GINANAP noong Agosto 22, 2023 ang ika-9 na Manila Forum, taunang okasyon ng paglilinaw ng iba’t-ibang usaping sangkot sa ugnayang Chino-Pilipino at gayundin ng pagbuo ng mga panukala upang paunlarin na nang ganap ang ugnayang ito. Madaling unawain na ang ganap na pagbuti ng ugnayang Chino-Pilipino ay tutungo sa kapanatagan at prosperidad ng Rehiyong South China Sea.
Ginanap ang porum noon lamang makalawa at sa sobrang dami ng mga paksang tinalakay sa okasyon, kakailanganin ang hindi lang isang gabi upang matuunan-pansin ang bawat isa.
Sa pagkakataong ito, isang bagay lang muna ang ibig nating diinan. Ang porum ay ginanap sa auditorium ng School of Professional Studies Building ng New Era University.
Una, ano ba ang New Era University? Ito ang unibersidad na pinatatakbo ng Iglesia ni Cristo (INC). Madaling intindihin na hindi hahayaan ng Iglesia na gamitin ang alinman sa kanyang mga pasilidad para sa pagpapalaganap ng paniniwala ng sinumang tao o ng alinmang institusyon na hindi kaayon ng paniniwala naman ng Iglesia.
Paliwanag sa akin ng isa sa mga panauhin, nagkataon na isa sa mga panelist sa porum, si Professor Rommel Banlaoi, ay nagtuturo sa New Era University, kung kaya nagawang ipagamit sa porum ang pasilidad ng unibersidad.
Hindi ganyan ka simple ang usapin. Isang bagay na pinakahinahangaan ko sa INC ay ang mahigpit na pagdidisiplina sa mga kasapi. Alam na ng balana na sa mga ekeksyon, walang kasapi ng INC ang tumataliwas sa kandidatong pinagkaisahan ng simbahan; ang mapatunayang sumuway ay pinapatawan ng kaukulang parusa.
Sa nangyaring porum, walang eleksyong sangkot. Subalit mas mainit pa sa halalan ang usaping pulitikal na pinagdebatehan: ang lumilitaw na away ng China at Pilipinas sa West Philipine Sea.
Naging klaro sa palitan ng mga paninindigang naihayag sa porum na walang di-mapagkasundong alitan sa pagitan ng China at Pilipinas. Ang talagang away ay sa pagitan ng China at Amerika. Ginagamit lamang ng Estados Unidos ang isyu sa West Philippine Sea upang guluhin ang rehiyong South China Sea, partikular ngayon ang alitan sa BRP Sierra Madre na sadyang ibinalahura ni Presidente Joseph Estrada noong 1999 sa Ayungin Shoal upang magsilbing alibi ng okupasyon ng Pilipinas sa balahura. Subalit sa loob ng mahigit dalawang dekadang pagkabalahura ng Sierra Madre sa Ayungin Shoal, ni minsan ay hindi nagkaroon ng mainit na banggaan ang China at Pilipinas. Hinayaan na lamang ng China na magsuplay ang Philippine Coast Guard ng pagkain sa mga Philippine Marines na nagbabantay sa Suerra Madre. Ang tanging kabawal-bawal ng China ay ang pagdadala sa Ayungin Shoal ng materyales pangkonstruksyon. Sa tuwing magkakaroon ng ganung insidente, ang ginagamit ng Tsina na pampigil ay kanyong tubig. Sabi ko nga sa isang nakaraang kolum, ang ganung pambobomba ang pinakamabait nang maaring gawin sa isang nanalakay na kaaway. Mahalagang unawain na mula’t sapul pa ay itinuring na ng China na kanya ang Ayungin Shoal. Nangyari nga lang na ibinalahura roon ang BRP Sierra Madre upang palakasin ang pag-angkin dito ng Pilipinas. Ngayong sumisidhi ang alitan ng Amerika at China, tusong pinaiinit ng Kano ang isyu ng Sierra Madre, hindi dahil totoong nag-aaway ang China at Pilipinas sanhi nito kundi dahil kailangang paputukin ito ng Amerka para magsilbing mitsa ng pagsabog ng giyerang Chino-Amerikano, gamit ang Pilipinas bilang proxy.
Sa 9th Manila Forum na ginanap sa New Era University, hindi ba nalagay ang Iglesia ni Cristo sa pamimili ng papanigan: Amerika o China? At pinili niyang kampihan, dahil iyun ang tunay na kaibigan ng Pilipinas, ay ang China.
Maliban sa maraming magandang bunga ng 9th Manila Forum na hindi pa pa natin matutukoy sa pagtatalakay na ito ay ang ipinakikitang tiyak nang pagpanig ng Iglesia ni Cristo sa China sa away Chino-Amerikano. At uulitin ko, ang ganung pagpanig ay dahil sa iyun ang tunay na maka-Pilipinong paninindigan.
Ito, samakatwid, ang magandang balita. Kung wasto ang analisis na kampi na ang Iglesia Ni Cristo sa China, nalagay sa maganda ang hangad ng mga tumututol sa pinapuputok ng mga Amboy na giyera Chino-Pilipino. Mulat ang bayan sa kung gaano kamaimpluwensya ang INC sa pulitika. Ang unang-unang takbuhan ng mga kandidato tuwing eleksyon ay ang Iglesia. At kadalasan naman, kung sino ang ideklara ng INC na suportadong kandidato ay nananalo.
Sa usapin ng giyera kontra-China, napakahalagang unawain na hindi maaaring balewalain ang tindig ng INC. Tama si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte sa pagsabi na ang usapin ng giyera sa China ay hindi dapat na desisyon lamang ng isang utak, ibig sabihin, ng utak ni Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., kundi ng utak ng buong isandaan at isang dosenang milyung Pilipino. At sa pulitikang Pinoy, lamang na lagi ang paninindigan ng Iglesia ni Cristo.
Ito ang dapat na isinasaksak sa kukute ng mga nagbabalak na ilublob ang bansa sa gulo na pinapakana ng Amerika laban sa China. Makikialam at makikialam ang sambayanan At sa pakikialam na iyan, angat ang boses ng Iglesia ni Cristo.