29.6 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Papaano natututo ang kabataang Filipino 

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Hulyo 22, 2024 iniulat niya ang kahalagahan ng edukasyon sa ating lipunan at sa patuloy na pagsulong ng ating bansa. Ang halaga ng yamang tao sa pagpapaunlad ng bayan ay ipinakita sa maraming pag-aaral kasama ang mga pananaliksik ng World Bank at iba pang institusyong pananaliksik sa loob at labas ng bansa.

Sa harap ng kahalagaahan ng edukasson, inamin ng Pangulong Marcos ang malaking kakulangan ng ating sistema upang maipatupad ang mahalagang papel ng edukasyon sa kaunlaran. Nakapanlulumo na malaman na mahigit sa kalahati ng ating mga estudyante sa Grade 6, Grade 10 at Grade 12 ay hindi natamo ang kinakailangang antas ng kaalaman o proficiency level; bagsak sila sa information literacy, mababa ang kasanayan sa pagsagot sa problema at mapanuring pag-iisip.

Dahil dito ayon sa Pangulong Marcos kailangang turuan ang kabataang Filipino hindi lamang upang makapagbasa, makapagsulat at makapagbilang ngunit ng iba pang mahahalagang kasanayan. Kailangan nilang mahasa sa pagsagot sa mga problema at mapanuring pag-isip, mga kasanayang kailangan sa isang digital na ekonomiyang malawak ang paggamit ng teknolohiya. Kasama sa mga interbensyon ng pamahalaan ay ang dagdag na budget sa edukasyon upang maisara ang malaking kakulangan sa mga silid aralan, paglalaan ng mga computer, smart TV, digital books at elektrisidad at Internet connection sa mga paaralan. Ang reforma ay nakatuon sa pagpapalawak sa paggamit ng makabagong teknolohiya at produksyon ng sari-saring materyal sa pagtuturo.

Ang mga panukalang ito ay nakabatay sa tradisyonal na pananaw kung papaano natututo ang mga estudyante ayon sa educational production function. Sa modelong ito ang mga resulta ng pagtuturo ay nakabatay sa mga sangkap ng ginagamit ng mga paaralan sa paglalaan ng serbisyong pang edukasyon. Samakatuwid, ang antas ng kaalamang  natututunan ng mga estudyante ay nakabatay sa dami at kalidad ng mga guro at kawani sa paaralan, sa dami at luwang ng mga silid aralan, gusali at laboratoryo at dami at kalidad ng mga materyal panturo kasama ang mga aklat, computer at telebisyon. Makikita na ang mga interbensyong inilahad ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA upang matugunan ang krisis sa edukasyon ay nakatuon sa paglalaan ng marami pang sangkap at pagpapatingkad ng kalidad ng mga sangkap na ito.

Ngunit marami na ang pag-aaral na nagsasaad na ang antas ng kahusayan ng kabataan ay hindi lamang nakasalalay sa mga sangkap sa produksiyon na ginagamit ng mga paaralan sa paglalaan ng serbisyong pang-edukasyon. Mahalaga rin ang papel ng magulang kasama ang kanilang edukasyong tinapos, kasanayan at karanasan. Ang mga  estudyanteng may mga magulang na aral at may mataas na antas na edukasyon ay kadalasan ay may matataas na antas ng natutunan dahil ang kasanayan at karanasan ng kanilang mga magulang ay nakatutulong sa paghubog ng motibasyon sa kanilang mga anak na maging masipag at palaaral. Maraming pag-aaral ay nagsasaad na maraming estudyanteng Filipinong mababa ang antas ng natutunan dahil kapos ang mga magulang nila sa kaalaman, kasanayan at oras upang maturuan sila.


Nakatutulong din sa pagkatuto ng mga estudyante ang kapaligiran sa pamahayan sa kanilang pagpupursigi upang matuto. Batay sa pananaw na ito tumataas ang pagpupursigi ng mga estudyante upang matuto kung may malinis at tahimik na kapaligiran sa kanilang pamamahay. Kasama rin dito ang dami ng mga anak  na nagtatalaga sa oras ng mga magulang upang tutukan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Napakahalaga ng papel ng mga magulang at pamilya sa pagkatuto ng kanilang mga anak. Tinataya na mahigit sa 50% ng agwat ng estudyanteng may matataas na score at may mabababang score sa mga examination ay sanhi ng papel ng mga magulang at pamilya.

Batay sa talakayang ito, ang kahinaan ng ating mga estudyante ay hindi dahil sa kapos ang mga sangkap na ginagamit sa mga paaralan bagkus sa mahinang pakikisangkot ng mga magulang sa kanilang pag-aaral.

Ang nararapat na direksyon sa reforma ay isama sa interbensyon ng pamahalaan ang pagpapalakas sa papel ng mga magulang at pamahayan sa pagkatuto ng mga kabataang Filipino. Dahil dito, dapat palawakin, palalimin at palakasin ang papel ng Parent Teacher Association (PTA) upang mahimok ang mga magulang na maging sangkot sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa loob at labas ng paaralan.

- Advertisement -

Bigyan ng insentibo ang mga manggagawa upang mabigyan ng oras sa pakikisangkot sa PTA at oras upang turuan ang mga anak sa kanilang bahay. Hindi natin sinasabi walang papel ang mga guro at mga sangkap sa produksiyon sa pagkatuto ng mga estudyanteng Filipino ang mensahe ng artikulong ito ay maging mulat ang ating mga pinuno sa edukasyon at pamahalaan sa napakalaking papel ng mga magulang sa pagkatuto ng kanilang mga anak at dapat natin itong itanghal

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -