27.4 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

Sapat na suporta mula sa gobyerno kailangan para sa public transport modernization program — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ay makakamit sa tulong ng sapat na suporta mula sa gobyerno. Binigyang-diin niya ang kanyang patuloy na pagsuporta sa inisyatibong ito.

“Sa ngayon, hindi pa natutugunan ng gobyerno ang lahat ng hamong kinakaharap ng panukalang programa,” ani Gatchalian.

“Ang tagumpay ng programang public transport modernization ay nakasalalay nang malaki sa lakas ng suporta ng gobyerno. Pero ngayon, kailangan muna ang pansamantalang suspensyon nito upang muling pag-isipan ng gobyerno kung paano epektibong mapapalakas ang pagpapatupad ng panukalang programa,” dagdag niya.

Partikular na sinabi ni Gatchalian na kailangang palakasin ng gobyerno ang suporta nitong pinansyal para sa programa upang mapagaan ang pasanin sa mga operator at driver. Pinupuna ang gobyerno dahil sa hindi sapat na tulong pinansyal na ibinibigay sa mga operator para makabili ng mga makabagong pampasaherong sasakyan o PUV units. Ang limitadong pagpipilian sa pagpopondo ay nagiging hadlang sa mga operator sa pagbili ng mga bagong sasakyan. Ilang grupo ng mga driver at operator ang nagsasabing ang programa ng modernisasyon ay naglalagay ng labis na pasanin dahil kinakailangang bumili ng mga makabagong unit na nagkakahalaga ng higit sa P2 milyon bawat isa.

“Ang iba pang bahagi ng programa na hindi pa natutugunan ay ang konsolidasyon ng natitirang 17% ng mga unit ng jeepneys, UV Express, Filcabs, at mga bus sa ilalim ng mga kooperatiba. Hindi pa rin lubos na natutugunan ang route rationalization,” sabi ni Gatchalian. Hanggang ngayon, aniya, may malaking pagkaantala sa pag-apruba ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) dahil sa mabagal na mga proseso sa gobyerno.

Sinabi rin ng mambabatas na hindi pa nagbibigay ang gobyerno ng sapat na suporta sa mga driver sa pamamagitan ng retraining, mga opsyon sa kabuhayan, at social protection.

“Dapat tiyakin ng gobyerno ang isang maayos na transisyon, mapagaan ang pasaning pinansyal ng mga transport operator at driver, at maglunsad ng isang komprehensibo at masusing information campaign,” dagdag ng senador.

“Ang mga pagsubok sa simula ay hindi maiiwasan kung nais nating makamit ang makabuluhang pagbabago sa ating sektor ng transportasyon. Gayunpaman, dapat lagi tayong handang makipag-ugnayan at tumulong sa pagresolba ng mga suliranin,” pagtatapos niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -