E. Marcos, Sr. It was likewise through the efforts of my mother, then First Lady Imelda Romualdez Marcos, that the foundations for peace, understanding, and cooperation between our two nations were first laid,” wika ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ang pundasyong inilatag noong mga nakaraang administrasyon ay lalo pang pinalawak sa mga sumunod na dekada, hanggang sa umangat ang relasyon ng Pilipinas at Vietnam bilang Strategic Partnership noong 2015.
Sinabi ni Pangulong Marcos na nakatuon ngayon ang Pilipinas sa pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan sa Vietnam habang patuloy na isinusulong ang mga repormang nagpapadali sa pagnenegosyo at nagpapalakas sa kumpiyansa ng mga dayuhang mamumuhunan.
Kabilang sa mga repormang ito ang CREATE MORE Act, Amended Foreign Investments Act, Amended Retail Trade Liberalization Act, at ang Green Lanes for Strategic Investments, na layong makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa bansa.
“Our message to the region is clear: The Philippines is positioning itself as a premier destination for smart, sustainable manufacturing and high-value services. We are open to partnership, ready for investment, and eager to work with you in creating new opportunities for growth,” saad ng Pangulo.
Binigyang-diin din ng Pangulo na mahalagang katuwang ang Vietnam sa pagsusulong ng mas matatag na ekonomiya, mas matibay na supply chains, digital innovation, at mas malalim na integrasyon sa loob ng Asean.
Ang Vietnam ang ika-11 pinakamalaking trading partner ng Pilipinas noong 2025, kung saan umabot sa $7.17 bilyon ang kabuuang halaga ng kalakalan ng dalawang bansa.
Dumalo sa forum si General Secretary at President To Lam ng Vietnam, kasama ang mga opisyal at mga lider ng negosyo mula sa Pilipinas at Vietnam upang tuklasin ang mga bagong oportunidad sa kalakalan, pamumuhunan, at kooperasyong pang-ekonomiya. | PND



