Tumungo ang Philippine Red Cross (PRC)-La Union Chapter sa covered court ng Barangay Urayong sa bayan ng Bauang para mamigay ng serbisyong medikal at dental sa pamamagitan ng programa nitong Alagang Red Cross Health Caravan noong Nobyembre 30.
Sa pakikipagtulungan sa pamahalaang bayan ng Bauang, ang nasabing health caravan ay isa sa mga programa ng PRC na layuning mailapit ang mga serbisyong medikal sa malalayong lugar tungo sa adhikain na malusog at matatag na komunidad.
Ilan sa mga serbisyong inihanda sa naturang aktibidad ay medikal at dental consultations, pamimigay ng bitamina at medisina, free blood typing, at cholesterol test.
Bukod sa mga health services ay nagkaroon din ng safety services gaya ng awareness campaign tungkol sa risk and disaster management at welfare services na hatid ng Department of Education-La Union Schools Division Office (DepEd-LUSDO).