NAGPULONG ang mga delegado mula sa Asean-Occupational Safety and Health Network (Oshnet) sa Seda Vertis North Hotel para sa ika-24 na Coordinating Board Meeting (CBM), kung saan personal silang nagkita makalipas ang tatlong taon.
Pinangasiwaan ng Pilipinas ang dalawang araw na high-level meeting bilang repleksyon ng determinasyon at pangako nito na paigtingin ang adbokasiya para sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho ng mahigit 51 milyong lakas-paggawa.
Kasama na dumalo ang delagasyon mula sa Pilipinas na sina Occupational Safety and Health Center Executive Director Ma. Teresita Cucueco, M.D. at Deputy Executive Director Engr. Jose Maria Batino, at mga kinatawan mula sa Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, at Viet Nam, at ang delegasyon mula sa Timor Leste na lumahok sa pamamagitan ng Zoom bilang observer-state.
Kasama sa agenda ng two-day high-level meeting ang mga talakayan sa mga desisyon na may kaugnayan sa Asean Labor Ministers’ Meeting, Asean Summit, at iba pang Asean Meeting; ang estado sa pagpapatupad ng Asean Oshnet Work Plan 2021-2025; at mga oportunidad para sa pakikipagtulungan ng Asean Oshnet sa mga external partner; bukod sa iba pa.
Pagpapalawak ng saklaw ng OSH
Sa kanyang pangunahing talumpati, binigyang-diin ni Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma ang kahalagahan na mapalawak ang saklaw ng OSH upang mas higit na mapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.
“Marahil ang isang pangunahing punto sa diskurso ng patakaran at regulasyon sa mga darating na taon, lakas-loob kong sabihin na ang magiging dynamic na pagtingin sa saklaw ng mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho na lumalawak mula sa kumbensyonal at mas kontroladong kapaligiran ng pisikal na lugar pagawaan patungo sa iba pang mga lugar ng trabaho, gaya ng sarili nating mga komunidad at maging ang cyber space,” wika niya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, bilang pagkilala sa umuusbong na kalikasan ng OSH, sinabi ni Kalihim Laguesma na “tiyak na ang OSH ay isang patuloy na proseso ng pag-aaral, pagpapabuti, pag-asa, pag-aangkop, at pagbabago. Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagpupulong na ito, gayundin sa pamamagitan ng aming patuloy na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa iba’t ibang aktibidad at programa sa ilalim ng Asean Oshnet, sama-sama nating mapapalakas ang ating mga kakayahan sa risk management at tuklasin ang iba pang mga pamamaraan para sa pagtutulungan tungo sa mga lugar-paggawa na mas ligtas, mas malakas, at may seguridad.”
Pilipinas bilang chair
Sa ika-24 na CBM, inako ng Pilipinas ang pamumuno ng Asean Oshnet mula sa Myanmar, habang ang Singapore naman ang pangalawang-tagapangulo.
Nagmula ang Asean Oshnet sa International Labor Organization Program for the Improvement of Working Condition and Environment, na inilunsad noong taong 1976. Isinasagawa taun-taon ang CBM upang magbigay daan para sa mga diskursong may kaugnayan sa katayuan ng OSH sa lokal at rehiyonal na antas, palakasin ang indibidwal na kapasidad ng OSH ng mga miyembrong bansa, gayun din upang suriin at bumalangkas ng mga patakaran at programa sa hangarin na lumikha ng isang holistic at inklusibong panrehiyong balangkas ng OSH.