29.5 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

TRB, kinalampag ni Tulfo para ayusin ang problema sa palpak na RFID system

- Advertisement -
- Advertisement -

IKINABAHALA ni Senate Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo ang dagsa ng reklamo ukol sa matagal nang problema sa palpak na RFID system na nagiging sanhi ng buhol-buhol na traffic sa mga expressway.

Sa kasalukuyan, maraming RFID tags ang hindi nababasa ng mga scanner dahil sa reader malfunction o di kaya naman ay maling pagkakalagay sa posisyon ng mga ito. Dahilan para hindi agad umaangat ang mga toll barrier na nagiging sanhi ng matinding traffic.

Para maresolba ang isyu, tinawagan ni Tulfo si Atty. Alvin Carullo, Executive Director ng Toll Regulatory Board (TRB) kung saan iminungkahi niyang sa oras na magmalfunction ang RFID reader, tatlong sasakyan pa lamang ang nasa pila ay sapilitan na dapat itaas ang barrier at libre na dapat makaraan ang mga motorista habang inaayos ito.

Hinimok din ni Tulfo ang TRB na simulan nang ipatupad ang barrier-less na sistema sa mga expressway sa bansa kung saan nangako si Carullo na isa ito sa kanilang pag-uusapan sa TRB meeting para sa agarang aksyon.

Napansin din ni Tulfo na dagdag pasakit sa mga motorista ang mga insidente kung saan hindi sila nakakapasok agad sa expressway dahil sa zero balance kahit na kakaload lang nila ng sapat na halaga sa kanilang mga toll payment accounts. Dahil dito, napipilitan silang mag-reload ng RFID sa ikalawang pagkakataon at paghihintayin pa kadalasan ng dalawang araw o higit pa para marefund ng toll operators ang halaga na hindi nagreflect sa kanilang accounts.

Dahil dito, inirekomenda ni Tulfo sa TRB na magpataw ng mas mataas na multa at mas istriktong parusa sa mga toll operators sa bawat paglabag nila at pagbibigay perwisyo sa mga motorista. Dagdag pa niya, 24 oras lang ang dapat na palugit para mai-refund sila.

Nangako naman si Carullo kay Sen. Idol na mareresolba nila ang mga isyu sa RFID ngayong Oktubre 2024 kaya sinabi ni Sen. Idol na aasahan niya ito. Binigyang-diin ni Tulfo na napakalaki ng ibinabayad ng mga motorista para sana makatipid ng oras at maka-iwas sa perwisyo ng trapik kaya dapat ayusin ang serbisyong natatanggap nila.

Kaya naman naghain si Tulfo ng Senate Resolution No. 1060 noong Martes, July 2, para mapa-imbestigahan at mapanagot kung sino sa TRB at mga toll expressway operators ang may pagkukulang. Sinabi ni Tulfo na ipapatawag niya agad ang pagdinig pagtapos ng Senate recess ngayong Hulyo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -