SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagbisita ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Pilipinas ay magbibigay daan para sa mas malakas na pagtutulungan sa ekonomiya at seguridad sa pagitan ng dalawang bansa.
“Ang pagbisita ni Punong Ministro Kishida sa bansa ay mas napapanahon kasunod ng ilang mga mahahalagang isyu,” sabi ni Gatchalian, na tinukoy ang desisyon ng Pilipinas na bawiin ang kahilingan para sa overseas development assistance (ODA) mula sa China at ang pangha-harass at pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Ayon kay Gatchalian, ang Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) kasama ang Asian Development Bank, World Bank, at iba pang multilateral funding institution ay may mahabang kasaysayan sa pagbibigay ng suporta sa pagpopondo para sa Pilipinas at matagumpay nilang napondohan ang maraming proyekto sa bansa na may mga concessionary interest rate at terms.
Sinabi ni Gatchalian na ang pananaliksik na isinagawa ng kanyang tanggapan ay nagpapakita na ang mga ODA na nagmumula sa Japan ay may paborableng financing costs kumpara sa ibinigay ng China. Ang JICA, dagdag niya, ay may aktibong ODA grant na may kabuuang P9.8 bilyon hanggang noong Disyembre 2022, batay sa pinagsama-samang ulat ng pag-audit sa mga programa at proyektong pinondohan ng ODA na inilabas ng Commission on Audit. Kabilang sa mga ODA grant na ito sa Pilipinas mula Japan ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway Project, at Maritime Safety Capability Improvement Projects para sa Philippine Coastguard.
Sa usapin ng panrehiyong seguridad, ang pagbisita ni Punong Ministro Kishida ay maaari ring magpalakas sa pagsisikap ng dalawang bansa sa paglinang ng kooperasyong panrehiyon sa gitna ng patuloy na agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea na nagdudulot ng pangamba sa seguridad ng rehiyon, ayon kay Gatchalian.
Inaasahang tatalakayin ng Pilipinas at Japan ang Reciprocal Access Agreement sa pagitan ng mga puwersa ng depensa ng Japan at ng militar ng Pilipinas upang magdala ng mga tropa at kagamitan sa kanya-kanyang bansa. Inaasahan ding magbibigay ang Japan ng mga coastal radar system at mga patrol vessel sa Pilipinas upang palakasin ang mga kakayahan sa pagbabantay sa seguridad ng bansa.