KILALA si Dan Buettner sa mga pinakamabentang aklat tungkol sa paghaba ng buhay, bunga ng pagbiyahe at pagsasaliksik niya sa tinaguriang “Blue Zones” o “mga larangang bughaw.”
Iyon ang limang pook sa daigdig na pinakamahaba ang buhay ng tao: Okinawa, Hapon; Sardinia, Italya; Nicoya, Costa Rica; Ikaria, Gresya; at Loma Linda, California, Estados Unidos.
Sa nagdaang dalawang dekada, kinapulong niya ang 263 taong nabubuhay nang napakaraming taon, ang marami lampas 100. At sa artikulong niya noong Nobyembre 24, binaybay ni Buettner ang siyam na ugali o katangian ng mga kinapulong niya. Ito ang dapat gawin, ayon sa sanaysay niya:
1) Galaw sa araw-araw: Sa halip ng ehersisyo gamit ang pabigat at makinang sa gym, bahagi ng buhay araw-araw ang paggalaw: paglakad punta sa trabaho, tindahan, kaibigan o simbahan; pag-aalaga ng halaman; at paggawa ng mga trabahong bahay nang walang kasangkapan gaya ng washing machine.
2) Magkaroon ng hangarin sa buhay: “Lahat ng naninirahan sa Blue Zone,” wika ni Buettner, “may layunin (purpose) sa buhay higit sa trabaho lamang. Ayon sa pananaliksik, kung alam mo ang hinahangad mo, makadaragdag ito ng hanggang pitong taon sa buhay mo.”
3) Relax lang: Maging ang taga-Blue Zone naaburido. Pero may mga patakaran sila upang bawasan ang pagkaaburido. Sa Okinawa, may ilang sandali araw-araw upang gunitain ang mga ninunong yumao. Nagdarasal ang mga Sabadista sa Loma Linda, umiidlip ang mga taga-Ikaria, at may “happy hour” sa Sardinia.
4) Otsenta porsiyento: Para sa taga-Hapon, dapat huminto ng pagkain kung 80 porsiyento na ang pagkabusog, hindi busog na busog. Isang dahilan ito kaya sa bawat 100,000 tao sa Okinawa, may 68 na 100 o mahigit ang edad, kompara sa 23 sa Amerika. At sa Blue Zones, pinakamunti ang kakanin paglapit o pagsapit ng gabi, tapos wala na hanggang umaga.
5) Halaman, hindi laman: Iba’t-ibang uring beans, gaya ng soy at lentil, ang pangunahing pagkain sa Blue Zones. Sa Loma Linda, direktong hango sa Bibliya ang mga putahe. Sa Pilipinas, kabilang sa mga beans ang munggo, sitaw, balatong at patani. Samantala, karaniwang kinakain ang karne limang beses lang kada buwan, at mga 115 gramo lang ang bawat kain ng karne (kalahating dangkal ang lapad at haba).
6) Alak sa alas singko: Sa Blue Zones, umiinom ng alak ang tao — isa o dalawang baso araw-araw kasama ang kaibigan o sa pagkain. Ang umiinom nang katamtaman mas mahaba ang buhay kaysa sa hindi umiinom. (Sa kabilang dako, nagbabala ang World Health Organization noong Enero lamang na masamang inumin ang alak, kahit kaunti: https://tinyurl.com/y3xrh9nc.)
7) Diyos ko: Sa 263 taong kinapulong ni Buettner, 258 ang may nilalahukang komunidad ng pananampalataya. Hindi mahalaga kung aling relihiyon. Ayon sa pananaliksik, sabi ni Buettner, makadaragdag ng apat hanggang 14 na taon sa haba ng buhay ang paglahok sa mga aktibidad ng pananalig apat na beses buwan-buwan.
8) Inay, Itay sa bahay, hahaba ang buhay: Ang mga 100 o mahigit ang edad, naninirahang kasama o malapit ang mga magulang, at nakababawas ito ng karamdaman ng mga anak, ayon sa mga pag-aaral. Bukod dito, may kapisan buong buhay ang mga dantaong nabubuhay, at nakadaragdag ito ng hanggang tatlong taon sa haba ng buhay. Pinag-uukulan din nila ng malaking panahon at pagmamahal ang kanilang mga anak, kaya mas malamang alagaan sila paglaki ng mga bata.
9) Mabuting samahan. Ang umabot at lumampas ng 100, may mga matagalang kaibigang wasto ang pamumuhay. Ang taga-Okinawa, bumubuo ng pangkat ng limang magkakaibigan habang buhay, ang tinaguriang “moais.” Pero dapat tama ang patakaran ng barkada. Kung hindi, kakalat sa pakikisama ang masamang ugali.
Tularan ang ‘Buhay Asul’
Agad binigyang-diin ni Buettner na hindi siguradong hahaba ang buhay kung susundin ang mga patakarang binaybay niya. Subalit mas malamang na makadagdag itong mga ugali sa buhay at kalusugan. Gaya ng natuklasan sa pagsusuri ng mga kambal sa Denmark, 20 porsiyento ng haba ng buhay ang dala ng minanang pangangatawan natin. Subalit 80 porsiyento ang dulot ng pamumuhay o lifestyle.
Mula nang lumabas ang pag-uulat ni Buettner tungkol sa Blue Zones, nagkaroon ng karagdagang pag-aaral at pagpaplano upang matularan ang mga patakaran doon sa pamumuhay sa ibang lugar sa pamamagitang ng Life Radius o “buhay palibot.”
Ayon sa pagsasaliksik, mga 90 porsiyento ng mga gawain at sadyain natin nasa loob ng limang milya o walong kilometro mula sa tirahan natin. Ito ang Life Radius. Paplanuhin ngayon ang buhay natin upang matularan ang mga patakaran ng Blue Zone sa loob ng buhay palibot.
Una, baybayin ang mga bagay na maaari nating gawin sa halip na bilhin o ipagawa sa iba. Tapos, bawasan ang calories o nakatatabang pagkain. At sa mga pagbabagong ito, bumuo ng mga network o samahan ng magkakaibigang kapwa ibig magbagong-ugali. Mga 80 porsiyento ng tao ang may gayong nais. Pagsasamahin tayo upang mapaigting ang patakarang Blue Zones (https://tinyurl.com/3jzwa32j).
Gawin natin ito sa bagong taon at dagdagan ang mga taon ng ating buhay.