SINIMULAN na ang paglilinis ng gusali ng Batasang Pambansa noong Huwebes (Hulyo 20) para sa pagbubukas ng Second Regular Session ng 19th Congress. Sa Lunes (Hulyo 24) ng umaga, gaganapin ang unang sesyon ng mga senador para sa bagong legislative year at magsasama-sama sa Batasang Pambansa ang mga ito para pakinggan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pero bukod sa paglilinis, ano pa nga ba ang dapat ihanda at abangan ng mga taong manunood at makikinig sa ulat ng presidente ng Pilipinas sa bansa? Ano nga ba ang kahalagahan nito sa bawat Pilipino?
Bago ito, alamin muna natin ang ibig sabihin ng State of the Nation Address o SONA.
Ayon sa Official Gazette of the Republic of the Philippines, ang SONA ay ang paglalahad ng pangulo ng kasalukuyang kalagayan ng bansa, ang tunguhin o plano ng pamahalaan para sa darating na taon at nagmumungkahi sa Kongreso ng mga hakbang para sa lehislatura.
Alinsunod sa Saligang Batas ang talumpating ito, ayon sa Artikulo 7, Seksyon 23 ng Saligang Batas ng 1987: “[d]apat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.” Sinasabi rin sa Artikulo 4, Seksyon 15, “Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pulong minsan isang taon sa ikaapat na Lunes ng Hulyo ukol sa regular na sesyon nito.”
Bagamat sa harap ng Kongreso binibigkas ng pangulo ang kanyang talumpati, hindi ito para sa kanila lamang. Responsibilidad ng bawat Pilipino na alamin ang mga plano ng administrasyon na iuulat ng Pangulo sa SONA. Ano man ang ulat ng pangulo, posibleng maging polisiya ito ng gobyerno na makakaapekto hindi lamang sa bawat Pilipino kundi maging sa lahat ng tao sa Pilipinas.