29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

‘Huwag bibitiw’: UP Professor Emeritus, hinikayat ang mga bagong siyentipiko na bantayan ang kinabukasan ng Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

SA harap ng isang kinabukasang hindi pa nasusulat, inuudyok ng isa sa mga pangunahing manunulat ng Pilipinas ang bagong henerasyon ng mga sientipikong Pilipino na manatiling nakatuntong sa lupa — at patuloy na manindigan para sa kinabukasan ng bansa.

Hinimok ni UP Diliman Professor Emeritus Dr. Rosario Torres-Yu ang mga UPD-CS’ graduates na manatiling umaasa pero mapagmatyag sa kinabukasan. Larawan mula sa Garcia Photography Services

“Ihahabilin ko ito nang may pakiusap: huwag sanang magbago ang isip ninyo. Kailangan ng bansa natin ng higit pang maraming siyentipiko,” ani Dr. Rosario Torres-Yu sa 2023 graduating class ng University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS), na siyang may pinakamaraming mga nagtapos ng PhD sa 40-taong kasaysayan ng Kolehiyo.

Isang professor emeritus at dating dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (UPD-KAL), sinabi ni Dr. Torres-Yu sa UPD-CS Special Recognition Program noong Hulyo 29 na dapat na patuloy maging mapanuri ang mga bagong siyentipikong Pilipino.

Hindi dapat kalimutan ng mga bagong-tapos ng UPD-CS kung bakit sila naging mga siyentipiko, ani Dr. Torres-Yu: “Ang kinang ay dapat timplahin ng kabuluhan para higit na maging kapakinabangan sa bayan at sambayanan. Samakatwid, hindi tayo nabubuhay para sa sariling kinang lamang.”

Sinabi ni Dr. Torres-Yu na siya ay magiging pabaya bilang isang guro kung hindi niya paalalahanin ang mga bagong siyentipiko ng UPD-CS na ang kanilang buhay at trabaho ay hindi hiwalay sa mas malawak na mundo sa labas ng laboratoryo:

“Anuman ang laboratoryong piliin, hindi ito maitatago sa nangyayari sa mundo. Kumbaga sa bagyo, literal at metaporikal, umaabot sa atin ang unos, baha, lindol, pagkawasak ng kapaligiran, kabuhayan, at kapayapaan… Gusto ko mang iwasan ang pagbanggit tungkol dito, dahil ang pagtatapos ninyo ay dapat na maging masaya, magkukulang naman ako bilang guro kung hindi ko man lang mabanggit ang tungkol dito,” pahayag niya sa mahigit 400 na nagtapos.

“Ang mahalaga ay manatili ang ugaling mapagmatyag na taglay na ninyo dahil mga siyentipiko kayo; maging mapanuri, makilahok at pumanig sa pagbabagong makabubuti sa ating bayan at sa sangkatauhan,” dagdag pa niya.

Binanggit din niya ang pangangailangan na maimulat ang mga batang Pilipino sa agham, teknolohiya, inhinyeriya, at matematika (STEM) sa pamamagitan ng literatura. Nitong 2022, nagtulungan ang non-profit organization ni Dr. Torres-Yu, ang Supling Sining, Inc. (SSI), at ang UPD-CS sa paglikha ng Sulong-Agham multilingual children’s books series.

Sa kabuuan, ang UPD-CS Class of 2023 ay may 454 na nagtapos. Kasama rito ang 19 na mga nagtapos ng PhD, 108 na mga nagtapos ng MS, pitong MA graduates, tatlong Professional Masters, limang tumanggap ng diploma, at 312 BS graduates. Ang bilang ng mga nagtapos ng PhD nitong 2023 ay higit nang halos dalawang beses kaysa sa nakaraang taon, ang pinakamaraming bilang ng mga PhD graduates na naitala ng UPD-CS sa loob ng 40 taon.

Makikita ang buong teksto ng talumpati ni UP Diliman Professor Emeritus Dr. Rosario Torres-Yu sa UPD-CS Class of 2023 dito: https://science.upd.edu.ph/cs-2023-recognition-day-inspirational-message/

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -