26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Masalimuot na Confidential Fund

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGA ang tamang pagba-budget ng gobyerno dahil ito ang nagbibigay-daan para makapagplano at makapangasiwa ang pinagkukunan ng salapi para suportahan ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa at proyekto ng pamahalaan.

Kaya naman taon-taon ay nagkakaroon ng deliberasyon at kontrobersiya kaugnay ng national budget.

Noong Agosto 15, 2023, sinimulan ng House of Representatives (HoR) ang pagbusisi sa 2024 national budget na umabot sa P5.768 trillion, mas mataas ng 9.5 porsyento kumpara sa kasalukuyang P5.268-trillion budget.

Nagkakaroon ng maraming committee hearing at plenary session sa Kamara de Representantes na dinadaluhan ng mga pinuno at opisyal ng iba’t ibang departamento at sangay ng pamahalaan. Ang Senado ay nagsasagawa rin ng sariling pagsusuri sa mga panukalang budget. Kailangang matapos ang deliberasyon at magkaroon ng resolusyon bago ang break sa Oktubre.

Ang Kamara at Senado ay lumilikha ng kanilang sariling mga resolusyon sa budget, na dapat pag-usapan at pagsamahin. Ang Mataas at Mababang Kapulungan ay dapat magpasa ng isang bersyon ng bawat panukala sa pagpopondo. Ipinapadala ng Kongreso ang mga naaprubahang panukalang batas sa pagpopondo sa pangulo upang lagdaan o kaya naman ay i-veto.


Iniisa-isa ang bawat detalyeng nakapaloob sa mga panukalang budget kaya’t madalas ay nagiging mainit ang talakayan. Ilan pa rito ay naging kontrobersyal dahil na rin sa kabiguan ng mga pinuno na dumalo at sagutin ang mga tanong ng mga kongresista at senador kaugnay ng kani-kanilang budget.

Si Vice President Sara Duterte sa ginanap na budget hearing sa Senado kung saan si DepEd Secretary ay humarap sa kontrobersyal na confidential fund

Gaya ng usapin sa confidential at intelligence fund particular ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na pinamumunuan din ni Vice President Sara Duterte.

Respeto

Ilang araw nang laman ng balita at maging sa social media ang palitan ng maaanghang na salita ng bise presidente at nina ACT Teachers Party-List Rep. France Castro at Sen. Risa Hontiveros.

- Advertisement -

“Wala akong respeto sa kanila.” Ito ang sinabi ni Duterte noong Martes, Setyembre 12, nang tanungin kung bakit pinili niya sina Castro at Hontiveros nang maglabas siya ng naunang pahayag laban sa mga kumukuwestiyon sa paggamit ng kanyang opisina ng mga confidential fund noong 2022.

“Hindi ko kasi nirerespeto sina Ms. Castro at Ms. Hontiveros. Wala akong respeto sa kanila,” giit ni Duterte sa isang panayam sa Cleanergy Park sa Punta Dumalag, Davao City, kung saan pinangasiwaan niya ang pagpapakawala ng 152 Hawksbill Turtle hatchlings.

Sa isang pahayag ng Bise Presidente noong Lunes, Setyembre 11, pinasalamatan niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ilang opisyal ng kanyang administrasyon sa pagpapakita ng kanilang suporta sa P125-million confidential and intelligence funds (CIFs) na hiniling ng OVP mula sa Office of the President (OP) noong Disyembre 2022.

Ito ay sa kabila ng kakulangan ng line item para dito sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) para sa OVP.

Sa kanyang sagot sa tirada ni Duterte laban sa mga kritiko ng kanyang mga tanggapan, iginiit ni Hontiveros na hindi espesyal ang OVP para hindi sumailalim sa due process ang budget nito.

At kahapon, sa isang video post ay sinagot din ng senador ang huling pahayag ni Duterte.

- Advertisement -

“Hindi ko hinihingi ang respeto mo, VP Sara. Ang hinihingi ko sa iyo at ng taumbayan, ay accountability. Kaya, i-account n’yo na lang kung para saan ang hinihingi n’yong confidential funds.”

Idinagdag pa ng opposition senator na kung hindi kayang respetuhin ng bise president ang kapwa nito opisyal ng pamahalaan, ay dapat niyang igalang kung paano dapat ginagastos ang pera ng taumbayan.

“The Vice President is again making up stories and weaving the Red-tagger’s tale to baselessly label activists and ordinary citizens as terrorists,” ayon naman kay Castro noong Miyerkules.

Sa isang pahayag, pinabulaanan ni Castro ang pahayag ni Duterte na mayroon siyang nakabinbing mga kaso ng kidnapping at human trafficking sa korte. Ginawa ng Bise Presidente ang akusasyon sa isang kaganapan sa Davao City nitong weekend.

“Ang mga ginawang akusasyon ng kidnapping at trafficking ay ibinasura ng Office of the Provincial Prosecutor (sa Tagum City) noong 2019. Hindi ako kailanman kinasuhan ng kidnapping at human trafficking,” sabi pa ng mambabatas.

Ano nga ba confidential at intelligence fund?

Ayon sa Joint Memorandum Circular No. 2015-01 ng Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Commission on Audit (COA), at Governance Commission for government-owned and controlled corporations (GOCC), ang mga confidential fund (CF) ay ginagamit para sa mga gawaing pagsubaybay ng mga civilian government agencies upang suportahan ang kanilang mandato o mga operasyon ng nasabing ahensya. Samantala, ang intelligence funds (IF) ay para sa pangangalap ng intelligence information ng mga uniformed at military personnel at intelligence practitioner na may direktang epekto sa pambansang seguridad.

Ayon kay Sen. Chiz Escudero, ang mga opisyal ng gobyerno na humihingi ng confidential at intelligence funds sa kanilang panukalang plano ng pagkakagastusan sa ilalim ng 2024 national budget ay dapat na magkaroon ng higit na pananagutan upang matiyak na ang pampublikong pondo ay ginagastos nang matalino at mahusay.

Sa pagdinig noong Martes ng Senate Committee on Finance na tumatalakay sa panukalang budget sa susunod na taon, pinaalalahanan ni Escudero ang mga miyembro ng Gabinete at pinuno ng mga ahensya ng gobyerno na ihayag ang kanilang “pisikal at pinansiyal na plano” kung paano nila nilalayong gugulin ang hinihiling na confidential fund “nang hindi nilalabag ang confidential nature of the funds.”

“Since it is the discretion of Congress, as I heard the Madam Secretary and Vice President say, to grant this or not, we will grant it for as long as we see the physical and financial plan broken down according to the JMC without violating the confidentiality that you need in order to perform your job,” paliwanag ng senador sa isinagawang deliberasyon ng budget allocation ng DepEd na kinabibilangan ng P150-million confidential fund.

Sa ilalim ng Seksyon 4 (General Guidelines) ng JMC 2015-01, ang lahat ng alokasyon ng CF at ng IF ay kinakailangang suportahan ng Pisikal at Pinansyal na Plano, na nagsasaad ng iminungkahing halagang inilaan para sa bawat programa, aktibidad, at proyekto, kung saan ang mga pagbabayad ay nauugnay sa CE at IE ay dapat ibabase.

Idinagdag pa ng senador na ang pagsusumite sa Kongreso ng mga plano sa disbursement ng mga ahensya ng gobyerno ay magbibigay liwanag sa kung paano ginagastos ang mga pondong ito at ipaalam sa publiko na kahit na ang mga pondo ay likas na confidential, ang pera ay hindi maaaring gastusin ng mga opisyal ng gobyerno sa anumang paraan na gusto nila. Maiiwasan din umano na isipin ng publiko na ang confidential fund ay secret fund.

“There are specific rules as to where this can be spent, how this can be spent, and to disabuse the mind of people that this is like a secret fund, it is not. Secret ‘yung submission ng expenditure but they are only specific items that you can spend it on,” aniya pa.

Ayon sa JCM, ang mga pondo ay hindi dapat gamitin para sa pagbabayad ng mga suweldo at sahod, overtime, karagdagang kompensasyon, allowance o iba pang mga benepisyo ng mga opisyal at empleyado, mga gastos sa representasyon/aliwan, mga bayad sa pagkonsulta at pagtatayo o pagkuha ng mga gusali o istruktura ng pabahay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -