28.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

El Niño, titindi hanggang unang bahagi ng 2024 – Pagasa

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGLABAS ng ikalawang El Niño alert ang Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric and Geophysical Astronomical Services Administration (DoST-Pagasa) noong Agosto 6. Dahil dito, iminumungkahi ng Department of Agriculture (DA) ang ibayong paghahanda sa sektor ng agrikultura na inaasahang lubos na maaapektuhan ng El Niño. Nauna rito, nagbigay ng unang El Niño alert ang DoST-Pagasa ukol sa patuloy na pag-init at posibleng tagtuyot simula noong Hunyo 2023.

Ayon sa Pagasa, inaasahang tatagal ang El Niño sa huling quarter ng taon hanggang unang mga buwan ng 2024. FILE PHOTO

Ano ba ang El Niño at epekto nito sa mga tao at sa bansa? Ang El Niño ay ang pag-init ng temperatura sa gitna at silangang bahagi ng tropikal Pacific Ocean, kasabay ng paghina ng hangin mula sa silangan. Nangyayari ito kada dalawa hanggang pitong taon, kasabay ng paghina ng ihip ng trade wind o hangin mula Silangang Amerika patungong Asya. Tumatagal ito ng anim hanggang 18 buwan.

Ayon sa National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA),  21.1° Celsius ang average temperature ng ocean surface ng mundo ngayong 2023. Mas mataas ito sa normal na ocean surface temperature na 20° Celsius.

Sinabi naman ng International Union for Conservation of Nature na naka-aapekto ang ocean surface temperature sa pagbabago ng panahon sa buong mundo, tulad ng pagbaha, pagtaas ng tubig at pagkatunaw ng yelo sa dagat, o matinding tagtuyot.

Matindi ang epekto ng El Niño hindi lamang sa mga tao, kundi pati na rin sa agrikultura at pangisdaan na pinagkukunan ng pagkain. Naaantala rin ang pagsisimula ng tag-ulan, at nababawasan ang dami ng tubig-ulan. Bagama’t mas kaunti, inaasahan na mas malakas ang mga bagyo lalo sa pagpasok ng panahon ng habagat. Ang mas malakas na bagyo ay maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa na makakaapekto sa mga pananim o mga alagang hayop.


Sa huling ulat ng Pagasa kung kalian inilabas nila ang ikalawang El Niño alert, ipinaliwanag ni  Esperanza Cayanan, Pagasa’s officer in charge, na nagpapakita ang El Niño ng paglakas sa mga susunod na buwan.

“El Niño is showing signs of strengthening in the coming months,” aniya.

Sinabi niya na ang mas mainit kaysa sa average na temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific ay nagpapahiwatig na ang mahinang El Niño ay posibleng maging katamtaman hanggang sa malakas sa pagtatapos ng 2023.

Sinabi ng Pagasa na pinapataas ng El Niño ang posibilidad ng mas mababa sa normal na pag-ulan, na maaaring makaapekto sa ilang lugar sa bansa at makakaapekto sa iba’t ibang sektor na sensitibo sa klima tulad ng yamang tubig, agrikultura, enerhiya, kalusugan at kaligtasan ng publiko.

- Advertisement -

Idinagdag pa ni Cayanan na inaasahang tatagal ang El Niño sa huling quarter ng taon hanggang unang mga buwan ng 2024.

Sa pag-aaral ng Pagasa, magsisimulang makaranas ng tagtuyot ang Abra, Batanes at Cagayan sa Luzon at Negros Oriental, Bohol, Cebu and Siquijor sa Visayas sa huling bahagi ng Disyembre.

Sa Mindanao, mararanasan din ito sa mga lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Davao de Oro, Davao del Sur, Davao Occidental, Davao Oriental, South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Basilan, Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu at Tawi-tawi.

Samantala, ang Camarines Norte sa Bicol Region ang posibleng makaranas ng tagtuyot sa panahong ito.

Ang mga lugar na makakaranas ng dry spell ay ang Metro Manila, Abra, Benguet, Ifugao, Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, Nueva Viscaya, Quirino, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, Quezon, Marinduque, Mindoro, Romblon, Palawan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Spratly Islands, Camarines Sur at Catanduanes.

Sa huling bahagi ng Enero sa isang taon,  ang mga lugar sa Luzon na makakaranas ng tagtuyod ay  Metro Manila, Abra, Benguet, Ifugao, Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, Nueva Viscaya, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Pampanga, Tarlac, Zambales at Spratly Islands.

- Advertisement -

An mga lalawigan ng Cagayan at Cavite ay makakaranas ng dry spell.

Sa  Visayas, ang mga lalawigan ng Antique, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental at Siquijor ay magkakaroon ng dry spell.

Maging ang Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Misamis Occidental, Sultan Kudarat, Basilan, Maguindanao, Sulu at Tawi-tawi sa Mindanao.

Sa tala ng Pagasa, taong 2018 hanggang 2019 nang huling naranasan ang El Niño.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -