IPINAPANUKALA ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang isang batas na nag-uutos sa lahat ng local government units (LGUs) na maglaan ng bahagi ng kanilang national tax allotment upang gawing libre ang mga gamot para sa mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.

“Kadalasang libre ang konsultasyon at hospitalization sa mga pampublikong ospital, health care centers o clinics. Pero nawawalan naman ng saysay ang pagkunsulta nila sa mga doktor o pagpapagamot dahil sa kakapusan sa pambili ng mga inireseta sa kanila na mga gamot,” ani Estrada
Sa kanyang Senate Bill No. 1029, iminungkahi ni Estrada ang paglalaan ng mga LGU ng bahagi ng kanilang National Tax Allotments (NTA) para tustusan ang pamamahagi ng mga libreng gamot sa mga pampublikong ospital, klinika at iba pang establisyimento para sa mga mahihirap o indigent patients sa kanilang komunidad.
Sa ilalim ng Section 284 ng Republic Act No. 7160 o mas kilala bilang Local Government Code, may karapatan ang mga lokal na pamahalaan sa 40% sa pambansang buwis na kita o ang Internal Revenue Allotment (IRA), na ngayon ay tinatawag ng NTA. Ang NTA ng mga LGU ay mabilis na mapagkukunan ng pondo para sa libreng mga gamot para sa kapakinabangan ng indigent patients sa kanilang lokalidad.
Ayon sa mga pag-aaral, ang presyo ng mga gamot sa bansa ay mas mahal ng lima hanggang 30 porsiyento kumpara sa ibang bansa sa Asya kaya hindi madali para sa mga indigent patients na makabili ng mga kinakailangang gamot.
Para matiyak ang access sa libreng gamot ng indigent patients, nais ni Estrada na maglagay ng pharmacy o botika ang mga pampublikong ospital o klinika para sa pamamahagi ng mga ito.
Ang mga LGU, lokal na departamento ng social welfare, at mga opisyal ng barangay ay dapat magtukoy at magpanatili ng listahan ng mga indigent na pasyente para masiguro na ang mga libreng gamot ay wastong maipapamahagi sa mga nararapat na benepisyaryo, sabi niya.
Parusang dalawang hanggang pitong taon na pagkakakulong ang ipapataw laban sa mga magtatangka na gumawa ng listahan o mag-isyu ng sertipikasyon sa mga pekeng indigenteng pasyente, sabi ni Estrada.
Ang parehong parusa ay ipapataw laban sa mga sangkot sa mga irregularidad Ang parehong parusa ay ipapataw laban sa mga sangkot sa mga irregularidad sa pagbili at pamamahagi ng mga libreng gamot, dagdag pa niya.