27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

436 indibidwal nabigyan ng pasaporte sa tulong ng ‘Passport-on-Wheels’

- Advertisement -
- Advertisement -

MGA 436 na residente mula sa  mga bayan ng Looc at Lubang sa Occidental Mindoro ang nabigyan ng sa ilalim ng Passport-on-Wheels (POW) program ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang POW ay programa ng DFA na naglalayong dalhin ang mga serbisyo nito sa mga lugar kung saan wala silang pisikal na tanggapan.

“Malaking tulong ito sa aming mga taga-Lubang dahil hindi na kami kailangang lumuwas ng Maynila upang mag-asikaso ng aming pasaporte,” ayon kay Municipal Administrator Willy Bleza.

Upang makarating ng Metro Manila, ang mga residente ng Lubang ay kailangang maglayag ng apat oras mula sa pantalan ng Brgy. Tilik sa bayan ng Lubang patungong Nasugbu, Batangas, at doon ay sasakay ng van o bus patungong Maynila.

Sinabi ni Bleza na sa pamasahe pa lamang ay aabot na ng higit P1,300 kada indibidwal ang gastos sa pagluwas at madaragdagan pa ito sakaling kailangang manatili ng higit sa isang araw sa Maynila upang asikasuhin ang pasaporte.

Dagdag pa niya na malaki ang kanilang pasasalamat sa mga ahensya ng pamahalaan na tumutugon sa hiling nilang ilapit sa bayan ang kanilang mga serbisyo.

Ayon sa kanya, personal na sinasadya ni Mayor Michael Lim-Orayani at mga opisyal ng local government unit ang iba’t ibang national government agencies (NGA) upang himukin na dalhin sa isla ng Lubang ang mga programa ng pamahalaan. Bukod sa DFA, kabilang sa mga ito ang National Bureau of Investigation, Philippine Statistics Authority at iba pa.

“Nitong mga nagdaang buwan, nakahiling rin si Mayor Orayani sa mga medical society at institusyon upang magsagawa ng medical mission sa Lubang,” saad pa ni Bleza.

Ayon pa sa kanya, inaasikaso rin ngayon ng Pamahalaang Lokal ng Lubang na makarating ang Land Transportation Office (LTO) sa kanilang bayan dahil malaking tulong sa kanilang mga motorista kung doon mismo gagawin ang renewal ng mga rehistro ng sasakyan at driver’s license. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -