PINUNA ni Senador Win Gatchalian na hindi tugma ang mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na may pinakamataas na enrollment sa mga pinaka-in-demand na trabaho hanggang 2025.
Ayon sa Jobs and Labor Market Forecast ng Department of Labor and Employment-Bureau of Local Employment (DoLE-BLE) at Tesda Skills Need Anticipation Survey, ang mga sektor ng information technology business process management (IT-BPM), construction, logistics, agriculture, at health ang inaasahang lalago at lilikha ng pinakamaraming trabaho hanggang 2025.
Gamit ang datos ng Tesda, sinuri ng tanggapan ng senador ang Technical-Vocational Education and Training (TVET) para sa 2022. Lumalabas na ang limang sektor na may pinakamataas na enrollment sa TVET ay ang agriculture, forestry, and fishery (18.3 porsiyento), tourism (16 porsiyento), programs with no training regulations (14.7 porsiyento), automotive and land transportation (9.6 porsiyento), at social, community development and other services (8.3 porsiyento).
“Wala sa mga pinakapopular na kursong inaalok ng Tesda ang nakahanay sa mga industriya na inaasahang lumago sa susunod na tatlo hanggang limang taon. Muli, nakakakita tayo ng jobs-skills mismatch kahit sa tech-voc at isa ito sa mga nais nating tugunan sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2),” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education at Edcom 2 co-chairman.
“Nakakabahala na nagbibigay tayo ng mga scholarship programs sa mga graduates na hindi nakakapagtrabaho sa mga lumalagong industriya ng ating bansa,” dagdag na pahayag ng senador.
Sinuri din ng tanggapan ng senador ang datos mula sa June 2021 Labor Force Survey at natuklasang sa mga senior high school graduates na kumuha ng technical-vocational livelihood track, kalahati (50.6 porsiyento) ang nagtatrabaho sa mga elementary occupations. Ayon kay Gatchalian, hindi ito ang ipinangako ng programang senior high school na makapag-produce ng mga graduates na handang magtrabaho.
Isa sa mga panukala ni Gatchalian upang paigtingin ang kahandaang magtrabaho ng mga senior high school graduates ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367). Layon ng panukalang batas na tiyaking handa ang mga senior high school graduates sa trabaho, sa negosyo, o sa middle-skills development. Layon din ng panukalang batas na magbigay ng mga libreng national competency assessment sa mga mag-aaral ng senior high school.