30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Cayetano, binatikos ang ‘balanced approach’ ng gobyerno sa paghihigpit ng industriya ng tabako

- Advertisement -
- Advertisement -

BINATIKOS ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules, Pebrero 21, ang pagtulak ng bansa para sa isang ‘balanced approach’ sa industriya ng tabako, kung ang katotohanan naman ay maliit lang ang kinikita ng mga Pilipinong magsasaka kumpara sa nakukuha ng mga tabakong kapitalista.

Ipinahayag ito ng independent senator sa pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee sa ‘Dirty Ashtray’ award noong Pebrero 21, 2024. Ito ang unang pagdinig na pinangunahan ng kanyang kapatid na si Senator Pia Cayetano, bilang committee chairman at unang babaeng humawak sa posisyon.

Ang award na ‘Dirty Ashtray’ ay inilarawan bilang isang “pampublikong kahihiyan na tumatawag sa mga bansang naiimpluwensyahan ng lobbying mula sa industriya ng tabako.”

Natanggap ito ng Pilipinas sa katatapos na Ikasampung sesyon ng Conference of Parties (COP10) sa World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC) na ginanap sa Panama City mula Pebrero 5-10.

“Let’s not say we are protecting the tobacco farmers here,” wika ni Cayetano habang itinuturo ang pagiging tagilid ng ‘balanced approach’ ng bansa.

“Only P1 billion goes to the farmers but P159 billion goes to the tobacco capitalists. Kulang pa nga iyan kasi iyan lang y’ung net income nila,” dagdag pa niya.

Ipinunto ni Cayetano na gumagastos ang bansa ng P300 billion kada taon para sa mga health-related effort habang ang tobacco industry ay kumikita ng P160 billion kada taon.

“This means we are spending P140 billion over what the industry is making,” aniya.

Nakuha ni Cayetano ang kalkulasyong ito matapos siyang humingi ng datos kay National Tobacco Administration (NTA) Chief Belinda Sanchez kung magkano ang kinikita ng mga magsasaka at ng industriya ng tabako taun-taon.

Hiniling din niya kay Department of Health (DoH) Undersecretary Lilibeth David ang statistics kung magkano ang ginagastos ng bansa upang masugpo ang mga sakit na may kinalaman sa paninigarilyo.

Ayon kay Sanchez, hindi bababa sa 20,000 pamilya sa bansa ang umaasa sa pagsasaka ng tabako bilang kabuhayan. Sinabi rin niya na ang kanilang average na kita ay nasa P50,000 bawat taon, habang ang industriya ng tabako ay kumikita ng P160 bilyon taun-taon.

Samantala, sinabi ni David na gumagastos ang bansa ng 4.8 porsiyento ng Gross Domestic Product para tugunan ang problema sa Non-Communicable Diseases (NCDs).

“The problem for me is we present ourselves as anti-tobacco, but we are pro-tobacco,” giit ni Cayetano. “Very glaring y’ung math. Why don’t we have a plan?”

Hinimok niya ang gobyerno na magbago ng patakaran upang suportahan ang mga magsasakang kabuhay ay nasa pag-ani ng tabako.

“We can help the farmers to plant something else. Marami pong technology [na available] ang Thailand, Vietnam, Israel. We have the money to support the farmers, ” sabi ng senador.

Dagdag pa niya na aabutin lamang sa P2.4 bilyon kada taon ang gastos ng gobyerno kung bibigyan ang mga magsasaka ng P10,000 ayuda kada buwan.

Binigyang-diin din ni Cayetano ang pangangailangang higpitan ang industriya ng tabako, na kinabibilangan ng vape at e-cigarette products, dahil daan-daang Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa paninigarilyo.

“This is a sensitive issue because every single day, 321 Filipinos die habang hindi natin sinosolve ito,” paliwanag niya.

Aniya, maaaring malutas ang problema sa tabako sa loob ng 10 taon kung talagang aaksyunan ito ng gobyerno. “But every single day we delay, ganito karami ang namamatay. At ito lamang ang stats na tobacco-related,” aniya.

“Unless we have a program for the tobacco farmers to get richer, to shift and unless we block the tobacco lobby, many people will die because of tobacco related disease,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -