29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Epekto ng matinding init sa mga klase tatalakayin sa Senado — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

NAKATAKDANG magsagawa ang Senate Committee on Basic Education ng pagdinig ngayong Abril 30 upang talakayin ang epekto ng matinding init sa mga klase at sa pagpapatupad ng Alternative Delivery Modes (ADMs), ayon kay Senador Win Gatchalian.

Binalikan ni Gatchalian ang mga insidente kung saan sinuspinde ang klase sa maraming mga lugar dahil sa matinding init. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), maaaring umabot sa extreme danger heat index o 52° Celsius pataas ang temperatura sa ilang lugar sa bansa dahil sa El Niño.

Una nang binigyang diin ng Department of Education (DepEd) na sa panahon ng sakuna o kalamidad, kabilang ang matinding init, maaaring magsuspinde ang mga punong-guro ng face-to-face classes at magpatupad ng blended learning. Sa ilalim ng DepEd Order No. 037 s. 2022, maaaring magpatupad ng modular distance learning, mga performance task, o make-up classes kapag nagsuspinde ng klase.

Bagama’t maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended learning, binigyang diin ni Gatchalian na may mga hamon pa rin sa paggamit ng ADMs. Kabilang na rito ang kawalan ng maayos na internet sa ilang mga bahay. Nahihirapan din aniya ang ilang mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa pagpapatupad ng blended learning.

“May mga magulang na hindi masyadong sang-ayon sa online or blended learning dahil hindi natututo ang kanilang anak at mismong mga magulang din ang sumasagot sa mga textbook o workbook nila. Lumalabas na mas pabor pa rin ang maraming magulang sa face-to-face classes. Gayunpaman, maraming mga nag-suspend ng klase nitong mga nakaraang araw dahil sa sobrang init ng panahon. Ang lahat ng ‘yan ay babalansehin natin,” ani Gatchalian.

Bagama’t sinimulan na ng DepEd ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar na magsisimula sa Hunyo, hinimok ni Gatchalian ang ahensya na pag-aralan kung maaari pang magpatupad ng mas maikling transition period.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -