26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Eddie Garcia bill ipapasa na ng Senado – Jinggoy

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG panukalang batas na naglalayong magbigay ng proteksyon sa karapatan at tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon ay nakatakda ng ipasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo, ayon kay Senador Jinggoy Ejercito Estrada.

Si Senador Jinggoy Ejercito Estrada (gitna) ay masayang masaya sa pagkapasa ng Eddie Garcia Law sa second reading nitong Pebrero 12, 2024. Kasama ni Estrada ang mga kasama sa Senado at mga kilalang movie at TV personalities.

“Kahit na pumanaw na siya, patuloy na gumagawa ng kasaysayan si Eddie Garcia na itinuturing na pinakadakilang Pilipinong aktor. Ang kanyang pamana, na isusunod sa kanyang pangalan, ay tiyak na pakikinabangan ng kanyang mga kasamahan sa industriya,” sabi ni Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor at tagapagtaguyod ng Senate Bill No. 2505 o ang panukalang Eddie Garcia Law.

Pinangunahan ni Estrada noong Lunes ang pag-apruba sa ikalawang pagbasa ng panukalang batas na maggagarantiya sa mga manggagawa sa industriya ng oportunidad para sa magandang trabaho, disenteng kita, at proteksyon laban sa pang-aabuso, pinalawig na oras sa trabaho, harassment, mapanganib na kondisyon sa trabaho at economic exploitation.

Sinabi ng beteranong mambabatas na maituturing na landmark legislation ang panukala dahil kapag ito’y naisabatas na, ipatutupad nito ang mga kinakailangang reporma sa mahigit 400 establisyimento at maka-apekto sa libu-libong manggagawa.

“Unique at sinasabing ‘peculiar’ ang movie and TV industry dahil sa tinagal-tagal na panahon ay naging normal na sa kanila ang mag-trabaho ng mahabang oras. Minsan ay umaabot pa ng 36 oras o non-stop. Sa panukalang batas na ito, may itatakdang maximum na oras para sa kanilang pagta-trabaho para na rin mapangalagaan ang kanilang kapakanan,” sabi pa ni Estrada.

Bukod sa pagtatakda ng normal na walong oras o hanggang 14 oras o kabuuang 60 oras sa isang linggo, kasama rin sa panukalang batas ang mga probisyon para sa benepisyo sa kalusugan at insurance mula sa mga insidente sa trabaho o pagkamatay para masiguro ang kanilang kapakanan sa trabaho.

“Hindi natin dapat payagan ang ‘karoshi,’ isang salitang Hapon na patungkol sa pagkamatay dahil sa labis na pagtatrabaho, na magpatuloy sa ating industriya ng pelikula at telebisyon. Hindi tayo puwedeng magpatuloy sa ganitong kalakaran,” dagdag pa ni Estrada.

Kumpiyansa si Estrada na maipapasa ang SBN 2505 sa ikatlong pagbasa dahil na rin sa ipinakitang suporta ng kanyang mga kasamahan sa Senado. Naaprubahan na ng House of Representatives noong nakaraang taon ang panukala nitong bersyon.

“Personal ko na layunin na tulungan ang ating mga kasama sa industriya ng pelikula, telebisyon at radyo. Kasama dito ang pagsisiguro ng kanilang kalusugan at kaligtasan upang maiwasan ang sakuna, sakit, o kamatayan dahil sa paggampan sa kanilang trabaho. Ang hindi napapanahong pagkamatay ng isang haligi ng industriya na si Ginoong Eddie Garcia noong 2019 ay maaari sana at dapat na maiwasan,” ani Estrada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -