Kapag sinabi ko sa taong masama na mamamatay siya at hindi mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kamatayan niya. Ngunit kapag binabalaan mo ang masama, gayunman hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.
Panginoong Diyos sa Aklat ni Propeta Ezekiel, 33:8-9
ANG hirap nang magpakabuti, tapos kailangan pang pagsabihan ang pasaway.
Iyon marahil ang angal ng makaririnig sa unang pagbasang Misa ng Setyembre 10, Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon, mula sa Aklat ni Ezekiel, sinipi sa itaas. Gaya ng propeta, maiisip ng marami, ano naman ang kinalaman ko sa buhay ng may buhay, sa kasalanan ng may kasalanan?
Pero sa ayaw natin at sa gusto natin, iyon ang atas ng Panginoon. At ipinaliwanag pa ni Hesus kung paano pangangaralan ang matigas ang ulo sa Ebanghelyong Misa mula kay San Mateo (Mateo 18:15-20):
“[K]ung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang lahat ng pinag-usapan ninyo. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o publikano.”
Pero ito ang problema: sa mundo nating nawawala ang paniniwala sa Diyos, sa kasalanan, at sa tama at mali, kadalasan mismong ang nangangaral para sa Diyos, siya pang pinagsasabihan at itinatakwil na parang Hentil na ibang lahi o publikanong mali ang asal.
Ano’ng pakialam mo?
Subukin mong magpaalala ng atas ng Diyos sa kapamilya o kaibigang nakikiapid o nangungurakot kahit sa magalang na pahayag, at hindi malayong maging kaaway ang taong pinaaalalahanan ng wastong asal. At kung sa internet ginawa ang pangaral, baka makasuhan ka pa ng libel o paninirang-puri.
Gayon din, may mga organisasyon sa gobyerno man o pribadong sector, kung saan sadyang talamak ang katiwalian, at etsa puwera ang sinumang mangangaral. At maging ang walang sinasabi ngunit tahimik na naglilingkod nang tapat, kapopootan at baka ipitin o patalsikin pa dahil hindi siya nakikilahok sa salang asal.
Para bang ang sumbat sa nangangaral, huwag kang makialam sa buhay at asal ng iba. At higit pa roon, para sa maraming tao, hindi na kasalanan ang dating ipinagbabawal ng Simbahan.
Sa katunayan, may mga bansang nagpaparusa sa paghahayag ng turong Katoliko tungkol sa pagsisiping ng lalaki sa lalaki at babae sa babae. Maging mga magulang, pinagbabawalang pangaralan ang sariling anak tungkol sa tama at mali sa mga usapang seksuwal.
Awa ng Diyos, hindi ito nangyayari sa Pilipinas, subalit may mga makapangyarihang bansa at institusyong ibig baguhin ang mga paniniwala, patarakan at batas natin. Noong nakaraang Nobyembre lameng, inundyukan ng mga opisyal ng United Nations Human Rights Council na dapat gawing legal ng Pilipinas ang pagpapalaglag ng bata bilang karapatang-tao.
Wasto na ang mali, at ang tama, labag sa karapatan. At maging ang Simbahan, may pagtatalo na rin tungkol sa moralidad lalo na sa diborsiyo, paglalaglag at relasyong seksuwal. May pangambang lalo pang lumabo ang turong Katoliko dahil sa prosesong Sinoda, ang programa ni Papa Francisco upang repormahin ang Simbahan matapos makapanayam ang mga karaniwang Katoliko.
Dalangin at liwanag
Paano na ngayon ang atas ng Diyos pagsabihan ang nagkakasala?
Una, pag-ibayuhin ang panalangin para sa liwanag at grasya ng Maykapal upang makita ang tama at mali sa gitna ng magulong moralidad ng lipunan at maging ilang dako ng Simbahan. Nasa Diyos lagi ang wastong aral, at bibigyan Niya ng linaw ang sinumang sumasangguni sa Kanya.
Pangalawa, maingat at huwag agad mapadala sa mga bagong argumentong nagpapalit o nagbabaligtad ng mga sinaunang doktrina at moralidad. May mga kilalang cardinal, obispo, pari at pantas na nagsusulong ng mga sinasabing repormang nagbabalewala sa mga tradisyonal na pagbabawal.
Tama man o hindi ang mga bagong pananaw, ito ang tiyak natin: Sa pagsunod sa ating relihiyon mula sa panahon ni Kristo, libu-libong Kristiyano ang nakaabot sa langit at naging santo. Kung susunod tayo sa landas nila sa halip ng mga reporma diumano, walang dudang magtatamo rin tayo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Iba na ang subok na doktrina mula sa panahon ng ating Panginoon.
Ngunit humanda tayo na kontrahin maging ng kapwa Kristiyano at maging ilang pinuno ng Simbahan. Sadyang maraming katwiran na maaaring kapitan, kaya nga dapat laging tumanaw sa Espirito Santo para sa kaliwanagan.
At laging mag-ingat at magduda rin sa sarili kung pahihintulutan ng bagong argumento ang ibig nating gawin na malaon nang bawal sa Simbahan. Baka tinatanggap mo ang pagpapalit ng moralidad hindi dahil tama ito, kundi dahil masusunod ang gusto mo.
Sa Ebanghelyo ni San Mateo, nagbabala si Kristo na bago siya bumalik sa daigdig, “Maraming magpapanggap na propeta at magliligaw ng mga tao. … Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas” (Mateo 24:11, 13).
Sa bagyo ng naglalabang argumento, lagi nawa tayong kumapit kay Hesukristo. Amen.