PINANGUNAHAN ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Mimaropa ang pagdiriwang ng 34th Civil Registration Month na may temang, ‘Civil Registration Vital Statistics: The Future of Seamless Services’.
Ayon sa mensahe ni PSA regional director Leni Rioflorido, bukod sa civil registration services na ipinagkakaloob sa mga taga Oriental Mindoro ay binuksan na rin an nasabing serbisyo sa Puerto Princesa City sa Palawan, Odiongan sa Romblon at sa bayan ng Mamburao sa Occidental Mindoro.
Ibinahagi rin ni Rioflorido ang pagpaparehistro ng 707,690 mamamayan mula sa 908,339 na populasyon (ayon sa 2020 statistics) sa PhilSys at 631,148 dito ay natanggap na ang kanilang mga ePhilIDs.
Samantala, kasabay ng naturang aktibidad ay nagkaroon rin ng motorcade na umikot sa kalunsuran na sinundan ng pagbubukas sa publiko sa pamamagitan ng ribbon-cutting ang exhibit sa activity area ng Nuciti Mall.
Ang selebrasyon ng Civil Registration Month ay ginaganap tuwing buwan ng Pebrero ng bawat taon sa bisa ng Presidential Proclamation No. 682 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong ika-28 ng Enero 1991. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)