HINIHIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga paaralan sa bansa na pag-aralan ang mga best practices ng Baguio City at ng buong Cordillera Administrative Region (CAR) pagdating sa English proficiency ng mga mag-aaral.
Ayon sa 2023 English Proficiency Index ng international education company na EF Education First, nangunguna ang Baguio City sa mga English-speaking at -listening na mga lungsod sa bansa. Nakamit ng lungsod ang markang 619. Nakamit naman ng CAR, kung saan matatagpuan ang Baguio City, ang markang 616. Ang CAR din ang nangunguna sa mga English-speaking at -listening na mga rehiyon sa bansa.
“Binabati ko ang ating mga mag-aaral at mga guro sa Baguio at CAR dahil sa naging magandang performance nila sa nagdaang international assessments. Marami tayong pwedeng matutunan sa kanila upang iangat ang performance ng mga mag-aaral sa iba’t bang panig ng bansa pagdating sa English proficiency, pati na rin sa pagbabasa,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Kasama ng National Capital Region (NCR) at Region 4A, ang CAR ay isa sa mga may pinakamalaking porsyento ng mga mag-aaral na nakakuha ng minimum proficiency sa reading sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA). Lumalabas din sa resulta ng pinakahuling PISA na dalawa sa limang mag-aaral sa CAR ang nakapagkamit ng minimum proficiency sa pagbabasa.
Para kay Gatchalian, nagbibigay ang mga international assessments tulad ng 2023 English Proficiency Index at 2022 PISA ng mga oportunidad upang matutunan ang best practices sa mga top-performing na mga rehiyon. Dagdag pa ng senador, maaaring magbahagi ng kaalaman sa isa’t isa ang mga local government unit at mga region at division ng DepEd.
Magiging batayan naman ang datos ng PISA sa mga isusulong na reporma ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) at ng Senate Committee on Basic Education para iangat ang performance ng mga mag-aaral at sugpuin ang krisis sa edukasyon.