30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Bakit mataas ang presyo ng pagkain sa Pilipinas?

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG presyo ng mga bilihin ay itinatakda ng law of supply and demand.

Kapag mataas ang demand, mag-aagawan ang mamimili sa limitadong supply at tataas ang presyo. Kabaligtaran naman ang mangyayari pag babagsak ang demand, may tendency na bababa ang presyo. Ang demand ay naaapektuhan ng pagdami ng populasyon, pagtaas ng kita ng mga tao at ang pag-isyu ng mas maraming pera ng Bangko Sentral. Kaya para matatag ang presyo ng mga bilihin, palaging minomonitor ng Bangko Sentral ang tamang bolyum ng pera na ini-isyu nito. Mula noong 2012, tumaas ang populasyon 1.4% bawat taon mula noong 2012 at tumaas din ang kita ng bawat tao nang 3.7% bawat taon.

Mula 2012 hanggang 2022, ang produksyon ng pagkain ay lumago lamang nang 0.7% bawat taon samantalang lumaki ang populasyon nang 1.4% bawat taon. FILE PHOTO  

Sa kabilang dako, kapag  mataas ang supply, bababa ang presyo dahil maraming mabebenta sa mga palengke. Mag-aagawan ang mga nagtintinda para makahikayat ng mamimili.  Nagbibigay sila ng diskuwento o kung ano pampakulo para makapagtinda. Kapag kakaunti lang ang supply dahil sa bagyo, tagtuyot  o iba pang natural disasters, mag-aagawan ang mga mamimili sa kakaunting tinda at patataasin ang presyo. Dahil taon-taon tayong dinadalaw ng bagyo at malakas na habagat, taon-taon din tayong naaapektuhan ng paghagupit ng mga ito. Taun-taon din tayong nakararanas ng pagmahal ng pagkain at pag minalas-malas na mga probinsyang nagtatanim ng pagkain ang nahaplitan ng masamang panahon at hindi nag-import ang bansa, kailangang maghigpit ng sinturon ang ating mga kababayan. Ang supply ay naapektuhan din ng presyo at availability ng mga sangkap na material at ang pagtatayo ng mga bagong pabrika na handa na sa pagprodyus.

Mula 2012 hanggang 2022, ang produksyon ng pagkain ay lumago lamang nang 0.7% bawat taon samantalang lumaki ang populasyon nang 1.4% bawat taon. Ang produksyon ng palay ay lumaki nang halos 1% bawat taon; sa asukal naman ay bumaba ng 2%; isda, bumaba ng 1.7%; livestock, bumaba ng 1.1%; poultry and egg, bumaba ng 0.4% bawat taon; at gulay, lumago nang 0.4%. (Table 1) Ang ibig sabihin, mas mataas ang paglago ng demand dahil sa lumalaking populasyon at tumataas na  kita kaysa supply. Ito ang dahilan kung bakit ang presyo ng pagkain ay patuloy na tumataas kaysa ibang consumer goods.  Ang taunang inflation ng pagkain ay 3.8%, mas mataas kaysa taunang inflation ng consumer basket na 3.3% lamang. Ang pinakamataas na inflation rate ay naitala ng gulay (7.2%), na sinusundan ng asukal (5.7%), isda (5.3%), karne (4.6%), karne ng manok at itlog (3.8%) at bigas (2.4%).

Bumaba ang inflation ng bigas kasi nagkaroon ng rice productivity program pagkatapos maipasa ang Rice Tarrification Law (RTL) noong 2019.  Isinalin ang QR sa tariff protection na 35%. Sa halip na madoble ang presyo ng bigas sa Thailand na kung saan tayo namimili, 41.8% na lang na mas mataas ang presyo ng bigas sa Pilipinas kaysa export price ng Thailand noong ikalawang quarter ng 2023.


TABLE 1. PRODUKSYON NG PAGKAIN

2012 2022 Annual Growth Annual Price Increase
Million metric tons
Food                        56.54          52.55 0.7%                       3.8%
Sugar                        26.40          21.67 -2.0% 5.7%
Rice                        18.03          19.76 0.9% 2.4%
Fish                          4.87            4.10 -1.7% 5.3%
Livestock (meat)                          2.46            2.21 -1.1% 4.6%
Poultry and egg                          1.97            1.89 -0.4% 3.8%
Vegetables                          2.81            2.92 0.4% 7.2%
Source: Philippine Statistics Authority

 

Ang maganda sa RTL ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na palaguin ang industrya ng bigas. Nakakakolekta tayo ng taripa na tinatayang P10 bilyon hanggang P20 bilyon bawat taon. Ito ay ginamit natin sa badyet ng gobyerno para pambili ng makinarya, higher yielding na binhi, pagtatayo ng patuyuan ng palay, at pagtatayo ng inprastruktura para bumaba ang gastos sa produksyon.

Dahil dito, tumaas noong 2021 ang produksyon ng bigas sa 19.96 milyong metric ton, ang pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ay 6.1% na mas mataas kaysa produksyon noong 2019 nang mapasa ang batas.

- Advertisement -

Mula 2013 hanggang 2018, tumaas ang presyo ng bigas nang 3.5% bawat taon. Bigas ang dahilan sa 1.3% na dagdag sa presyo ng konsyumer; ito ay halos kalahati (40%) ng consumer inflation rate bawat taon. Pero nang maipasa ang RTL, bumaba ang presyo nang 15.2% noong 2019, tumaas ang presyo nang 6.1% noong 2020 nang itinama ng merkado ang presyo, 1.4% noong 2021 at 4.3% noong 2022.

Table 2. PRODUKSYON NG BIGAS AT MGA PRESYO

2016 2017 2018 2019 2020 2021 2022
Presyo ng palay,

% increase

0.62% 5.12% -5.90% -15.18% 6.11% 1.4% 4.3%
Rice production,

% growth

-2.90% 9.40% -15.62% -6.90% 3.10% 3.30% -1.0%
Source: Philippine Statistics Authority

 

Naayos pa natin ang malaking butas sa finances ng gobyerno. Mula 2005 hanggang 2015, nang regulated pa ang presyo ng bigas, tumanggap ang NFA ng P187 bilyon na tax subsidies na nag-average ng P19 bilyon bawat taon. Nalugi pa ang NFA ng P11 bilyon bawat taon mula 2005 to 2015 at nakaipon ng utang na P155.84 bilyon noong Setyembre 2016.  Ito ay babayaran ng National Government na siyang nagbigay ng garantiya sa mga utang na ito.  Babawasin ito sa mga badyet ng gobyerno sa hinaharap.

Kailangang ipagpatuloy ang productivity program ng rice para mapababa pa ang gastos sa produksyon. Mataas pa ang cost of production natin kumpara sa ibang bansa. Sa ating palay production cost na P12.02 per kilo noong 2022, malayo pa sa P8.83 per kilo ng Thailand at  P6.40 ng Vietnam. Ang ating yield kada ektarya na 4,154 kilos ay malayo pa sa goal natin na 6,000 kilos kada ektarya.

- Advertisement -

Bakit halos doble ang presyo ng pagkain natin kumpara sa ibang  bansa?

Napakalaki ng palengkeng pandaigdig ng pagkain. Dahil sa modernisasyon ng transportasyon at komunikasyon, madali nang bumili ang mga bansa sa paindaigdigang palengke. Puede mo nang asahan ang supply sa ibang bansa para dagdagan ang lokal na supply. Kapag walang hadlang ang pamimili sa pandaigdigang palengke, nagsasalubong at nagkakalapit ang mga presyo sa lahat ng palengke sa mga bansa.  And magiging diprensiya lang ay ang transportation at storage cost na gagalaw depende sa kung gaano kalayo ang tindahan sa mga puerto.

Ngunit meron tayong mga polisiya na hadlang sa pamimili sa pandaigdigang palengke lalo na sa pagkain dahil gusto nating protektahan ang mga magsasaka at manggagawang Pilipino. Di naman masama ito kaya lang, ang konsyumer ang naghihirap sa mataas na presyo.

Ang unang policy measure ay ang mga quantitative restrictions o QR. Itinatakda ng QR ang mga limit sa inaangkat na produkto. Tayo ay may QR sa asukal, karne, isda at gulay at ipinapatupad ito ng mga ahensiya ng gobyerno gaya ng mga kawanihan ng Department of Agriculture (DA) na Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry (BPI), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Sugar Regulatory Authority (SRA). Kunwari, sa asukal, itinatakda ng SRA kung ilang tonelada ang aangkatin sa bawat taon. Kapag wala o mababa ang bolyum nito, tataas ang presyo ng asukal. Kapag mataas naman ang bolyum na aaprobahan, babagsak naman ito. Ganoon din sa karne ng baboy, baka at manok, gulay at isda. (Tingnan ang Table 1 sa ibaba)

Table 1. TARIPA AT REGULATOR NG PAGKAIN             Taripa, %
MFN ATIGA Regulator
Meat of swine 15-25* 5 BAI
Meat of bovine animals 10 0 BAI
Meat of chickens 40 5 BAI
Potatoes 15 0 BPI
Onions, garlic, etc. 40 0 BPI
Cabbages 40 0 BPI
Meat, preserved 40 0   –
Fish, fresh, chilled, frozen 5-10 0 BFAR
Fish, prepared, preserved 15 0    –
Cane sugar 50-65 5 SRA
Rice 35 35     –
Source: Tariff & Customs Code

*25% pag out-quota

Ang ikalawa ay ang taripa. Bawat importasyon ng anumang produkto at pagkain ay may babayarang taripa na nakatakda sa bahagdan ng import value. Dalawa ang rates na ginagamit — ang   MFN rate o Most Favored Nation rate na siyang ginagamit kapag nag-import sa labas ng Asean at ang Atiga o Asean Trade in Goods Agreement rate na ginagamit naman pag nag-import sa Asean. Ang taripa ay 35% sa bigas (MFN at ATIGA), 40% sa karne ng manok (MFN) at 15-25% sa karneng baboy. Kahit zero ang tariff sa Asean sa ilang produkto, di naman tayo nagi-import sa mga bansang ito dahil hindi sila exporter. Bumibilit tayo sa labas ng Asan na kung saan (Most Favored Nation) MFN rate ang ginagamit.  Ang taripa ay binabayaran ng importer at idinadagdag sa presyo ng bilihin. Ito ang dahilan kung bakit mataas ang presyo. (Table 1)

Dati, sa bigas, ay mayroon din tayong QR na ipinapatupad ng National Food Authority (NFA). Dahil hindi maganda ang pagtatantya ng NFA sa bolyum na aangkatin, kung minsan ay tumataas ang presyo ng bigas nang doble o higit pa at halos di na kayang bilhin ng mahihirap nating kababayan. Mula 2013 hanggang 2018, ang presyo natin (wholesale price) kumpara sa Thailand export price ay 1.98 beses na mas mataas. Dahil 38% ng kita ng households ay pumupunta sa pagkain, bawat bahagdan ng pagtaas ng presyo ng pagkain ay napapataas ang poverty level nang 0.6%. Ito ang sinasabi ng mga nutritionists na dahilan kung bakit matindi ang malnutrisyon sa mga batang mahihirap, nagiging bansot at mahina ang mga utak.

Para maibsan ang masamang epekto ng malnutrisyon sa mga bata, kailangang mabigyan ng mga mahihirap na tahanan ng conditional cash transfers o CCT o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (PPPP) at food stamps na bagong policy measure ng pamahalaan. Namimigay ang pamahalaan ng higit sa P60 bilyong ayuda sa CCT bawat taon.

Ganito rin ang nangyayari sa presyo ng asukal. Dahil may QR na ipinapatupad ng SRA, maski 5% lang ang rate sa ATIGA (ASEAN Trade in Goods Agreement), mas mahal ang presyo ng asukal sa Pilipinas nang 79% kaysa presyo sa Thailand sa nakalipas na labindalawang taon (datos noong 2011-2022).

Dahil sa mataas ng presyo ng asukal, dehado ang mga prodyuser ng manufactured food na nage-export sa pandaigdigang palengke. Halos kalahati sa ani ng asukal ay binibili ng prodyuser ng manufactured food at beverages. Malaking dagok sa kanila kapag bumaba ang supply ng asukal at di sila pinapayagang mag-angkat sa ibang bansa. Nagsasara na lang sila at nawawalan ng trabaho ang kanilang manggagawa. Di hamak na mas maraming manggagawa sa mga paktorya ng food and beverages kaysa mga manggagawa sa tubuhan. Noong 2019, tinatayang 1.26 milyon ang mga manggagawa ng food manufacturers na kumikita ng P853 bilyon  na value added kumpara sa 84,000 sugar workers na kumikita lamang ng P85 bilyon.

Dahil sa polisiya natin na pataasin na presyo ng pagkain na bunsod ng taripa at QR, para na ring inililipat ang kita (transfers) ng mga konsyumer sa mga prodyuser ng pagkain. Marami ang nagsasabing di ito makatarungan dahil mas may kakayahan namang di hamak ang mga prodyuser kaysa konsyumer. Ang ginagamit na panlaban sa argumentong ito ng mga prodyuser ng asukal ay mga manggagawa ng mga tubuhan na kasing-hirap din ng mga mahihirap na household na bumibili ng pagkain. Ang tanong ay bakit kailangang ilipat ang kita mula sa mahihirap na mamimili patungo sa mahihirap na mangagawa sa tubuhan.

Di biro ang halaga ng transfers na ito mula sa konsyumer papunta sa prodyuser. Sa bigas, umaabot ito ng P146 bilyon bawat taon. Sa asukal, umaabot ito ng P451 bilyon bawat taon.

Malinaw na kailangan ng reporma para mapabuti ang sitwasyon. Kailangang paliitin ang transfers na ito sa pamamagitan ng pagtulong ang mga prodyuser ng pagkain. Tanungin natin sa mga siyentipiko at eksperto kung ano ang pinakamagandang paraan sa pagpabuti ng anihan ng tubuhan. Maaaring kailangang magsanay ang mga magsasaka ng mga makabagong paraan, bagong butil, at bagong makinarya.

Maaaring gamitin ang halimbawa ng reporma sa bigas para sa ibang pagkain. Kailangang harapin nang deretsahan ang suliranin at di puedeng ipagsantabi na lang ito dahil malaki ang epekto nito sa ekonomiya, sa galaw ng mga presyo at poverty rate.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -