Unang Bahagi
SUMILIP ang modernisasyon ng agrikultura ng Pilipinas nang maitalaga ang bagong Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura na layuning isakatuparan ang mithiin ni Pangulong Ferdinand Marcos,Jr. na magkaroon ng modernong sektor ng pagsasaka at mas maalwang buhay para sa mga magbubukid at mangingisda sa bansa.
Sa kanyang talumpati kamakailan sa harap ng mga kawani ng kagawaran, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., na naitalaga nito lamang nakaraang Nobyembre, na ilalabas na niya ang mga istratehiya upang gawing makabago ang agrikultura at mapalakas ang ani at kontribusyon ng agrikultura sa ekonomiya ng bansa, higit sa lahat ang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at makalikha ng mas maraming trabaho.
Inaasahan ng kalihim na magiging mahirap ang taong 2024 na humaharap sa matinding tagtuyot ngunit nananatili ang mataas na pag-asa ng sambayanan na sasapat ang mga ani at bababa ang presyo ng mga bilihin.
Kaya naman hinimok niya ang mga kawani ng kagawaran na manatiling nakatuon sa layuning gawing makabago ang sektor ng agrikultura upang makamit ang seguridad sa pagkain at mabawasan ang angkat na agrikultural.
“We can do this. But I need your help, I need your full cooperation for the DA to achieve its goals,” saad ni Kalihim Laurel.
Simula nang siya ay maupo bilang kalihim ng Agrikultura, bumisita na si Laurel sa mga tanggapan ng kagawaran sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pinasinayaan niya ang mga bagong patubig at pasilidad at kumonsulta sa mga lokal na opisyal, magsasaka, mangingisda at iba pang may kinalaman sa agrikultura upang alamin ang mga aksyon na kinakailangan at kumuha ng suporta upang magawa ang layunin ng Pangulo na magkaroon ng makabagong paraan ng pagbubukid at mas maalwang buhay para sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Laurel kailangan ng mas napapanahong istadistika, pagkatuto sa mga bagong teknolohiya at mekanisasyon ng pagbubukid.
“Very soon, we will have that program – possibly in the next 10 days – that we will cascade to everyone,” aniya.
Pinayuhan din niya ang mga kawani ng kagawaran na magtrabaho ng mabilis lalo na’t may El Niño at kakaunti na lamang ang natitirang taon ng panunungkulan ng Pangulo.
“Basically, a lot of things need to be done. We need to do this with a sense of urgency because there are only four years left in the administration of President Marcos. And we also have to change the perception of Filipinos, that we can produce more food for our country,” aniya.
Kung makakapag-ani ng mas marami, maaaring mapaliit ng Pilipinas ang agricultural trade deficit na noong 2022 ay umabot sa kabuuang $11.8 bilyon o P660 billion, apat na beses na mas malaki sa budget ng kagawaran para sa taong 2024, ayon sa pahayag ng kagawaran.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng kalihim na ang kagawaran ay layuning makapag-ani ng mas marami sa mas mababang halaga.
Matinding tagtuyot
Kabilang sa mga kinakaharap na sitwasyon ng Pilipinas ay ang pagbabawal ng ibang bansa gaya ng India na maglabas ng bigas at sibuyas, samantalang ang iba naman ay nag-iipon ng kanilang mga suplay na pagkain bilang paghahanda sa El Niño. Kung kaya, inaasahan na ang paghihigpit na ito sa supply ay magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nagbabala ang Department of Science and Technology na may 65 sa 81 lalawigan ng bansa ang maaapektuhan ng matinding tagtuyot sa Mayo dulot ng El Niño kung saan ang ulan ay mas mababa kaysa normal sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Makaaapekto sa produksyon ng pagkain ang mahabang tagtuyot lalo na sa mga pananim na kailangan ng maraming tubig gaya ng palay.
Kaugnay ng inaasahang tagtuyot, nagsimula na ang Kagawaran ng Agrikultura, isa sa mga kasapi ng El Niño Task Force na nilikha ni Pangulong Marcos upang malabanan ang masamang resulta ng matinding tagtuyot ng mga programa at proyekto gaya ng pagpapalakas sa irigasyon, paggamit ng alternatibong paraan ng pagtatanim ng palay na hindi masyadong kailangan ng tubig, at pagbibigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga magsasaka at mangingisda.
Refleeting Program ng NIA
Sa bisa ng Equipment Refleeting Program, namahagi ang National Irrigation Administration (NIA) ng P776 milyong halaga ng mga excavator sa irrigators’ associations (IA) sa bansa na pormal na ginanap sa isang turn-over rite sa Naval Supply Depot (NSD) Compound sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City.
Bilang korporasyon sa pangangalaga ng Kagawaran ng Agrikultura, bumili ang NIA ng 141 excavator units na kinabibilangan ng 102 mga yunit na pangkalahating kubikong excavator, 17 mga yunit na pang isang kubikong excavator, 17 mga yunit ng mga long arm excavator, at limang yunit ng mga amphibious excavator.
“Ang mga ito po ay gagamitin ng ating irrigators’ associations para sa desilting ng kanilang canals, para sa pag-repair ng kanilang irrigation, para po ito ay lalong makatulong sa pagpapaunlad ng ating food security,” ayon kay DA-NIA Acting Administrator Engr. Eduardo Eddie Guillen.
May kabuuang P2.59 bilyon ang naturang programa ng NIA na nahahati sa tatlong bahagi.
Ang susunod namang mga bibilhin ay nagkakahalaga ng mahigit P782 milyon na kinabibilangan ng 138 mga yunit ng excavator na may iba’t ibang modelo, 28 yunit ng dump truck, at 17 yunit ng mga truck-tractor na may trailer. Samantala, ang pangatlong pagbili naman ng mga heavy equipment ay may pondong mahigit P1.03 bilyon.
Layunin ng programang ito na dagdagan ang mga kagamitan ng bansa at mapalakas ang regular na operasyon at pagmimintina sa mga national irrigation system. Kasama rin sa layunin ng programang ito na mapabilis ang pagsasaayos o paggawa ng mga irrigation facilities na masisira ng mga natural na kalamidad.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang epektibong pagpapatubig ay maaaring makapagpataas ng produksyon ng mga sakahan ng 30 porsyento. Inaasahan na ang 141 yunit ng bagong excavator ay makakatulong sa 257 NIS at 10,144 communal irrigation, upang mapalago ang ani at kita ng mga magsasaka sa buong bansa.
“Rest assured that we will continue to explore all possibilities for the continuous distribution of water to ensure that our lands remain fertile and productive. Let us continue to unite and work together. Let us develop, modernize, and improve our agriculture sector so we can achieve a food-secure and prosperous future for all Filipinos,” sabi ng Pangulo.
Kaugnay pa rin ng modernisasyon, namahagi si Kalihim Laurel ng mga modernong farm equipment at makinarya na nagkakahalaga ng P73.3 million sa Ilocos Norte nitong nakaraang Disyembre 1.
Ito naman ay mula sa alokasyon para sa taong 2023 para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program na pakikinabangan ng 52 kooperatiba at samahan ng mga magsasaka at lokal na pamahalaan.
May kabuuang 78 yunit ng makinaryang pangsaka at ipinamahagi kabilang ang dalawang 4-wheel tractors at 30 hand tractors. Mayroon ding 12 yunit ng rice combine harvester at walk-behind and riding transplanters, seeders, recirculating dryers, at rice mills.
Bukod pa rito, nakatanggap din ang mga samahan ng coconut farmers ng shared processing facilities para sa makapaggawa sila ng virgin cocout oil at coconut flour. Nagkakahalaga ang pasilidad na ito ng P26.8M.
“Ramdam ko ang sigla at galak ng ating mga magsasaka sa araw na ito sapagkat dala ng Kagawaran ng Pagsasaka at ng DA-PHilMech ang mga biyaya mula sa RCEF Mechanization Program at Coconut Farmers and Industry Development Program (CFIDP)–Shared Processing Facilities,” sabi ni Laurel.
Simula nang maitaguyod ang RCEF, nakatanggap ang lalawigan ng kabuuang P532.5 milyong halaga ng makinarya mula sa DA at sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).
“Binabati ko ang PHilMech sa tuloy-tuloy nilang pagpapamahagi ng mga makinarya at pasilidad sa abot ng kanilang makakaya. Ito ay pagpapatunay ng tapat na paglilingkod sa ating mga magsasaka — ang ating mga kabalikat upang masiguro a ng pagkain ng bawat Pilipino sa mas makabagong mga pamamaraan,” ayon sa kalihim.
Binigyang-diin ni Laurel na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos, gagawin ng kagawaran na gawing makabago ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sundan ang susunod na bahagi