POSIBLENG itaas ang alert level ng Mt. Kanlaon sa Negros Island sa 3 ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Ito ay kung ang seismic activity nito ay lumala, sabi ni chief, Dr. Teresito “Toto” Bacolcol, nitong Martes, Hunyo 4, 2024.
Dagdag pa ni Bacolcol, hindi pa rin kailangan ng mass evacuation, subalit dapat tiyakin ng mga kinauukulang local government units (LGUs) na ang apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan ay mahigpit na ipinagbabawal sa publiko.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon ang patuloy na suporta ng gobyerno habang ipinatupad niya ang isang buong-buong-gobyernong diskarte upang matiyak ang kapakanan ng publiko at ang agarang pagbibigay ng tulong.
Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nangunguna sa sitwasyon.
“Patuloy ang ating mga ahensya tulad ng Phivolcs, NDRRMC, at ang DSWD sa kanilang masusing pagsusubaybay at pagbibigay ng suporta,” sabi ni Pangulong Marcos.
Idinagdag pa niya na nakapamigay na ang pamahalaan ng mga kinakailangang tulong sa mga apektadong residente.
“Namigay na tayo ng mga sleeping kits sa La Castellana at may 13,000 family food packs na ang naka-preposition sa Negros Island at may karagdagang 40,000 food packs at iba pang non-food items na paparating,” sabi niya.
“Naka-standby din ang ating mga air asset para mas mabilis na pag-responde Tinitiyak ko na ang ating pamahalaan ay handa at patuloy na nagbibigay ng suporta hanggang makabalik nang ligtas ang lahat sa kanilang mga tahanan,” dagdag pa niya.
Sa huli, pinaalalahanan niya ang mga residente, lalo na ang mga malalapit sa mga apektadong lugar, na maging alerto at iwasang tumilgil sa four-kilometer radius permanent danger zone. Hinimok din niya ang mga ito na sundin ang mga guidelines at reminders ng mga lokal na awtoridad.
Sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development, tuloy-tuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng tulong sa mga apektado ng pagsabog ng Mt. Kanlaon sa pamamagitan ng family food packs at serbisyo sa evacuation centers.
Mayroon na ring naipadalang Mobile Command Center sa Negros Oriental at Negros Occidental para sa mas maayos na disaster response.