30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Taho kabilang sa top 50 street food sweets

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG lutuing Filipino ay patuloy na nag-iiwan ng pandaigdigang marka matapos mapabilang sa 2023 Taste Atlas’ Top 50 Best Street Food Sweets in the World ang tatlo sa mga paboritong matamis ng mga Pilipino. Isa sa tatlong natatangi ay ang taho na kinagigiliwan ng marami, mga bata, teenager at kahit may mga edad na dahil na rin sa taglay nitong sangkap na arnibal at sago. Maruya at espasol ang dalawa pang napili.

Ang taho ay binubuo ng sariwang malambot na tofu na binuhusan ng arnibal at binudburan ng chewy sago. Larawan mula sa Facebook page ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian

Tuwing umaga, karaniwang maririnig ang sigaw ng mga nagtitinda ng taho sa kahabaan ng mga kalye at eskinita sa mga siyudad at bayan sa Kalakhang Maynila. Maging sa ibang mga lalawigan ay mayroon ding nagbebenta ng taho gaya ng Lungsod ng Baguio na may lasa pang strawberry.

Ayon sa paglalarawan sa Taste Atlas, ang taho ay isang matamis na panghimagas na Filipino na binubuo ng sariwang malambot na tofu na binuhusan ng arnibal at binudburan ng chewy sago na katulad ng hitsura at texture sa tapioca. Ang taho ay nakakuha ng 4.2 stars na nagdala rito sa ika-25 puwesto sa Taste Atlas’ top list na inilabas nitong Hulyo 14.

Ang taho rin ang paboritong panghimagas ni Chinese Ambassador to the Philippines na si Huang Xilian na nagpahayag ng katuwaan nang makapasok sa listahan ng Taste Atlas ang nasabing matamis.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Huang na may katulad na dessert na matatagpuan sa maraming bansa sa Asya, at karamihan sa mga ito ay gumagamit ng pinakamalambot na iba’t ibang tofu, na kilala bilang silky tofu, may malambot at creamy na texture.

“In my hometown of Fujian Province, there is a kind of food that is very similar to this one, with similar pronounciation in my hometown dialect called Douhua, often eaten with sweet flavoring and to relieve people of the heat in summer and to dispel cold in winter.” (“Sa aking bayan sa Lalawigan ng Fujian, mayroong isang uri ng pagkain na halos kapareho ng isang ito, na may katulad na pagbigkas sa aking diyalekto na tinatawag na Douhua, kadalasang kinakain na may matamis na pampalasa at upang maibsan ang init ng mga tao sa tag-araw at para mawala ang lamig sa taglamig,”) dagdag ng ambasador.

Sinabi pa ni Huang na pinainit man o pinasingaw, ang taho “ay may matamis na arnibal — gawa sa tinunaw na brown sugar — at pinayaman ng banayad na lasa ng vanilla.”

Samantala, nasa ika-37 na puwesto ang malutong at napakasarap na maruya na nakakuha ng 4-star rating. Inilarawan ng Taste Atlas ang maruya bilang sikat na Filipino banana fritters na binubuo ng mga hiniwa o minasa na saging na may kasamang harina at pagkatapos ay pinirito hanggang naging malutong. Ang espasol, kakanin na kilalang nagmula sa Lalawigan ng Laguna, ay nasa ika-44 na puwesto na nakakuha ng 3.8 stars. Ito ay isang uri ng rice cake na gawa sa rice flour na niluto sa gata ng niyog at makikita sa halos lahat ng bus stop at pasalubong center sa Laguna at karatig bayan. May dagdag na ulat ni Rufina Caponpon

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -