27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Huwag kaligtaan ng China: Hati ang Pilipinas  

- Advertisement -
- Advertisement -

PATINDI nang patindi ang panggigipit ng China Coast Guard (CCG) sa mga resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Sa pinakahuling pangyayari, dahil sa walang humpay na panganganyon ng tubig ng dalawang barko ng CCG, halos magkalasug-lasog na ang barkong de-kahoy na inupahan ng PCG upang maghatid ng mga probisyon sa Sierra Madre. Kinailangan ng PCG na ilipat sa isang lifeboat ang mga probisyon upang maihatid sa Sierra Madre sa wakas.

Sa nakaraan, lagi nang napangangatwiranan ng kolum na ito na ang ganung gawi ng CCG ay normal na pagpapatupad ng China sa mga batas nitong pangkaragatan. Subalit sa pinakahuling insidente, normal pa bang masasabi ang malubhang kasiraan sa barko ng Pilipinas at sa kapansanang dulot sa mga tripulante nito? Papaano kung sa ngalan ng makatarungang pagtatanggol sa sarili ay gumanti ang barko ng Pilipinas ng ganun ding pambobomba, usapin pa rin ba iyun ng pagpapatupad ng China sa kanyang mga batas?

Saan anggulo mo man tingnan ang karahasang naganap, lilitaw at lilitaw pa rin ang tatak bansa kapwa ng mga gumawa ng karahasan at ng mga biktima ng karahasan – Chino at Pilipino. At ang pambansang katangian na ito ng away Chino-Pilipino ang nag-iisang dahilan kung bakit palakas nang palakas ang pag-aalala ng kapwa panig sa pagsabog ng giyera sa kanilang pagitan.

Sa panig ng pamunuan ng Pilipinas, naging kapuna-puna ang malakas na pagpipigil na magpadala sa simbuyo ng damdamin at ituon ang atensyon sa mga mapayapang daan ng paglutas sa tensyon. Damdam ito sa mga pahayag mula sa kataas-taasan ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tungo pababa kina Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro ng Tanggulang Pambansa at Tagapagsalita Jay Tariella ng Philippine Coast Guard (PCG).Magandang pahiwatig ito na sa panig ng Pilipinas, ang panganib ng giyera ay maaari pang ikambyo nang paatras.

Ang init ng China ang walang hupa. At kaunaunawa ito dahil sa walang humpay na pag-alinsunod ng Pilipinas sa maya’t-mayang ehersisyong pandigma ng Amerika at mga kaalyado nito kabilang na ang Pilipinas sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.


Mangyari pa, naroroon na ang apat na karagdagang base militar sa ilalim ng Enhanched Defense Cooperation Agreement (EDCA) na kaloob ni Bongbong sa Amerika sa simula ng kanyang termino. Kitang-kita na ang apat (tatlo sa Cagayan at Isabela, at isa sa Palawan) ay direkta nang nakaumang sa Mainland China at sa mga abanteng base militar nito sa South China Sea.

Sa paimbabaw, ang mga base militar na EDCA at ang mga ehersisyong militar ng Amerika ay mga pag-amin sa paghahanda nito para sa pagtatanggol sa Taiwan sa pinangambahang pagsakop dito ng Mainland China. Subalit ang bagay na ito ay nagangailangan ng masinop na pagsusuri. Bakit kailangan pang sakupin ng China ang Taiwan gayong kinikilala na ng komunidad internasyonal na ang Taiwan ay bahagi lamang ng China. Maging ang United Nations ay matatag na naninindigan sa One China Policy.

Hindi ang pagtatanggol sa Taiwan ang pinaghahandaan ng Amerika. Ang pinaghahandaan ng Amerika ay isang digmaan laban sa China kahalintulad ng laban sa Russia gamit ang Ukraine bilang proxy o ng laban sa mundong Arabo gamit ang deka-dekadang alitan ng Israeli-Palestina bilang mitsa.

Natukoy na sa isang nakaraang kolum na ang mga paghahanda ng Amerika sa mga digmaang nabanggit ay nagsimula noon pang 2014, na siya ring taon kung kailan nilagdaan ni namayapang Pangulo Benigno Aquino 3rd ang EDCA – na siya namang lumilitaw ngayon na namumukod na mitsa ng giyerang plano ng Estados Unidos laban sa China.

- Advertisement -

Napakalinaw ng babala ng China sa Pilipinas: huwag kang maging tuta ng Amerika. Dito maliwanag na ikinakawing ng China ang tagumpay ng planong giyera ng Amerika laban sa kanya sa pagpapagamit ng Pilipinas sa sarili bilang proxy. Sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, kapag ang Pilipinas ay inatake ng alinmang bansa, ang Amerika ay obligadong agad na gumanti na para bang siya ang talagang inatake. Kaya ganun na lang ang pagpapainit na ginagawa ng Amerika sa tensyon sa South China Sea. Ang mga gawi ng CCG na ordinaryong mga hakbang ng pagpapatupad ng batas pangkaragatan ng China ay sadyang ipinagkakamali ng Amerika bilang mga pag-atake na sa Pilipinas na humihingi ng karampatang ganting-atake sa ilalim ng MDT. Matatandaan na sa unang pagsambulat sa media ng laser beaming na ginawa ng CCG sa PCG, ang antimanong reaksyon ni US State Secretary Antony Blinken ay ang panawagan na ipatupad ang MDT. Kapalaran ng bansa na maituturing na pagtitimpi ang mas pinahalagahan ni Pangulo Marcos Jr..

Sa isang panayam sa media ipinahayag niya, “Kung ako lang ang masusunod, talagang maaaring pasukin na ang gulo. Subalit sa gulo, sangkot ang bansa. Huwag tayong patangay sa init ng ulo. Kailangang daanin ang bagay na ito sa ibabaw ng mesa.”

Negosasyon, dayalogo, kooperasyon, sama-samang asenso.

Ito ang buod ng talumpati ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa 9th Manila Forum noong Agosto 22, 2023.

“Walang kapalit ang dayalogo sa hidwaan sa South China Sea,” pahayag ni Ambassador Huang.

Ang ibig sabihin, pag sa unang usap ay di magkasundo, usap pa uli, usap lang nang usap hanggang magkasundo.

- Advertisement -

Kung bakit, pagkaraan lamang ng wala pang isang taon ng nasabing pahayag, tila iba na ang ihip ng hangin mula China. Ang dating walang pisikal na dahas sa pagpapatupad ng batas ay nauwi na sa pisikal na banggaan na kulang na lang ng aktwal na alingawngaw ng bala upang ang banggaan ay magkatotoo na bilang giyera. Dito na napapanahon ang paalaala sa China: malaking pagkakamali ang isipin na ang Pilipinas ay buo at iisa.

Hindi, ang Pilipinas ay hindi buo bagkus ay isang lipunan na nahahati sa dalawang nagtutunggaliang uri, ang naghaharing uri at ang uring pinaghaharian. Sa istriktong ekonomikong pagsasaalang-alang, ang isang porsiyentong nagmamay-ari sa yaman ng lipunan at samakatuwid may kontrol sa siyento porsiyento ng kapangyarihang pulitikal, sa isang banda, at ang noventa y nueve porsiyento ng mga dahop na uring gumagawa, sa kabilang banda, na kumikita lamang ng sapat upang patuloy na makapaghanapbuhay sa isang araw lamang, araw kete araw ng pagtrabaho hanggang pawian ng buhay.

(Itutuloy sa Miyerkules)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -