26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

PBBM pinasalamatan ng Puerto Princesa city council sa 4PH

- Advertisement -
- Advertisement -

PINASALAMATAN ng sangguniang panglungsod ng Puerto Princesa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili ng lungsod bilang benepisyaryo ng Pabahay para sa Pilipino Housing Program o 4PH.

Ang groundbreaking ceremony and time capsule laying ng Pabahay para sa Pilipino Housing Program (4PH) noong Pebrero 16, 2024. (Larawan mula sa City Mayor’s Office-Puerto Princesa)

Ang pasasalamat sa Pangulo ay idinaan ng sangguniang panlungsod sa pamamagitan ng isang resolusyon na kanilang ipinasa sa regular na sesyon noong Pebrero 19. Ito ay ang Resolution No. 1061-2024 o “A resolution expressing our deepest and sincerest gratitude to the President of the Republic of the Philippines, His Excellency Ferdinand R. Marcos, Jr. for selecting the City of Puerto Princesa as beneficiary of Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program.”

Isinagawa ang groundbreaking ceremony and time capsule laying ng nasabing proyekto na tinaguriang ‘Tandikan Ville’ noong Pebrero 16.

Itatayo ang 4PH sa 22 ektaryang lupain sa Barangay Irawan na kapapalooban ng 47 residential buildings na mayroong limang palapag at 120 units ang bawat isa.

May kabuuan itong 5,640 units na mapapakinabangan ng mga informal settlers sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ang seremonya ay pinangunahan nina Mayor Lucilo Bayron, Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Mimaropa Public Housing and Settlements Division officer-in-charge Louis Frederick Alconsel, Social Housing Finance Corporation (SHFC) President Federico Laxa, at Pag-IBIG Palawan branch head Emely Platero.

Paliwanag ni Alconsel, ang 4PH program ay isa sa mga pangunahing programa ni Pangulong Marcos na naglalayong magbigay ng abot-kayang pabahay sa mga mamamayan. Inaasahan din nito na mas marami pang programang pabahay ang maisasakatuparan sa syudad.

Ayon naman kay Laxa, sa loob ng anim hanggang walong buwan ay makikita na ang mga itatayong gusali at kapag natapos ay agad na malilipatan ito ng maraming pamilya.

Sinabi naman ni Bayron na layunin ng programa ang protektahan ang kalikasan at bigyan ang mga tao ng komportableng tirahan at uunahin dito ang pag-relocate ng nasa 5,200 pamilya na naninirahan sa coastal areas.

Ang unang makikinabang aniya sa proyektong ito ay ang mga residente ng Barangay Bagong Silang, Barangay Pagkakaisa, Barangay Matahimik, Barangay Mandaragat, at ilang iba pang coastal barangays sa Puerto Princesa. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -