DAHIL sa pagka-alarma sa paglaganap ng iba’t ibang krimen na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sinabi ni Senador Win Gatchalian na ang mga krimen na nauugnay sa POGO ay malamang na dumami pa lalo, maliban na lang kung ang industriya ay tuluyang alisin sa bansa.
Kamakailan lamang, narekober ng mga awtoridad ng pulisya ang 28,000 rehistradong SIM card sa isang pasilidad ng POGO sa Pasay City na diumano’y sangkot sa online scam. Sinabi ni Gatchalian na ang pagkumpiska ng mga rehistradong SIM card ay nagpapahiwatig na ang mga POGO ay labis na nakabaon na sa mga online scam, na posibleng bumibiktima ng mga kawawang indibidwal dito at sa labas ng bansa.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), may kabuuang 4,355 indibidwal ang naging biktima ng POGO-related crimes mula Enero 2017 hanggang Hunyo 30 ng taong ito, kung saan 903 ang mga salarin.
Kasama sa mga krimen na nakadokumento sa ulat ang human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnap-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba pa. Karamihan sa mga suspek o 793 sa kanila ay pawang Chinese national.
Binigyang-diin ni Gatchalian na posibleng madagdagan pa ang mga krimen na kasasangkutan ng mga POGO kung papayagang magpatuloy pa ang industriya sa bansa. “Kahit na natatakot tayo na dumating ang sitwasyong iyon, ang posibilidad na magpatuloy pa ang mga krimen gawa ng POGO ay posibleng mangyari. Ito ay dapat mag-udyok sa ating lahat na manindigan laban sa mga POGO,” aniya.
Bilang tugon sa pagdagsa ng mga insidente ng krimen na nauugnay sa mga POGO, naghain si Gatchalian ng isang resolusyon upang imbestigahan ang lumalaking pagkakasangkot ng mga POGO at mga accredited na service provider.
Ang pagsalakay noong Hunyo 26 sa Xinchuang Network Technology Inc. sa Las Pinas City ay humantong sa pagsagip sa 2,724 indibidwal na nabiktima ng human trafficking at online scam. Ang isang hiwalay na pagsalakay noong unang bahagi ng Mayo sa isang POGO hub sa Clark Sun Valley sa Pampanga ay nagresulta naman sa pagsagip sa 1,090 biktima ng human trafficking at online scam. Gayundin, ang isang hiwalay na entrapment operation noong Hunyo 27 sa Pasay City ay humantong sa pagkakahuli sa tatlong Chinese national dahil sa kanilang partisipasyon sa torture, kidnap-for-ransom, at illegal possession of firearms. Ang ilan sa mga suspek ay dating empleyado ng POGO.