26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Pasok ang Pilipinas sa giyera ng China

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling bahagi

KASINUNGALINGAN, samakatwid, ang malawak na paniniwala na ang sorpresang atake ng Hamas sa israel noong Oktubre 7 ay pagwindang sa pinaniniwalaang napakatibay na pananggol ng Israel. Totoo nga naman, gaya ng ipinakita ng mga sumunod na naganap. Ang mga missile na pinakawalan ng Hamas bilang panagot sa ganting salakay ng Israel ay bahagya nang umepekto dahil nasa ere pa lang ay pinasasabog na ng mga interceptor rocket ng Israel. Ganun kagilagilalas ipinakita ng Israel ang kakayahan ng kanyang Iron Dome Defense System. Pagpasok pa lang sa kalangitan ng Israel ng missile o eroplano ng kaaway, masasagap na ito ng radar ng Iron Dome at ang impormasyon ay ibabato sa mga pasilidad na magpapakawala ng interceptor rocket upang sa himpapawid pa lang ay wasakin na ang lumulusob na sandata ng kaaway.

Bakit noong Oktubre 7 ay hindi gumana ang ganun kapambihirang galing ng depensa? Dahil nga totoo ang pagsisiwalat ng beteranong operatiba ng IDF na ang atake ng Hamas sa araw na iyun ay isang “inside job”? “Inside job” ng Israel laban sa kanyang sarili?

Mahirap paniwalaan, pero sa kasaysayan ng malalaking digmaan, totoong nangyayari ang ganung kasuklam-suklam na kahayupan.

Paano ba nagsimula ang Spanish-American War noong 1898? Nang sumabog ang barkong pandigma ng US  na USS Maine sa Havana Harbor ng Cuba na noon ay sakop ng Espanya. Isinisi ng US ang pagsabog sa Espanya, buong galit na naniwala naman ang publikong Amerikano na humiyaw ng  “Rememeber the Maine, to hell with Spain,” at naganap nga ang Spanish- American War na nagbunga ng pagsakop ng Amerika sa mga teritoryong sakop ng Espanya, kabilang ang Pilipinas. Sa isang imbestigasyon na ginawa ng US Senate makaraan ang isang panahon, napatunayan na ang pagsabog ay hindi mula sa labas ng barko, walang bulwak ng tubig paitaas ang nasaksihan, at wala ni isang isda ang namatay. Ang yupi sa tagiliran ng barko na likha ng pagsabog ay papuntang labas, nagpapakita na ang pagsabog ay likha ng pasabog na nasa loob ng barko. Ibig sabihin, gawa ng kung sinuman na nasa loob, hindi labas, ng barko. O, di ba iyan ang tinuringan ng beterano na operatibang IDF sa unahan na “inside job”?

Sa insidente ng USS Maine, 200 Amerikanong navy men ang nasawi.

Maliit na bilang kung ihahambing sa 3000 Amerikanong namatay sa pagsabog naman ng Twin Tower ng New York noong 9/11 atake ng mga terorista kuno. Ang insidente ang ginawang dahilan ni George W. Bush upang giyerahin ang Iraq noong 2003 sa bintang na nag-iimbak si Saddam Husein ng chemical weapons of mass destruction. Wala ni kapirasong takal ng ganung sandatang kemikal ang natuklasan sa ginawang pagsalakay ng Coalition of the Willing, subalit hindi ito ang mahalaga. Ang mahalaga, nasakop ang Iraq, nabigti si Saddam, at ang bilyung-bilyong dolyar na halaga ng langis ng Iraq ay napasakamay ng Amerika at mga kaalyado.

Dalawa lamang ang mga nabanggit na insidente na gawa ng US na nagsilbing dahilan upang magpaputok ng giyera saan mang panig ng daigdig maibigan. At ang malakas na pahiwatig ng sundalong Israelita na nagsiwalat na “inside job” ang atake ng Hamas sa Israel ay ito: kagagawan ng Amerika.

“Oh, by the way, now Amerika is coming? With aid? Do you really think Israel needs American aid to fight Gaza? Gaza! Their most elite force… Their air force is hang gliders. And their ground troops are pickup trucks. They don’t even have a tank. And Israel needs American aid to fight them? Are you f*****g serious (O, oo nga pala. Ngayon papunta na ang Amerika. May dalang tulong? Talaga bang inaakala mo na kailangan ng Israel ang ayuda Amerikano upang labanan ang Gaza? Gaza! Ang kanilang piling-piling pwersa… Ang kanilang air force ay hang gliders. Ang kanilang tropang pangkatihan ay pickup trucks. Ni wala man lang silang kahit isang tanke. At kailangan ng Israel ang ayuda Amerikano upang labanan sila? P********a, seryoso ka ba)?

Ibig ipahiwatig ng sundalong Israelita, ang pananalakay ng Oktubre 7 ay minaniobrang papangyarihin upang bigyang daan ang isa na namang panghihimasok ng Amerika sa labanang magsusulong ng kung anoman ang kanyang adyenda. Halimbawa, buksan ang giyera sa kabuuang mundo ng mga Arabo at pipilan ang napipinto nitong pagkalas sa pundilyo ng dolyar. Masdan kung hindi ito nga ang nangyayari. Nagpakawala na ng rocket ang Lebanon sa Israel. Nagdeploy na ng mga tropa’t armamento ang Yemen upang umayuda sa Palestina; nagpahayag na rin ng ganung kahandaan ang Turkey. Kung ang plano ng Estados Unidos ay ganap nang pasiklabin ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig, nagtatagumpay na siya.

Ngayon, sa Indo Pasipiko, ano ba ang namumuong sigalot?

Sa isang banda ay ang pagpipilit ng Estados Unidos na ipatupad sa katubigan ng South China Sea ang tinatawag nitong freedom of navigation operation (FONOP), na rito ay mahigpit niyang kaalyado ang Australia, United Kingdom, Canada, Francia, Germany, at mga Asyanong Hapon at South Korea. Ang problema rito ay ginagalugad nila ang karagatan na halos sa kanyang kabuuan ay inaangkin ng China. Maaaring kunsintihin ng China ang paglalayag sa kanyang karagatan ng mga barkong pangkomersyo, subalit hindi na freedom of navigation ang nasasangkot kung mga barkong pandigma ng mga kanluraning pwersa ang magsasagawa sa katubigan ng China ng mga ehersisyong pandigma.

Sa kabilang banda, naririyan ang tumitinding iringan ng China at Pilipinas sa kanilang agawan sa teritoryo sa Bajo de Masinloc, o Scarborough Shoal, at Ayungin Shoal. Mula sa naunang mga gitgitan lamang ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa mga resupply mission nitong huli sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa bahura ng Ayungin, ang mga insidente ay humantong na sa pisikal na banggaan na nagdulot ng kasiraan sa barko ng PCG. Kapuna-puna na agad nagpahayag ng protesta sa insidente ang United Kingdom, France at Germany, na palatandaan na lumalawak ang sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas. Mangyari pa, di matatawaran ang reaksyon ng Estados Unidos. Bukod sa deklarasyon ni US State Secretary Antony Blinken na ang insidente ay humihingi na ng pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng US at Pilipinas, pinangunahan pa ito ng pahayag mismo ni Presidente Joe Biden na para bang ang napakaliit na insidente ay kasing-lala na ng Ukraine War o ng labanan ng Hamas at Israel.

Wika ni Biden, “Our commitment to defend the Philippines is iron clad (Ang panata nating ipagtanggol ang Pilipinas ay kasingtibay ng bakal).”

Sa ganyang mga pananalita dapat binabasa ng sambayanang Pilipino ang maitim na balak ng Amerika.  Sumabog na ang giyera sa Europa sa paglala ng krisis Ukraine, sumunod ang Gitnang Silangan na ang tilamsik ng digmaang Palestina-Israel ay nagpasiklab na sa kabuuang mundo ng mga Arabo. Kulang na lang ang paglagablab ng Indo-Pasipiko upang maging ganap ang pagsambulat ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig.

Sa kadahilanang ito kung bakit bagama’t sa paniwala ng matataas na opisyales ng pamahalaang Bongbong ay hindi didigma sa Pilipinas ang China – na totoo din naman na hindi paladigmang nasyon ang China at samakatwid ay hinding-hindi sasalakay sa Pilipinas sa intensyong manakop – hindi ibig sabihin ay maghahalukipkip na lamang ng braso ang China samantalang pumupustura na ng pananalakay ang Amerika’t mga kaalyado nito. Maging sa pagsusuri ng sarili niyang mga manedyer ekonomiko, ang kapangyarihan sa kabuhayan ng Amerika ay kitang-kitang nauungusan na ng China. Hindi na bibilang pa ng dalawampung taon upang ang pangmundong pangingibabaw ng Amerika ay ganap na gumuho. Bago pa dumating ang sandaling iyun, kailangang pipilan na ang China. Ngayon na ang panahon at iisa ang tanging paraan – giyera.

Sa bisa ng MDT, obligado ang Pilipinas na idepensa ang Amerika kung ito ay sasalakayin ng kaaway sa Indo-Pasipiko.

Napag-isipan man lang ba natin kung bakit nagkukumpulan ngayon sa South China Sea ang mga barkong pandigma ng Australia, Canada, Japan at South Korea? Maliwanag na ito ay sa kagustuhan ng Amerika. Sa katunayan, nangunguna sa mga barkong ito ang  USS Gerald Ford ng United States Navy.

Isipin nyo ngayon na biglang-bigla ay may pagsabog sa Gerald Ford – tulad ng sa USS Maine sa Havana Harbor noong 1898 o sa 9/11 New York Twin Tower “terrorist attack”. Hindi ba iyun ay sobra-sobra nang dahilan upang ang Estados Unidos ay bumanat sa China sa ngalan ng self-defense? Ganun ang katwiran ng Israel nang paulanan niya ng mga rocket ang Gaza, pinulbos ang mga infraistruktura’t  mga gusaling residensyal, kumitil ng daan-daang buhay, matanda, bata at mga bagong silang, at puminsala sa daan-daang pang iba.

Kataka-taka pa ba na sa pangmundong panawagan ng ceasefire sa Palestina, numero unong kumontra ang Estados Unidos?

Giyera ang puno’t dulo ng pamumuhay ng Amerika. Subalit giyera na sa ilalim ng Monroe Doctrine ay hindi kailanman dapat humaplos man lang sa mga dalampasigan ng Estados Unidos.

Kaya dapat pasabugin ang mga digmaan sa Ukraine, sa Palestina, at ngayon, sa Pilipinas.

Bakit nga ang hindi? Kung iyun ang kailangan upang makumpleto ang demonyong desinyo ng Estados Unidos na pangayupapain ang China.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -