LIGTAS at maayos ang miyembro ng Team Filipinas, matapos maiulat kahapon ng umaga, July 20, ang insidente ng pamamaril sa isang gusali sa sentro ng Auckland na malapit sa tinutuluyan ng delegasyon ng Pilipinas.
“All members of the Philippine Women’s National Team delegation at the FIFA Women’s World Cup are safe,” ayon sa pahayag ng team sa kanilang official Twitter account.
Naganap ang pamamaril ilang oras bago ang pagsisimula ng Women’s World Cup kung saan kasamang nasawi ng gunman ang dalawang katao at lima ang sugatan, kabilang ang isang pulis.
Ayon sa social media ng New Zealand Police, ang naturang insidente ay hindi magiging banta sa publiko dahil ito ay isang “isolated incident” lamang. Sa kanilang opisyal na pahayag ay ibinahagi din ni Police Commissioner Andrew Coster na ang naturang gusali ay cleared na at ang lockdown sa lugar ay inalis na.
Ayon naman sa Prime Minister ng New Zealand na si Chris Hipkins, hindi nila ito itinuturing na banta sa pambansang seguridad ng bansa kung kaya’t patuloy ang pagsisimula ng torneo kahapon.
Kung saan, pagpatak ng ika-3:00 ng hapon ay nagsimula na nga ang laban sa pagitan ng New Zealand at Norway sa Eden Park. Natapos ang laban sa iskor na 1-0, pabor sa New Zealand na co-host ngayong taon.
Samantala, nakatakdang magsimula ang kampanya ng ating koponan sa Forsyth Barr Stadium mamayang hapon, 1:00 p.m., kontra sa Switzerland.