BILANG Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, patuloy na nakamonitor at nakikipag-ugnayan si Sen. Idol Raffy Tulfo sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) para masigurong makakauwi ng ligtas sa bansa ang apat na Pilipinong tripulante na lulan ng Portuguese vessel MSC Aries na hinarang ng Iranian forces sa Strait of Hormuz noong Abril 13. Kinumpirma ng DFA na nasa ligtas at maayos na silang kalagayan.
Ayon sa DFA, siniguro ni Iranian Ambassador to the Philippines Yousef Esmaeil Zadeh na tuluyan nang makakalaya sa pagkakabihag at makakabalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon ang apat na marino na naipit sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
“Sa kasalukuyan ay in close contact na ang DFA at DMW sa pamilya ng mga marino at sa manning agency. Ayon sa DMW, inaasahang magsusumite agad ang manning agency na MSC Crewing Services Philippines, Inc. na nag-recruit sa mga marino ng Official Report sa nangyari. Bilang SOP kasi para sa mga ganitong insidente, responsibilidad ng manning agency alinsunod sa batas na magsumite ng opisyal na ulat sa loob ng 5 araw ukol sa pangyayari,” saad ni Tulfo.
Sinabi naman ni DMW OIC Usec. Hans Leo Cacdac na itutulak nila sa International Bargaining Forum (IBF) na dapat nang i-classify bilang isang “high-risk area” ang Straight of Hormuz na nasa mga katubigan ng Iran at Oman na siyang mag-oobliga sa bawat barkong dadaan doon ng mas istriktong pag-uulat at pagmo-monitor. Ito ay para mabigyan ng karagdagang proteksyon ang lahat ng barko at marinong dadaan.
Ang IBF ay ang global forum ng mga International Transport Workers Federation at international maritime employers na nagsusulong sa mga itatakdang polisiya para sa pandaigdigang kaligtasan at kapakanan ng mga seafarers.
Magpapaabot din ng personal na tulong pinansiyal si Sen. Tulfo sa mga tripulante at mga pamilya nila.
Sa kabilang banda, binigyang diin ni Sen. Idol na ang pangyayaring katulad nito ay patunay na kailangan nang maisabatas sa lalong madaling panahon ang Magna Carta of Filipino Seafarers na “magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga marinong Pinoy, tulad ng karapatan sa ligtas na paglalayag sa mga high-risk areas, agarang tulong sa panahon ng trahedya dulot ng terorismo at karapatan ng kanilang pamilya na mabigyan ng wasto at napapanahong impormasyon tungkol sa kanilang estado, lalo na pag sila’y nalalagay sa alanganing sitwasyon.”