HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na pabilisin at ganap na ipatupad ang mas mababang retail competition at open access (RCOA) threshold upang mapakinabangan ng mga konsyumer ang competitive na pagpepresyo ng kuryente.
“Ang pagpapababa ng threshold mula 500 kilowatts sa household level ay higit na magpapahusay sa kompetisyon at consumer choice, na nagtataguyod ng pagiging maaasahan at pagiging abot-kaya ng presyo ng kuryente. Kalaunan ay nagiging mas malaking katipiran ito para sa mga mamimili,” sabi ni Gatchalian.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng ulat ng ERC na ang mga konsyumer na gumagamit ng electricity services mula sa retail electricity suppliers (RES) ay nakapagtala ng savings na humigit-kumulang P50 bilyon noong Hunyo ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2023.
Ang RCOA ay isang framework na idinisenyo upang isulong ang kompetisyon sa retail electricity market na nagpapahintulot sa mga konsyumer na pumili ng kanilang mga retail na supplier ng kuryente at hindi umasa sa kinontratang supply ng kanilang mga distribution utilities. Sa ilalim ng istruktura ng RCOA, na naging epektibo noong Hunyo 2013, ang mga contestable customer o ang mga end-user ng kuryente na may buwanang average na peak demand na pasok sa threshold ng contestability gaya ng tinutukoy ng ERC ay pwedeng pumili ng supplier ng kuryente.
Noong Marso ngayong taon, inaprubahan ng ERC ang eligibility threshold para sa pakikilahok sa retail market sa Mindanao na may average na buwanang peak demand na 500 kilowatts (kW) para sa naunang 12 buwan, na pareho sa threshold na itinatag sa Luzon at Mindanao.
Pinag-iisipan na ngayon ng ERC na ibaba ang threshold sa 100 kWh sa isang buwan, na nangangahulugan na mas maraming mga end-user ng kuryente ang maaaring maging kwalipikado para sa programa.
“Inaasahan natin na mas maraming mamimili ang magkakaroon ng kakayahang pumili at lumipat ng supplier sa sandaling ibaba ng ERC ang threshold. Ito ay magpapahusay sa pagiging competitive ng marami sa ating mga lokal na negosyo na sumusuporta sa paglago ng ekonomiya,” sabi ni Gatchalian.
Bukod sa pagpapababa ng threshold, ang ERC ay dapat ding tumulong na bigyang-daan ang mga mamimili at iba pang manlalaro sa merkado na hindi mahirapan na lumipat ng supplier.
“Napapanahon nang palawakin ang mga reporma sa industriya na makakatulong na maging abot-kaya ang bayad sa kuryente,” pagtatapos niya.