(Salin ng Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)
HABANG palapit ang inupahan kong kotse sa kalye ni Morrie sa West Newton, isang tahimik na suburb sa Boston, mayroon akong isang tasa ng kape sa isang kamay at cell phone sa pagitan ng aking tainga at balikat. Kausap ko ang isang TV producer tungkol sa isang balitang aking isinusulat. Lumilipad ang mga mata ko sa orasang digital—ang biyahe kong pabalik ay ilang oras na lamang lilipad—at sa mga numero ng lalagyan ng mga sulat sa kalyeng may nakatayong mga puno. Nakabukas din ang radyo sa kotse, sa isang istasyong puro balita ang laman. Ganyan ako magtrabaho, limang bagay ang ginagawa ko nang sabay-sabay.
“Paki-ulit ang tape,” sabi ko sa producer. “Gusto kong marinig uli ang parteng iyan.”
“Okay,” sabi niya. “Saglit lang ito, isang segundo lang.”
Bigla lamang ay nasa bahay na ako. Inapakan ko ang brake, at natapon ang kape sa aking kandungan. Nang huminto ang kotse, nakita ko ang isang malaking maple tree na Hapones at tatlong pigurang nakaupo malapit sa driveway: isang batang lalaki at isang may-edad nang babae na nakaupo sa tabi ng iang maliit at matandang lalaki na naka-wheelchair.
Morrie.
Nanigas ako nang makita ko ang aking matandang propesor.
“Hello?” sabi ng producer sa aking tainga. “Nawala ba kita? . . .”
Labing-anim na taon ko na siyang hindi nakita. Manipis na ang kanyang buhok at halos lahat ay puti na, at humpak ang kanyang pisngi. Biglang naramdaman kong hindi ako handa sa pagkikitang ito — sa isang banda, may kausap pa ako sa telepono. At inasahan kong sana’y hindi niya napansin ang aking pagdating, kaya puwede akong umikot sa bloke ng ilan pang beses, tapusin ang aking pakikipag-usap sa telepono, at ihanda ang aking sarili. Pero si Morrie, ang bago at tuyong bersyon ng lalaking dati kong kilalang-kilala, ay nakangiti sa kotse, magkapatong ang mga kamay sa kanyang kandungan, hinihintay akong lumabas.
“Hey!” ang sabi uli ng producer. “Nandyan ka pa ba?”
Kahit man lang sa mga panahong pinagsamahan namin, kahit man lang sa kabutihan at pasensiyang ipinakita ni Morrie sa akin noong bata pa ako, dapat ay isinara ko na ang telepono at lumabas na ng kotse, tumakbo at niyakap at hinalikan siya sa pisngi.
Sa halip, pinatay ko ang makina ng kotse at lumubog sa aking sasakyan, na parang may hinahanap ako.
“Oo, oo, andito pa ako,” bulong ko, at ipinagpatuloy ko ang pakikipag-usap sa aking TV producer hanggang matapos kami.
Ginawa ko ang bagay kung saan ako magaling: tinapos ko muna ang aking trabaho, habang ang aking nag-aagaw-buhay na propessor ay naghihintay sa bakuran ng kanyang bahay. Hindi ko ito ipinagmamalaki, pero ito ang aking ginawa.
***
Ngayon, limang minuto pagkatapos, niyayakap ako ni Morrie, ang manipis niyang buhok ay kumikiskis sa aking pisngi. Sinabi ko sa kanyang nawala ko ang aking susi, kaya ako natagalan ako bago lumabas ng sasakyan, at hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kanya, na para bang matitiris nito ang aking munting kasinungalingan. Kahit na mainit ang tag-araw ng tagsibol na iyon, may suot siyang windbreaker at ang kanyang mga binti’y natatakpan ng isang blanket. Medyo maasim ang kanyang amoy, na siyang amoy minsan nang mga taong may mga iniinom na mga gamot. Dahil ang mukha niya’y malapit sa akin, naririnig ko ang kanyang hirap na paghinga sa aking tainga.
“Ang aking matagal nang kaibigan,” bulong niya, “bumalik ka na rin sa wakas.”
Umuguy-ugoy siya sa akin, hindi ako binibitawan. Nakahawak siya sa aking siko habang nakayuko ako sa kanya, pero, dahil nga sa mga pader na batong itinayo ko sa pagitan ng aking kasalukuyan at nakaraan, nakalimutan ko na kung paano kami ganoon magkalapit dati. Naalala ko ang araw ng graduation, ang briefcase, ang luha niya sa aking pag-alis, at napalunok ako dahil sa totoo lang, sa pinakaibuturan ng aking sarili, alam kong hindi na ako ang mabait na estudyanteng may dalang regalo, ang estudyanteng kanyang naaalala.
Inasahan ko na lamang na sa loob ng ilang oras ay maloloko ko siya.
Sa loob ng bahay, naupo kami sa hapag kainan na gawa sa walnut, malapit sa isang bintana kung saan makikita mo ang bahay na nasa kabila. Inayos ni Morrie ang kanyang wheelchair, pinipilit maging kumporable ito para sa kanya. Tulad nang dati, gusto niyang pakainin ako, at pumayag naman ako. Ang isa sa kanyang mga kasambahay, isang malaking Italyanang nagngangalang Connie, ay naghanda ng tinapay at kamatis at hinainan ako ng chicken salad, hummus, at tabouli.
Nagdala rin siya ng mga pildoras. Tiningnan ni Morrie ang mga ito at napa-buntong-hininga siya. Mas lubog ngayon ang kanyang mga mata kaysa sa naaalala ko, at mas kita ngayon ang mga buto sa kanyang pisngi. Dahil dito, nagmukha tuloy siyang mahigpit at matanda — hanggang sa siya’y ngumiti, siyempre naman, at ang nalalaglag niyang mga pisngi’y tumaas na parang mga kurtina.
“Mitch,” sabi niya nang mahina, “alam mo na ako’y malapit nang mamatay.”
Alam ko.
“Okay.” Nilunok ni Morrie ang mga pildoras, ibinaba ang paper cup, huminga nang malalim, at sinabi na ang lahat. “Gusto mo bang sabihin ko sa iyo kung paano ang lahat ng ito?”
Kung paano? Ang mamatay?
“Oo,” sabi niya.
Kahit hindi ko pa ito alam noon, ang nagsimula na ang pinakahuli naming klase.
***
Unang taon ko sa kolehiyo. Mas matanda si Morrie sa karamihan ng mga titser ko, at mas bata naman ako sa karamihan ng mga estudyante, dahil nakatapos ako ng mas maaga ng isang taon sa high school. Para pagtakpan ang kabataan ko sa campus, nagsuot ako ng mga luma at abuhing sweatshirts at nag-boksing sa isang local na gym at naglakad nang may hindi-nakasinding sigarilyo sa aking bibig, kahit na hindi naman ako naninigarilyo. Nagmaneho ako ng isang kotse na lumang Mercury Cougar, nakababa ang bintana at malakas ang tugtog. Hinanap ko ang aking identity sa pagiging astig — pero nagka-interes ako sa kabutihan ni Morrie, at dahil hindi niya ako itinuring na isang batang nagpupumilit maging isang taong hindi naman niya totoong ugali, nag-relaks ako.
Natapos ko ang unang kurso sa kanya at nag-enrol ako ng isa pa. Magaan siyang magbigay ng mga grado; wala siyang masyadong pakialam sa mga grado. Mayroon ngang isang taon, ang kuwento sa akin ng mga tao, noong panahon ng Vietnam War, na binigyan ni Morrie ng A ang lahat ng kanyang mga estudyanteng lalaki para matulungan silang ma-delay ang pagpapadala sa kanila sa Vietnam dahil nag-aaral pa sila.
Sinimulan kong tawagin si Morrie na “Coach,” na siyang dati kong tawag sa aking track coaches sa high school. Nagustuhan ni Morrie ang palayaw na ito.
“Coach,” ang sabi niya. “Okay, ako ang magiging coach mo. At ikaw ang magiging player ko. Puwede mong gampanan ang lahat ng magagandang bahagi ng buhay na hindi ko na puwede pang gampanan dahil matanda na ako.”
Minsa’y sabay kaming kumakain sa cafeteria. Sa aking tuwa, mas burara pa pala si Morrie kaysa sa akin. Nagsasalita siya imbes na ngumuya, tumatawa nang nakabuka ang kanyang bibig, nagsasalita ng isang matinding ideya kahit puno ng egg salad ang kanyang bunganga, habang nahuhulog ang mga maliliit at dilaw na piraso mula sa kanyang ngipin.
Tuwang-tuwa ako sa kanya. Sa lahat ng panahong nakilala ko siya, may dalawa akong sobrang gustong gawin: ang yakapin siya at ang bigyan siya ng napkin.