26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Mas maayos na pagbabayad ng buwis tinitiyak ng Revenue Regulations para sa EOPT – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang bagong labas na revenue regulations (RR) na nagpapatupad ng Ease of Paying Taxes Act ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pagkamit ng tuluy-tuloy na transaksyon sa pagbubuwis at mas maayos na koleksyon.

“Magandang balita ito para sa lahat ng taxpayers na nangangarap ng mas simple at madaling paraan ng pagbabayad ng buwis. Lubos akong naniniwala na sa ganap na pagpapatupad ng batas na ito, hindi lamang natin titiyakin ang mas madaling pagbabayad ng buwis kundi patitibayin din ang ating pangakong mas mahusay na pagkolekta ng kita ng gobyerno,” sabi ni Gatchalian, ang punong may-akda ng batas.

Saklaw ng revenue regulations ang mga bagong klasipikasyon ng taxpayers, pinadaling proseso ng paghahain ng tax returns at payments, at mas mababang rate para sa mga tinaguriang small and micro taxpayers, bukod sa iba pa.

Halimbawa, pinamamahalaan ng RR No. 4-2024 ang paghahain ng tax returns at tax payments na nagpapahintulot sa mga electronic at manual na transaksyon.  Tinatanggal din nito ang parusang sibil para sa mga tax return na isinumite sa maling lugar.  Saklaw din nito ang exemption ng mga overseas contract worker sa pagfafile ng income tax return kung kumikita lamang sila sa ibang bansa at wala silang kita sa Pilipinas.

Ang RR No. 6-2024 naman ay nagpapataw ng pinababang rate ng interes at penalties para sa micro at small taxpayers o ‘yung maliliit na taxpayers, habang ang RR No. 8-2024 ay nagtatalaga ng klasipikasyon ng taxpayers base sa kanilang gross sales. Ilan lamang ito sa mga revenue regulations na inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagpapatupad ng batas na EOPT.

“Gusto natin na maging mas madali para sa lahat ng taxpayers ang pagbabayad ng kanilang obligasyon sa gobyerno.  Kung magagawa natin ito sa pamamagitan ng EOPT law, mas marami sa kanila ang magpaparehistro at mas lalaki ang kita ng gobyerno na kailangan natin para tustusan ang mga programa na magpapalakas sa ating ekonomiya,” pagtatapos niya.

Larawan kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -