26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Tatlong aral na dapat alamin sa Banal na Trinidad

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

KILALA mo ba ang karamihan sa kapitbahay mo, ang mga katrabaho o kaeskuwela, at maging ang mga katabi sa simbahan?

Kung bahagya lamang ang pagkakilala natin sa kanila, katulad tayo ng karamihan. Ang hirap, dahil sa di-gaanong pagkakalilanlan ng mga tao, hati-hati ang mundo at madalas away-away at walang malasakit.

Sa pandaigdigan politika, dahil sadyang kilalanin ng mga dambuhalang bansa ang isa’t-isa, lalo na ang kabutihan ng karibal, labis-labis ang pangamba nila sa kapwang makapangyarihang bayan at anong tapang ang pagtuligsa nila sa isa’t-isa.

Dahil dito, walang hinto ang paglago at pagbagsik ng mga hukbo at sandata sa buong daigdig. Palaki nang palaki ang ginugugol sa militar, umabot nan ang 2.44 trilyong dolyar noong 2023. At mula 2020, tumataas taun-taon ang ginagastos sa armas atomika matapos ang ilang dekada ng pagbaba bawat taon.

Alamin ang kapwa


Ito ang pinakamalaki at pinakamapanganib na problema ng mundo ngayon: ang tahasang di-pagkilala sa kapwa, lalo na sa mga katunggali, na palasak sa mga bansang namamayani, sampu ng iba pang makapangyarihan at masalaping kalipunan at pamunuan sa lipunan.

Kuruin ang mga pahayag ng Amerika at mga kaalyado nito laban sa Rusya at China, at ang sagot naman ng dalawang bansang sumasaklaw sa malaking bahagi ng kontinenteng Asya. Para sa Estados Unidos (US), balak ng dalawang bansang karibal sakupin at lupigin ang sangkatauhan. Samantala, nagbubunsod ng ligalig at digma ang alyansiyang US sa pag-aarmas ng mga bansang pumapaligid sa Rusya at China,

Samantala, salat din sa pagkaalam at pakialam sa kapwa, lalo na sa nagdarahop, ang mga bilyonaryo at milyonaryo sa mundo. Dahil dito, mga 900 milyong katao ang kinukulang sa pagkain sa buong daigdig samantalang parami nang parami ang bilyonaryo — halos, 2,800 ngayon — at ang yaman nila, tinatayang $14.2 trilyon ngayon, $2 trilyon higit kaysa noong 2023.

Walang alam at walang pakialam. Hindi ito ang nais ng Diyos, at lalong hindi gayon ang Maykapal. Sa halip, gaya ng ipinagdiriwang sa Mayo 26, ang Dakilang Kapistahan ng Santisima Trinidad, lubus-lubos ang kaalaman ng Ama at Anak sa isa’t-isa na siyang nagbubunsod ng pagmamahalang ganap sa pagitan nila — ang Espirito Santo.

- Advertisement -

Kaya naman nagwika si Hesus sa Ebanghelyo ni San Juan (Juan 10:14-15) tungkol sa pagkilala bilang saligan ng pagmamahal: “Ako nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko siya, gayundin naman, kilalako ang aking mga tupa at kilala naman nila ako.”

Tunay nga: kung walang gasinong kaalaman ang tao sa isa’t-isa, wala rin pakialam at bagkus baka matakot at mamuhi pa. Kita ito hindi lamang sa magkatunggaling superpower, kundi sa nakaririwasa at nagdarahop. Hiwalay at walang malay ang mayaman sa pagdarahop ng maralita.

Subalit kung tunay nating nababatid ang niloloob at binabata ng iba, hindi tayo basta-basta makapagkikibit-balikat, lalo na kung may limpak-limpak tayong ari-arian at kapangyarihan upang magkawanggawa sa atas ng langit.

Akuhin ang dusa

Kung matututo tayong kumilala sa kapwa, lalo na ang lubhang kakaiba o sumasalungat sa atin, tutungo ito sa pag-unawa, kapayapaan, malasakit at mabuting asal — ang kailangang-kailangan ng daigdig natin ngayon upang makawala sa kapit ng giyera, alitan at katigasan ng puso, maging sa libu-libong kabataan at kababaihang namamatay sa digmaan sa Gaza, Israel.

Sa ganitong paraan, matatamo natin ang kaisahan ng Santisima Trinidad — tatlong Persona ng iisang Diyos — natatangi sa isa’t-isa, ngunit iisa pa rin sa pagka-Diyos. Ito rin ang hangad at aral ng Maykapal sa atin: ang magkaisa sa ating pagkakaiba-iba. Pangaral ng ani Papa Francisco noong Misa ng Banal na Santatlo noong 2021, na kapareho rin ang pagbasa para sa pagdiriwang sa taong ito:

- Advertisement -

“Sa mensahe ng Ebanghelyo at sa bawat anyo ng misyong Kristiyano, hindi dapat kaligtaan itong kaisahang panawagan sa atin ni Hesus, alinsunod sa kaisahan ng Ama, ng Anak at ng Espirito Santo: hindi dapat kaligtaan ang kaisahang ito. Nagsusulong isabuhay ang kagandahan ng Ebanghelyo — kaisahan — at gawing saksi ang magandang pagsasama nating magkaibang-magkaiba!”

Subalit hindi lamang pagkilala at pagmamahal ang magbubuklod sa tao at mundo. Kung iyon lamang ang kailangan, hindi na dapat nagdusa at namatay ang Panginoon. Pangatlong atas at aral ng Banal na Santatlo ang sakripisyo, Sa ikalawang pagbasang Misa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma (Roma 8:14-17):

“Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo. Sapagkat kung tayo’y nakikipagtiis sa kanya, darakilain din tayo kasama niya.”

Upang magkasama muli ang nawalay na Maykapal at sangkatauhan, kinailangang magpakasakit ang Banal na Santatlo. Nagdusa at namatay sa krus ang Ikalawang Persona, tiniis ng Unang Persona ang buhay, dusa at kamatayan bilang tao ng Anak niya, at ang pagmamahalan nilang ganap, ang Espirito Santo, naramdaman ang pasakit nang hilingin ni Hesus na huwag siyang pahirapan at paslangin, bagaman sinunod pa rin niya ang Ama, at nang humiyaw siya sa Kalbaryo: “Diyos ko, Diyos ko, bakit moa ko pinabayaan?” (Ebanghelyo ni San Marcos, 15:34).

Harinawa, sa pagkilala, pagmamahal at pagdurusa, magkaisa tayo sa isa’t-isa at sa Banal na Santatlo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -