UPANG mapalawig ang kaalaman at partisipasyon ng mga mag-aaral at guro rito sa lungsod sa darating na National and Local Elections (NLE), nagsagawa ang Commission on Elections (Comelec) Region 1 ng “Voter Education and Registration Fair” sa Divine Word College of Vigan (DWCV) noong Mayo 14.
Mahigit 200 mag-aaral at guro ang dumalo sa aktibidad kung saan ibinahagi sa kanila ang iba’t ibang impormasyon tungkol sa proseso ng pagpaparehistro at pagboto pati na rin ang kanilang karapatan at responsibilidad bilang mga botante.
Karamihan sa mga mag-aaral ay mga first time voter edad 15 pataas, ayon sa pamunuan ng DWCV.
Ayon kay Atty. Reddy Balarbar, assistant regional election director ng Comelc Region 1, ito ang unang ‘voting education and voter registration’ sa Ilocos Sur ngayong taon.
Aniya, “Binibigyan natin ng platform ang ating mamamayang Pilipino specifically doon sa tinatawag natin na ‘informed choice’ nang sa ganun ay maalam sila sa mga qualification ng mga kakandidato itong darating na eleksyon at ng sa ganun din maalam sila dun sa karapatan (at responsibilidad) nila bilang botante.”
“Kung meron tayong ibang school na willing na mag-accommodate sa Comelec para magsagawa ng mga ganitong pagtitipon ay nakahanda kami. Marami tayong naka-line up (na programa). Nandiyan yung sa Voter Registration. Probably dito, isasagawa pa rin nila yung special register anywhere program project natin. Maaaring i-avail ng ating registrants yung mga ganitong activity na gagawin dito sa Vigan,” dagdag ni Balarbar.
Ayon kay Kate Ashley, Grade 12-STEM Student, malaking tulong ito sa kanila bilang mag-aaral sapagkat marami silang natutunan tungkol sa halalan at kanilang mga karapatan bilang botante.
Aniya, “As a student, events like this will help us, it gives us students the freedom to choose and be informed on things about the election. Also, the knowledge that we got here, we will surely apply this in the upcoming election.”
(Bilang isang mag-aaral, ang mga programang tulad nito ay makakatulong sa amin. Ito ay nagbibigay sa amin ng kalayaang pumili at malaman ang mga bagay tungkol sa halalan. Gayundin, ang kaalaman na nakuha namin dito, tiyak na magagamit namin ito sa darating na halalan.)
Aabot sa 22 mag-aaral at guro sa DWCV ang nagparehistro bilang botante, ayon sa tala ng Comelec Vigan.
Patuloy naman ang paalala ng Comelc sa publiko na magparehistro bilang botante para sa 2025 NLE hanggang Setyembre 30 sa pinakamalapit na Local Comelec Office mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, kabilang ang holiday. (JCR/MJTAB/JMCQ/CBA, PIA Ilocos Sur)