30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Kaso ng African Swine Fever sa Occidental Mindoro, kumpirmado

- Advertisement -
- Advertisement -

KINUMPIRMA ni Governor Eduardo Gadiano na may kaso na ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan ng Occidental Mindoro.

Ayon sa opisyal na pahayag ng gobernador, tatlong bayan sa lalawigan ang nagpositibo na sa ASF — San  Jose (Sitio Danlog at Sitio Balingaso sa Barangay (Brgy) Monteclaro), Rizal (Sitio Amaling, Brgy Manoot), at Sta. Cruz (Sitio Buboy, Brgy. San Vicente).

Ayon kay Gadiano, agad na kumilos ang kapitolyo sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office at nakipag-ugnayan sa mga tribal leaders ng Monteclaro, San Jose, mga opisyal ng mga apektadong barangay at bayan, mga samahan ng hog raisers sa lalawigan, at sa mga may-ari ng baboy ng mga apektadong lugar na kailangang i-depopulate.

Kaugnay nito, sinabi ni provincial veterinarian Dr. Kristofferson Gonzales na kailangang i-depopulate ang mga baboy na nasa loob ng 500-meter radius, alinsunod sa Administrative Order No. 22 series of 2020 ng Department of Agriculture.

Isa aniya itong kritikal na hakbang upang pigilan ang pagkalat pa ng ASF sa mga karatig-lugar.

Ayon naman kay San Jose municipal agriculturist Romel Calingasan, hindi naging madali na kumbinsihin ang mga katutubo sa Brgy. Monteclaro na isuko sa kanilang tanggapan ang kanilang mga alagang baboy. Kinailangan muna aniyang ipaliwanag na mahalaga ang culling o depopulation at alukin ng tulong ang mga ito kapalit ng kanilang mga alaga.

Umabot na sa 371 na mga baboy ang namatay sa ASF at 42 ang na-depopulate sa Sitio Danlog, Monteclaro. Habang 171 ang namatay na baboy at 20 ang na-depopulate sa Sitio Balingaso sa kaparehong barangay. Lahat ay pawang native pigs at karamihan ay alaga ng mga katutubo.

Samantala, kasama sa pahayag ng gobernador ay ilang mga tagubilin upang matugunan ang sitwasyong hatid ng ASF.

Kabilang dito ang pagbabawal sa pagbyahe ng mga buhay na baboy galing sa mga apektadong lugar, maagang pag-uulat sa barangay sakaling may mga baboy na nagkasakit o namatay, pagpapaigting ng biosecurity sa mga babuyan, at paglalagay ng checkpoints sa mga estratehikong lugar upang mas mabantayan ang mobilisasyon ng mga baboy sa mga apektadong lugar at ma-disinfect ang mga gulong ng dumadaang sasakyan.

Hinikayat din ni Gadiano ang pakikipagtulungan ng lahat ng sektor ng probinsya laban sa ASF. Maaaring i-report sa PVET hotline number na 0967 751 1657 ang anumang impormasyon na maaaring may kaugnayan sa ASF. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -