29.9 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Kung bakit bahagi ng kulturang New Orleans ang pagbisita sa sementeryo

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huli sa Serye tungkol sa new Orleans, Louisiana)

SINASABING may isang pambihirang festival na idinadaos sa isla ng Siquijor  tuwing panahon ng Semana Santa (Holy Week). Ang Siquijor ay kilala bilang sentro ng gamutang tradisyonal (traditional healing practices) at folk magic. Sa nasabing selebrasyon, nagtitipon-tipon ang mga ‘faith healers’ (mananambal) upang lumikha ng isang uri ng ‘inumin’ o ‘halo’ na gawa sa pinagkatasan ng mga dahon, ugat, at iba pang sangkap. May kaakibat na chanting o ritwal ang naturang seremonyas. Idinaraos nila ito sa Mt. Bandilaan sa naturang lalawigan sa isang partikular na panahon.

Pinaniniwalaang ang ginawa nilang ‘inumin o halo’ (potion) o anting-anting (amulets) ay nakapagpapagaling. Hanggang ngayon, dito sa Pilipinas, lalo na sa kanayunan o mga isla, marami pa ring kababayan natin ang naniniwala sa mga albularyo, mananambal, o mga kauring faith healers. Di nga ba’t kapag nagkakasakit, marami pa rin ang ‘nagpapatawas’ sa albularyo upang malaman kung anong masamang ispiritu ang dumapo sa isang tao? Kapag walang nangyari sa pagpunta sa albularyo, doon lamang nagpupunta sa doktor ang marami sa ating kababayan. Sa pagtatawas, gumagamit sila ng kandilang ipinapatak sa tubig upang malaman ang nagdudulot ng pagkakasakit (at ito’y batay sa nalikhang hugis nang ipinatak na kandila sa malamig na tubig!). Kadalasang isinisisi ang sakit sa mga duwende, demonyo, mga ispiritung ligaw, at iba pang elemento. Kailanma’y hindi naiisip ang mga mikrobyong bakterya o virus bilang sanhi ng sakit.

At dahil ang tradisyong ito ng folk healing sa Siquijor ay ikinakabit nila sa paniniwalang Katoliko (hindi nga ba’t Semana Santa pa ito ginagawa?), nagkakaroon ng pagkakatulad ang New Orleans at Siquijor. Nabanggit ko dati na ang praktis ng ‘voodoo’ sa New Orleans ay nakaangkla rin sa Katolisismo.

Natatandaan ko rin na nag-uwi ako ng ilang ref magnets na voodoo dolls bilang souvenir at pasalubong nang ako’y dumalaw sa nasabing lalawigan. Kahit kilala ang Siquijor sa kulturang witchcraft, folk magic, at faith healing, ang nasabing mga voodoo dolls ay hindi naman aktuwal na ginagamit sa mga ritwal o seremonya. Walang nanunusok ng karayom sa naturang voodoo dolls para magdulot ng kirot/karamdaman sa katawan ng isang taong kaaway. Nakatuwaan na rin lang din siguro ng mga residente roon na gawing atraksyon ang reputasyong ikinabit sa kanilang lugar.


Habang nasa New Orleans kami ay nagpasya kaming sumama sa isang tour sa mismong siyudad. Matapos na banggitin ng aming tour guide ang mga pangyayari at mga personalidad na nakatulong sa paghubog sa kung ano ang New Orleans ngayon, inihinto kami ng tour guide sa harap ng isang malawak na sementeryo. Bahagi pala ng city tour ang paglibot sa kanilang sementeryo! Isa ito sa mga highlights nang pagbisita sa New Orleans! Aaminin ko, sa dinami-dami ng lugar na aking napuntahan (sa Pilipinas man o sa ibang bansa), ngayon lang ako napasama sa isang ‘cemetery tour.’ Sa Pilipinas, nakakaikot lang naman tayo sa mga sementeryo at memorial parks kapag Undas. Pero wala akong alam na organized cemetery tour.

Noong una, weird ang dating sa akin ng nasabing tour. Sa gitna ng isang masayang okasyon ng pagdalaw sa New Orleans, bakit ko kailangang pumasok sa mga sementeryo at tumayo sa harap ng ilang nitso habang patuloy na nagsasalita ang tour guide? Pero sinasabing sa pamamagitan ng paggalugad natin sa isang sementeryo, marami tayong matututuhan sa kung paano namuhay ang mga tao noon na maaaring magbigay sa atin ng ideya sa kung paano tayo dapat mabuhay ngayon.

- Advertisement -

Hindi raw masasabing kumpleto ang pagbisita mo sa lungsod ng New Orleans kung hindi ka nagpunta sa isang sementeryo. Halos lahat ng taong bumibisita sa lungsod ay kabilang ito sa kanilang itinerary. Napansin ko na halos iisa ang kayarian ng mga libingan dito. Yari ito sa marmol, mga libingang ‘above the ground’ (o nitso), may disenyong ‘ornate.’ Laging may nakalagay na krus sa tuktok ng bawat nitso. Tandaan na ang relihiyong Katoliko ang pangunahing pananampalataya ng mga taga-New Orleans.

Hindi uso sa kanilang mga sementeryo ang pagtatayo ng musoleo (kung saan ay nilalagyan pa ng parang bahay ang mga nitso gaya ng praktis dito sa atin). Maging sa kamatayan at libingan man, dito sa Pilipinas, nais ng ating mga kababayan na ‘hindi naiinitan’ ang kani-kanilang kaanak. Hindi rin uso sa mga taga-New Orleans ang istilong inilulubog sa ilalim ng lupa ang namayapa, gaya ng nakikita nating praktis sa mga memorial parks.

Sa kanilang mga sementeryo, hindi applicable ang linyang ‘6 feet under the ground.’ Ito’y pabirong sabi ng aming tour guide. Nag-uugat ito sa kanilang topograpiya o kinalalagyang lugar. Sinasabing nasa below-sea-level ang New Orleans kung kaya’t madalas dito ang pagbabaha. Matatandaang halos inilubog ng hurricane Katrina ang buong Louisiana, partikular ang lungsod ng New Orleans, nang magdulot ito ng malawakang pagbabaha na tumagal halos ng linggo ilang taon na ang nakararaan. Nais maprotektahan ng mga naninirahan dito ang kanilang mga libingan mula sa labis na pagbabaha.

- Advertisement -

Pero bakit nga ba bahagi ang cemetery visit ng kulturang New Orleans?  Pinasisilip kasi nito sa atin ang kasaysayan ng siyudad, ang kanilang arkitektura, at ang kanilang kakaibang approach sa paglilibing. Nagbibigay rin ito sa atin ng pagkakataong alamin ang mga buhay at kuwento ng mga taong nakalibing dito. Halimbawa rito ay ang libingan ng kilalang voodoo priestess (babaylan) na si Marie Laveau na matatagpuan sa St. Louis Cemetery No. 1. Nandiyan din ang tsansang magmuni-muni sa buhay at kamatayan ng isang tao.  Minsan, maiisip mo, may kaugnayan kaya sa praktis ng pagdalaw sa sementeryo ang kanilang masayang pagdiriwang ng Mardi Gras (isang festival na hawig sa Masskara ng Bacolod)? Ipinahihiwatig ba nito sa atin na ngayon pa lang ay magsaya na tayo dahil sadyang hindi permanente ang buhay sa mundo? Na ano mang oras ay puwede tayong lumisan? Iyon kaya ang dahilan ng labis nilang pagsasaya?

Binansagan ang New Orleans bilang “City of the Dead.”  Gaya nang nabanggit ko, ito’y dahil sa mataas nilang pagpapahalaga sa mga libingan ng mga kaanak. Bukod dito, masasabi ngang unique ang kanilang arkitektura dahil ang mga nitso’y hindi nakalubog sa lupa. Idagdag pa na maingat na nakaayos sa ‘rows and columns’ ang mga libingan doon kung kaya’t ang mga daraanan ay mistulang mga kalye ng isang siyudad.  Habang nasa loob ng sementeryo, pinayuhan ang lahat na maging magalang sa mga nakalibing. Hindi naman ito mahirap para sa atin dahil ganoon naman tayo kapag dumadalaw sa mga libingan.

Nakatutuwang matuklasan na maraming pagkakatulad ang kulturang Pinoy sa kulturang New Orleans. Isa pa, sa sobrang popularidad ng bayan ng New Orleans, akala ng marami ay isa ito sa ‘51 states ng Amerika.’ Hindi po, ang bayan ng New Orleans ay sakop ng State of Louisiana.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -