NOONG 2003 itinatag ang Asean Economic Community (AEC) na naglalayong makalikha ng isang bilihan at himpilan ng produksyon sa rehiyon, maisulong ang mapagpantay na pag-unlad ekonomiko at mahigpit na makianib sa pandaigdigang ekonomiya. Ipinatutupad ang mga layuning ito sa pamamagitan ng malayang daloy ng mga produkto, serbisyo, manggagagawa at pondo sa pagitan ng mga bansa sa Asean. Sa pagbuo ng AEC may ilang ekonomista sa Pilipinas at ilang bansa sa rehiyon na nagpanukala na hangarin ng AEC ang paglikha ng isang salaping pangrehiyon tulad nang nangyari sa Unyong Europeo o European Union (EU) na lalong pinatigkad ang integrasyon ng mga ekonomiya sa paglikha at paggamit ng isang salapi, na tinawag nilang euro, sa buong rehiyon simula noong Enero 1, 1999.
Dahil sa desisyong ito ng mga bansang miyembro ng EU na lumikha ng salaping euro at maging miyembro ng euro zone naging magaan ang kalakalan dahil isang salapi na lamang ginagamit nila sa halip na pagpapalitan ng maraming local na salapi. Dahil din dito, madaling makikita ng mga mamamayan kung saang bansa mura ang alak, pagkain, karne, at iba pang produkto at serbisyo. Sa mga negosyante, madali din nilang malaman kung saang bansa nila itatayo ang kanilang pabrika at opisina dahil ang pasweldo, presyo ng elektrisidad at renta ay nakaulat sa euro.
Sa paglikha ng euro, para na ring ipinatupad ng 20 ekonomiya sa euro zone ang paggamit ng sistema ng takdang palitan ng salapi (fixed exchange rate regime). May tatlong pangunahing benepisyo ang takdang palitan ng salapi. Una, kasiguruhan sa halaga ng kinakalakal sa pagitan ng mga bansa sa euro zone. Hindi tulad nang dati, maaaring magbago ito dahil sa pagbabago ng palitan ng salapi. Ikalawa, dahil hindi nagbabago ang halaga ng salapi humihina ang espekulasyong magbago ito. At higit sa lahat may disiplina sa mga bansa na maging mahinahon sa pagpapatupad ng patakarang fiscal dahil ang labis na gugulin ay maaaring mauwi sa paglobo ng Balance of Payments (BOP) deficit. Ang BOP deficit ay mahirap tanggalin dahil hindi pwedeng baguhin ang palitan ng salapi.
Suriin natin kung makabubuti ba sa AEC na lumikha ng isang salapi para sa rehiyon. Sa larangan ng lawak ng kalakalan sa rehiyon, sa euro zone halos 62 porsiyento na ito samantalang nasa 23 porsiyento pa lamang sa Asean. Hindi angkop ang isang salaping rehiyonal kung malaking bahagi ng kalakalan ng Asean ay nasa labas ng AEC dahil mas kailangan nila ng US dolyar. Angkop lamang sa euro zone ang paggamit ng euro dahil maliit lamang ang kalakalan nila sa labas ng euro zone.
Sa uri ng mga produktong kinakalakal. Sa euro zone ang kinakalakal ay mga pinagbagong produktong kompetitibo na malawak ang kalakalan dahil hindi lamang nakabatay ito sa presyo ng kalakal ngunit sa panlasa ng mga mamimili. Samantala, sa AEC karamihan ng mga kikakalal sa pagitan ng mga miyembrong bansa ay produktong komplementaryo kung saan makitid lamang ang kalakalan. Dahil dito, hindi makatwirang lumikha ang AEC ang isang salaping rehiyonal.
Sa larangan ng antas ng kaunlaran, sa euro zone ang kita bawat tao ng mga bansa ay halos magkakapareho na nagpapahiwatig na parehong panlasa samantalang sa AEC magkakalayo ang agwat ng kita ng mga bansa. Matataas ang kita bawat tao sa Singapore, Brunei at Malaysia na malayong malayo sa kita bawat tao sa Lao PDR, Myanmar at Cambodia. Sa ganitong sitwasyon dahil malawak ang agwat ng kita, malawak din ang agwat ng kanilang panlasa na nagpapahiwatig ng makitid na kalakalan.
Ngunit ang pinakamatinding dahilan kung bakit hindi angkop ang isang rehiyonal na salapi sa Asean ay ang panganib na magkaroon ng krisis bunga ng nangyari sa euro zone noong 2009. Ito ay natutungkol sa paglabag sa disiplina sa patakarang fiscal.
Ang krisis ay nagsimula sa napakalaking utang ng ilang bansa tulad ng Greece. Ang layunin ng pangungutang ay tustusan ang malawak na fiscal deficit ng pamahalaan ng Greece. Ang pangungutang ay isinigawa sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga bond sa mga bangko sa loob at labas ng Greece. Nang bumagal ang takbo ng ekonomiya ng Greece, nangamba ang mga humahawak ng mga bond na inusyu ng pamahalaan na baka hindi mabayaran ng pamahalaan ang pagkakautang nito. Dahil dito bumagsak ang presyo ng mga bond at nanganib ang lagay ng mga bangko dahil marami silang hinahawakang bond na mababa na ang halaga. Nanganib din ang halaga ng euro dahil ang mga bond ay nakapresyo at may balik sa euro. Dahil hindi maaaring baguhin ang halaga ng euro, napilitan ang Greece na isagawa ang isang programa sa pagbabagong estruktural upang makuha ng bagong pautang mula sa IMF, European Central Bank (ECB) at mga bansa sa European Union.
Ang diskusyon sa itaas ay aral sa mga nagbabalak na ipatupad ang integrasyong pananalapi sa AEC dahil maaaring mauwi ito sa krisis kung walang integrasyong fiscal at kung mahina ang disiplinang fiscal. Mahirap isagawa ang disiplinang fiscal dahil sa masamang epekto nito sa paglaki ng isang ekonomiya. Ngunit higit na mahirap ipatupad ang isang integrasyon fiscal. Anong malalayang bansa na may kasarinlan ang isusuko ng kanilang pamahalaan ang kapangyarihan nilang hubugin ang patakarang ekonomiko na magpapalawak sa kanilang ekonomiya?