25 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 7, 2024

Ang mga halalang baka magpalapit ng digmaan

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa Dalawang Bahagi

NOONG Enero ng taong nagdaan, nagbabala si Heneral Mike Minihan ng United States Air Force na malamang magkagiyera ang Estados Unidos at China sa islang Taiwan sa loob ng dalawang taon.

“Sana mali ako,” sulat niya sa mga opisyal na pinamumunuan niya bilang komandante ng pandaigdigang paghahakot ng Hukbong Panghimpapawid ng Amerika. “Sa kutob ko, palaban sa 2025” (salin mula sa Ingles).

Dala ng mga halalan sa Taiwan, katatapos lamang noong Enero 13, at Amerika sa Nobyembre, wika ng heneral na kilala sa matitinding pananaw, malilihis ang pansin ng US. Sa gayon, maaaring pagkakataon ito upang kumilos ang China sa Taiwan, ang islang inaangkin nito ngunit may sariling gobyerno.

Malaon nang nagbabala ang China na sasakupin nito ang teritoryong may 25 milyong mamamayan kung humakbang ang Taiwan tungo sa independensiya, gaya ng tinangka noon ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao.


Tatlong ulit namang inihayag ni Pangulong Joseph Biden na ipagtatanggol ng US ang isla kung lumusob ang China, bagaman agad inulit ng kanyang administrasyon ang patakarang nasa batas ng Amerika: bibigyan ng US ang Taiwan ng kakayahang magtanggol sa sarili, ngunit hindi nangangakong lalaban ang Amerika.

O, tama ba si Hen. Minihan: Magdala kaya ng digma ang mga eleksiyon ng Taiwan at Amerika? Sagot: Hindi ngayon, pero puwedeng mauwi roon.

Walang putukan — sa ngayon

Awa ng Diyos, mukhang nagkasundo ang Amerika at China sa taunang pulong ng Asia Pacific Economic Cooperation sa San Francisco noong Nobyembre na iwasan ang giyera. Sinimulang muli nina Pangulong Biden at Xi Jinping ang komunikasyon sa pagitan ng mga hukbo nila upang maiwasan ang labanan.

- Advertisement -

Makatutulong din sa iwas-putukan ang pulong ng 30 bansang nasa Karagatang Pasipiko nitong Enero 16 hanggang 18 sa Nanjing, Silangang China. Binalangkas ng 70 opisyal ng mga hukbong-dagat ang mga patakaran sa mga di-inaasahang engkuwentro at iba pang sitwasyon sa dagat.

At nagkasundo kamakailan ang China at ang Association of Southeast Asian Nations (Asean) tapusin na ang “code of conduct” o alituntuning susundin ng mga bansang nasa palibot ng South China Sea (SCS) upang iwasan ang sagupaan.

Ngunit malamang hindi mababawasan, bagkus lalago ang girian, sagutan at mga insidenteng peligroso bagaman walang putukan. Sadyang hindi aatras ang Amerika, China, Hapon, Pilipinas, Taiwan at ibang puwersa sa mga posisyon at pag-aangkin nila.
Walang putukan pero tuloy ang salpukan.

China kontra Taiwan at Pilipinas

Kinamumuhian ng China ang bangong halal na pangulo ng Taiwan, gaya ng kasalukuyang pinuno nito. Mangyari, noong 2018 sinabi ni Presidenteng-halal Lai Ching-te, doktor na naging pulitiko, “nagtatrabaho ako para sa independensiya.”

Sabi niya ngayong mayroon siyang “mahalagang tungkuling itaguyod ang kapayapaan at katiwasayan,” at hangad niyang makipagpanayam sa China nang patas at marangal.
Bagaman nanalo siya sa halalan, 60 porsiyento ng mga botante ang pabor sa dalawang oposisyong partido na naghahangad ng magandang relasyon sa China at may hawak pa rin ng batasan.

- Advertisement -

At ibig ng higit na nakararaming taga-Taiwan magpatuloy ang kasalukuyang takbo nang walang biglang pagkilos tungo sa independensiya.

Subalit inaasahang gagawa ng agresibong kilos ang China, lalo na paglapit ng pagluluklok kay Lai sa Mayo. Ngayon pa lang, 27 eroplanong pandigma ng China ang lumibot sa Taiwan noong Enero 17.

Nag-alma rin ang China sa Pilipinas sa mga nagdaang araw dahil sa dalawang bagay. Una, inihayag ni Heneral Romeo Brawner ng Sandatahang Lakas ang balak magtayo ng mga gusali at iba pang estruktura sa mga islang okupado ng mga sundalong Pilipino sa karagatang inaangkin din ng China.

At higit pang nakagagalit sa China, binati si Presidenteng-halal Lai ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo. Kaiba ito sa pagbati maging ng US, Hapon at iba pang bansa na inihayag ng mga kagawaran ng ugnayang panlabas, hindi pinuno ng bayan.

Lumubha na ang girian at mga insidente sa pagitan ng China at Pilipinas sa nagdaang taon mula noong maudyukan ng Amerika si Pangulong Marcos ipagamit sa US ang siyam na baseng militar natin.

Di-kataka-takang magsilakbo ang China dahil hahayaan nating gamitin ang mga paliparan at daungan natin ng hukbong Amerikano laban sa China kung magkagiyera.
Nakatutulong din sa US ang kiskisan natin sa China. Lumalabas itong agresibo sa harap ng mundo. At mas mahalaga, sa takot nating mga Pilipino, papayag tayong gamitin ng Amerika ang mga base natin bagaman malaking panganib ng digma ang dala nito sa atin, gaya ng sabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ngayon, tama ba si Heneral Minihan tungkol sa banta ng giyera dahil sa halalan sa Taiwan at Amerika?

Mukhang mas mag-iinit ang China sa Taiwan at Pilipinas at maging ibang bansa rin. Subalit gaya ng nabanggit, iiwasan ang putukan dahil ayaw kapwa ng US at China ang digmaan.
Subalit hanggang kailan magpipigil ang dalawang superpower, lalo na’t lalago sa ating bansa ang mga puwersa ng Amerika?

Tingnan natin sa Enero 22 pagtalakay sa eleksiyon ng US — at ang posibleng epekto nito sa Asya at sa ating bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -