27.4 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

Mas maigting na pakikilahok ng mga LGU sa edukasyon isinusulong ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING isinulong ni Senador Win Gatchalian na paigtingin ang pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon at upang maipatupad ang panukalang decentralization sa education governance.

Nakasaad ang mungkahi ni Gatchalian sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155), kung saan imamandato sa mga local school boards ang pagdisenyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Susukatin ang tagumpay ng mga programang ito sa participation rate ng mga mag-aaral, sa bilang ng mga dropout at out-of-school youth, at marka sa mga national test at iba pang assessment tools. Layon din ng naturang panukala na palawakin ang local school board upang makalahok ang iba pang mga education stakeholders.

Kasunod ng pagdalaw ng Second Congressional Commission (EDCOM II) on Education sa Vietnam, ibinahagi ni Gatchalian ang halimbawa ng naturang bansa pagdating sa pamamalakad ng sektor ng edukasyon. Bagama’t ang kanilang Ministry of Education and Training (MOET) ang nagpapasya ng mga polisiya para sa buong bansa, ang People’s Committee sa mga probinsya ang may pananagutan para sa mga resulta. Ang mga naturang komite rin ang nagbabantay sa kalidad at nagpapatupad ng mga programa sa edukasyon.

“Ang local school board ay isa nang magandang mekanismo upang magpatupad ng devolution sa mga lokal na pamahalaan dahil bahagi nito ang alkalde at superintendent. Ngunit iminumungkahi rin natin na palawakin ang responsibilidad ng mga local school board at tiyaking may pananagutan sila. Ang aking panukala ay isang paraan upang ibaba sa lokal na lebel ang edukasyon gamit ang mga mekanismong meron na tayo,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Iminumungkahi rin ni Gatchalian na palawakin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) na nagmumula sa dagdag na isang porsyentong buwis sa real property.

Bagama’t nakasaad sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160) na maaaring gamitin ng local school board ang SEF sa operasyon, pagpapanatili, pagpapatayo, at pagkumpuni ng mga school buildings, iminumungkahi ni Gatchalian na palawakin ang gamit ng SEF upang magamit sa sahod ng mga guro at non-teaching personnel, sahod ng mga preschool teachers, at honoraria at allowances ng mga teachers at non-teaching personnel para sa karagdagang serbisyo sa labas ng regular na oras ng pagtuturo.

Iminumungkahi rin ni Gatchalian na gamitin ang SEF para sa capital outlay ng mga pre-schools, at sa operasyon at maintenance ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS).

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -