30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Mapanganib ang plano ng US para sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

SA Miyerkules, Abril 11, pupulungin ni Pangulong Joseph Biden sa White House, tirahan at tanggapan ng pinuno ng Estados Unidos (US), sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Punong Ministro ng Hapon Fukio Kishida.

Babalangkasin nila ang tinaguriang “trilateral structure” para sa seguridad ng rehiyong Indo-Pasipiko, sumasaklaw sa Asya at mga karatig-dagat ng Pasipiko, South China Sea at Indian Ocean.

Kasama roon ang sabayang patrolya sa West Philippine Sea, ang karagatan sa kanlurang saklaw ng ating exclusive economic zone, kung saan Pilipinas ang tanging may karapatang makinabang sa yamang-dagat, sa ilalim ng kasunduang United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos).

Hangad din ni Pangulong Biden pagtibayin ang alyansiya ng Amerika at Pilipinas, at pag-iibayuhin din sa pulong ng tatlong pinuno ang ugnayang kalakal at ekonomiya upang susugan ang pag-unlad natin.

Ang ganda, ano? Ano naman kaya ang kapalit?

Sa totoo lang, matagal na nating kailangan ang ayuda ng Amerika, Hapon, Australia at iba pang kaalyadong bansa, lalo na noong agawin ng China ang Mischief Reef noong 1995 at Bajo de Masinloc noong 2012.

At hindi ngayon lamang ang mga problema sa ekonomiya, enerhiya, kalusugan, teknolohiya at iba pang sektor na pinagtutulungan ng US at iba pang bayang kaanib. May kailangan ba sa atin kaya sabay-sabay sila ngayong tumutulong? Iyon na nga.

Ang nais sa atin ng Amerika

Noong pang Marso ng taong nagdaan, ibinunyag na ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang pakay ng Amerika.

Isang buwan matapos payagan ni Pangulong Marcos noong Pebrero 2023 gamitin ng US ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), sinabi ni Duterte kay Pastor Apollo Quiboloy na magiging “mga platapormang pandigma” ng US ang mga kampong iyon.

Hindi siya pinansin ng mga pulitiko at media, dahil sa kampanya ng Amerikano at mga kakampi nito ikubli ang panganib ng mga baseng EDCA. Pati YouTube inalis ang estasyon ni Quiboloy at lahat ng video nito, kabilang ang panayam kay Duterte.

Kaya hindi narinig ng sambayanang Pilipino ang babala ng dating pangulo na magiging “mga target ng missile ng China pagsiklab ng giyera sa pagitan ng China at US” ang ang mga sumusunod na kampong AFP na ipagagamit sa Amerika:

Lal-lo Airport Camilo Osias Naval Base sa Cagayan; Camp Melchor de la Cruz sa Isabela; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Cesar Basa Air Base sa Pampanga; Antonio Bautista Air Base, malapit sa Puerto Princesa; Balabac Island sa Timog Palawan; Benito Ebuen Air Base, malapit sa Cebu City; at Lumbia Air Base sa labas ng Cagayan de Oro City (https://tinyurl.com/bdefa49j).

Isang buwan matapos buksan ni Marcos ang mga baseng EDCA, nagpaliwanag ng estratehiya ng Amerika si Heneral Kenneth Wilsbach ng US Air Force, komandante ng lahat ng eroplano at helikopter pandigma ng America sa rehiyong Indo-Pacific mula Hawaii hanggang India.

Sa ilalim ng estratehiyang Agile Combat Employment (ACE), wika ni Hen. Wilsbach, “ikakalat sa maraming, maraming isla ang mga eroplanong pandigma [upang] maging lalong mahirap ang pagtarget sa kanila — kailangang gumamit ng mas maraming pasabog.” Kaya, kung masusunod ang US, dadami pa ang baseng EDCA sa Pilipinas.

Isa pang balak ng Amerika ang maglagay ng mga raket na makaaatake hindi lamang sa mga barkong China, kundi sa buong bansa. Ayon sa Center for Strategic and International Studies (CSIS), ekspertong mananaliksik ng Amerika, ibig ng Indo-Pacific Command ng US maglagay ng mga missile sa mga islang palibot sa China, mula Hapon hanggang Timog-Silangang Asya.

“Subalit ang Pilipinas lamang ang bansa sa Timog-Silangang Asya na maaaring tumanggap ng mga pangkat ng raket,” sabi ng CSIS. “Kaya kailangan sa mga planong ito na … ipatupad ang EDCA.”

At hindi lamang mga barkong China ang ibig targetin ng US, kundi ang buong China. Noong 2020, inatasan ng US Air Force ang ekspertong RAND Corp. alamin kung papayag ang mga bansang kaalyado ng Amerika sa ating rehiyon magpuwesto ang US ng mga missile na makaaabot nang 500 hanggang 5,000 kilometro.

Walang papayag, ulat ng RAND, maging ang Hapon, Australia at Timog Korea. At hindi rin ang Pilipinas sa ilalim ni Duterte. Pero si Marcos na ngayon ang pangulo natin, at ipinatupad niya ang EDCAng pinigil ni Duterte.

Sa ngayon, iiwas sa giyera ang Amerika habang hindi pa naipupuwesto rito ang mga base at raket. Subalit sa paglago ng puwersang US, maiisip ng China kumilos bago umabot sa puntong magagapi ito ng mga armas sa palibot, lalo na sa Pilipinas.

 

Kung magkagayon, hindi malayong kumilos ang China gaya ng Rusya sa bantang pagpasok ang alyansiyang US sa Ukraina. At gaya rin ng Amerika nang magtangkang maglagay ng missile atomika sa islang Cuba noong 1962.

Ito ang panganib ng EDCA: wawaldasin tayo ng China upang hindi magamit sa giyerang Taiwan. At hindi matutumbasan ng lahat ng ayuda at negosyo ng US at ibang bansang kaanib ang kamatayan at pinsalang dala ng EDCA.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -